Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 8/89 p. 3-4
  • Ginagamit Mo Ba ang Iyong Tinataglay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ginagamit Mo Ba ang Iyong Tinataglay?
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • PAGLALAAN NG KASALUKUYANG MGA ESPIRITUWAL NA PANGANGAILANGAN
  • MAGING ISANG TAGATUPAD—HINDI ISANG TAGAPAKINIG NA LUMILIMOT
  • PAGPAPASULONG SA ATING MINISTERYO SA LARANGAN
  • Tayong Lahat ay Kailangang Mag-aral
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1988
  • Kung Paano Gagawin ang Pagsasaliksik
    Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
  • Gamitin ang Index Upang Sumulong sa Espirituwal
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1987
  • Pagganap ng Ating Ministeryo sa Kaharian sa Tulong ng Index
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1991
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—1989
km 8/89 p. 3-4

Ginagamit Mo Ba ang Iyong Tinataglay?

1 Si Jesu-Kristo ay nagbigay ng patnubay sa kaniyang mga alagad sa mga bagay na may kinalaman sa tunay na pagsamba. Hinggil sa pag-uusap ni Jesus at ng dalawa sa kaniyang mga alagad, si Lukas ay nag-ulat na si Jesus ay “nagpaaninaw sa kanila ng mga bagay tungkol sa kaniya sa lahat ng mga Kasulatan.” (Luc. 24:27, 32, 45) Tunay na narepreskuhang mabuti at napatibay ang mga alagad ng kaniyang mga tagubilin. Gayumpaman, sumapit ang panahon na kailangang iwanan sila ni Jesus. Papaano nila mauunawaan ang nasusulat na Salita ng Diyos kung wala na siya? Malalaman ba nila kung papaano ito ikakapit sa kanilang mga buhay?

2 Hindi iniwan ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa gipit na kalagayan, na binayaan na lamang sa kanilang sariling di sakdal na pagpapasiya. Di natagalan at nabatid nila na samantalang siya’y kasama nila sa lupa, si Jesus ay naglaan ng saganang impormasyon na magagamit nila nang mabisa bilang patnubay sa iba’t ibang mga bagay. Naunawaan nila kung ano ang gagawin habang kanilang “naaalaala ang kaniyang mga salita.” (Luc. 24:8; Juan 14:26) Sumapit ang panahon na marami sa mga sinalita ni Jesus ay naiulat sa Salita ng Diyos ukol sa ating kapakinabangan.

3 Nang ang Kristiyanong kongregasyon ay nagpasimulang maorganisa, ang mga nangunguna ay tumulong sa mga kapatid na alalahanin ang dating itinuro ni Jesus. Sa kaniyang ikalawang liham, sumulat si Pedro: “Upang maalaala ninyo ang mga salitang sinabi nang una ng mga banal na propeta at ang utos ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng inyong mga apostol.” (2 Ped. 3:1, 2) Kaya, sa maraming pagkakataon, kahit na mahahalagang bagay pa ang isinasaalang-alang, nangangailangan lamang na gamitin ang mga bagay na dati nang inilaan.—Gawa 15:12-21.

4 Ang gayong mga tagubilin ay hindi kailanman nawalan ng bisa, o kaya’y lumipas sa panahon. Sa paglipas ng mga taon, si Jehova ay pasulong na naglaan sa kaniyang bayan ng lalong maliwanag na kaunawaan sa kaniyang kalooban. (Kaw. 4:18) Ang mga pagbabago sa pagkakaunawa ay lalo pang niliwanag at pinagtibay ng organisasyon. Sa lahat ng ito, ang saligang mga simulain ay nanatiling pareho. Kaya, ang Sermon ni Jesus sa Bundok, bilang halimbawa, ay nanatiling praktikal sa ngayon kagaya noong ito’y ibinigay halos 2,000 taon na ang nakararaan. Hindi na nangangailangan ng bagong mga kapahayagan ng katotohanan yamang nailaan na sa atin kung ano ang ating kinakailangan.

PAGLALAAN NG KASALUKUYANG MGA ESPIRITUWAL NA PANGANGAILANGAN

5 Mula pa noong mga taon ng 1870, ang makabagong kongregasyong Kristiyano ay patuloy na sumulong tungo sa lalong maliwanag na kaunawaan sa Salita ni Jehova. Sa nakaraang mga taon, iba’t ibang mga katanungan ang bumangon na humihiling ng maliwanag na mga kasagutan. Ang “tapat at maingat na alipin” ay naglaan ng gayong “pagkain sa wastong panahon.” (Mat. 24:45) Isa-isa, ang mga katanungan ay lubusang sinaliksik sa liwanag ng katotohanan ng Bibliya, at espesipikong patnubay ang ibinigay para sa bayan ni Jehova. Ang lahat ng impormasyong ito ay dumating sa atin sa pamamagitan ng mga publikasyon ng teokratikong organisasyon, lalo na sa magasing Bantayan.

6 Pagkatapos na repasuhin ang mga nailathala sa nakaraang mga taon, maliwanag na ang mga publikasyon ng Samahan ay naglaan ng kinakailangang patnubay sa halos lahat ng paksa ng Bibliya na maaaring pumasok sa isipan. Ang mga aral hinggil sa doktrina ay lubusang pinag-aralan. Ang mga simulain na sumasaklaw sa Kristiyanong paggawi ay niliwanag na mabuti. Ang mga kahilingan para sa pagsasakatuparan ng dakilang gawain ng pangangaral ay maingat na binalangkas. Bilang resulta, mayamang impormasyon mula sa Bibliya ang natipon ukol sa kapakinabangan ng lahat. Halimbawa, ang mga tomo ng Bantayan at Gumising! ay isang imbakan ng tagubilin. Kung taglay natin ang mga tomo ng Bantayan at Gumising! mula 1960 hanggang 1988, para tayong nagkaroon na ng 58-tomong encyclopedia na punong-puno ng mahahalagang kaalaman sa Kasulatan at impormasyon sa di mabilang na ibang larangan. Ang bahaging “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” ay nagsuri sa daan-daang mga katanungan. Tila wala nang paksang hindi nasaklaw sa anumang paraan sa isa sa mga publikasyon. Kaya, kapag kailangan natin ang patnubay sa isang pantanging paraan, kadalasang nagiging maalwan na isipin lamang kung ano na ang naitawag-pansin sa atin sa nakaraan.

7 Gayumpaman, ang paghahanap ng espesipikong impormasyon kapag kailangan natin ay magiging mahirap kung ang aasahan lamang natin ay ang sariling memorya. Nakaliligaya, ang organisasyon ay naglaan ng Watch Tower Publications Index 1930-1985 na magagamit natin upang hanapin ang mga espesipikong detalye sa loob ng ilang minuto lamang. Ang Index ay bumabanggit ng mahigit pa sa 200 publikasyon na inilabas sa loob ng 56 na mga taon. Ginagamit na ba ninyo ang Index upang hanapin ang impormasyong kailangan ninyo? Gayundin, sa pana-panahon ay mayroong mga Index sa iba’t ibang wika, at ang ilang publikasyon ay nagtataglay ng kanilang sariling indise.

MAGING ISANG TAGATUPAD—HINDI ISANG TAGAPAKINIG NA LUMILIMOT

8 Ang organisasyon, sa pamamagitan ng mga publikasyon nito, ay tumutulong sa atin upang maunawaan ang kalooban ni Jehova. Tayo’y kailangang maging tagatupad at nagkakapit sa ating natututuhan sa halip na maging mga tagapakinig na lumilimot. (Sant. 1:25) Ang itinawag-pansin sa atin ay hindi dapat malasin bilang tagubilin na maaaring ipagpaliban at limutin pagkatapos na maisaalang-alang ito. Sa halip, dapat nating pakinggan iyon taglay sa kaisipan na alalahanin iyon kapag nagkaroon ng pangangailangan para doon sa hinaharap. Upang maisagawa iyon, “nararapat nating tantuin ang mga bagay na narinig.”—Heb. 2:1.

9 Papaano “nararapat nating tantuin ang mga bagay na narinig”? Ang Marso 15, 1989, Bantayan, pahina 14, ay nagpapaliwanag: (1) Kailangan nating pahalagahan ang organisasyon ni Jehova at ipakita iyon sa pamamagitan ng ating pakikipagtulungan at regular na pagdalo sa pulong. (2) Dapat tayong maging masipag sa ating personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos at sa mga publikasyon na inilaan ng uring alipin. (3) Mahalagang bulaybulayin ang mga bagay na ating natutuhan upang ang mga ito ay maikapit sa ating buhay at gamitin sa pagtulong sa iba.

10 Ang mga publikasyon ay naglalaan ng patuloy na tagubilin kung papaano mapagtatagumpayan ang mga hamong napaharap sa atin sa pagtataguyod sa ating pamilya, pananatiling malinis sa moral at pakikitungo sa iba. Papaano kayo tumutugon sa gayong tagubilin? Minamalas ba ninyo iyon taglay ang pagpapahalaga, na maingat na isinasaalang-alang ang mga bagay na kumakapit sa inyo nang personal? O minamalas lamang ninyo ito taglay ang pansamantala, napapawing interes? Ang pagpapahalaga ay dapat na magpakilos sa atin na tanggapin ang impormasyon at bulaybulayin iyon sa layuning alalahanin iyon sa hinaharap at gamitin iyon nang lubusan.—Isa. 48:17.

11 Higit pa ang kailangang gawin kaysa basahin lamang ang mga inilaan sa atin. Ito ay kadalasang nagiging pangkaraniwan at pahapyaw lamang. Sa halip, kailangang pag-aralan natin iyon. Ang pag-aaral ay nangangahulugan ng paglalagay sa isipan ng isang paksa sa sistematikong paraan upang matutuhan iyon at gamitin sa hinaharap, upang ang isang bagay ay maisaalang-alang ukol sa pagkilos. Ito’y nangangahulugan na ang ating pangmalas sa materyal ay aktuwal na nagpapakita kung gaano kalalim naikintal ito sa ating kaisipan at naikakapit sa pang-araw-araw nating buhay. Habang tayo ay nag-aaral, dapat na patuloy nating itanong: Papaano ito kumakapit sa akin? Papaano ko magagamit ito upang sumulong ako nang higit sa espirituwal? Anong mga pagbabago ang kailangan kong gawin? Papaano ko gagamitin ito upang tulungan ang iba? Papaano ko maipaliliwang ito sa iba?

PAGPAPASULONG SA ATING MINISTERYO SA LARANGAN

12 Ang Ating Ministeryo sa Kaharian ay palagiang nagsusuri sa mga pangangailangan at kalagayan ng ministeryo sa larangan, na nagpapakita ng mga paraan na makatutulong sa atin na matamo ang pinakamabuting resulta. Yamang ito ay inilalathala nang buwanan, minamalas ba ninyo ang tagubilin nito na angkop lamang hanggang sa susunod na labas? Ang isa sa pangunahing tunguhin sa ministeryo ay ang laging abutin ang puso ng mga tao sa pamamagitan ng mensahe ng Kaharian. Ang makataong interes, emosyon, at saloobin ay karaniwan nang nanatiling kagaya ng dati sa paglipas ng mga taon. Maraming iba’t ibang paraan ang maaaring gamiting mabisa upang makapukaw ng interes. Ang Ating Ministeryo sa Kaharian ay gumigising sa atin hinggil sa matagumpay na paraan na ginagamit ng iba. Yamang maraming iba’t ibang mungkahi ang naibigay na sa nakaraang mga panahon, ang karaniwang pamamaraan ay nananatili gaya ng dati. Ang kasalukuyang mga mungkahi ay maaaring naibigay na noong una, at ang mga ito ay maaaring gamiting muli sa hinaharap.

13 Ang isa pang namumukod-tanging paglalaan ay ang aklat na Nangangatuwiran. Ang pahina 8 ay nagpapaliwanag na “ang paggamit sa aklat na ito ay makatutulong sa inyo sa pagpapasulong ng kakayahan na mangatuwiran mula sa Kasulatan at sa mabisang paggamit ng mga ito sa pagtulong sa iba.” Maraming mamamahayag ang naglahad ng mga maiinam na karanasan na nagpapakita kung papaanong ang aklat na ito ay ginamit upang magkaroon ng kasiyasiyang mga resulta. Ang mga impormasyon nito ay praktikal upang gamitin sa halos lahat ng kalagayan na nakakaharap sa ating ministeryo. Kapakipakinabang kung rerepasuhin ang mga piniling bahagi bago makibahagi sa paglilingkod sa larangan bawa’t linggo. Dapat na magdala tayo ng isang kopya sa ating bag. Laging iminumungkahi rin na isama ito sa mga publikasyon na ating dinadala nang palagian sa mga pulong. Sa pamamagitan ng pagkakaroon nito sa lahat ng pagkakataon at pagiging pamilyar sa nilalaman nito, walang alinlangang tayo ay nagsisikap na “masangkapang lubos sa bawa’t mabubuting gawa.”—2 Tim. 3:17.

14 Naipakikita natin ang pagpapahalaga sa inilaan sa atin ni Jehova sa pamamagitan ng lubusang paggamit nito sa ating ministeryo. Ang kinakailangang espirituwal na pagkain lakip na ang patnubay sa ating ministeryo ay inilaan nang sagana. Kailangang “magsipag ka sa mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito.” (1 Tim. 4:15) Ito’y magpapangyaring ating maalaala ang mga kailangan natin sa angkop na panahon. Kung tayo’y nangangailangan ng tulong upang makaalaala, taglay natin ang mga publikasyong dinisenyo upang pukawin ang ating memorya. Sa halip na laging umasa sa bagay na bago, tayo ay dapat na magpasalamat sa ating tinataglay at gamitin iyon nang lubusan. Sa paggawa nito, naipakikita natin na tayo’y maygulang na mga tao na “sa pamamagitan ng paggamit ng kapangyarihang umunawa ay nasanay upang makilala ang mabuti at ang masama.”—Heb. 5:14.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share