Pagganap ng Ating Ministeryo sa Kaharian sa Tulong ng Index
1 Upang tulungan tayo sa pagganap ng ating ministeryo, si Jehova ay naglaan ng isang saganang patnubay sa isang malawak na aklatan ng mahahalagang publikasyon. Magagamit ba natin nang lalong mabuti ang mga ito? Ang isang pangunahing tulong sa paggawa nito ay ang Watch Tower Publications Index, na patuloy na nililimbag mula pa noong 1961.
2 Papaano makatutulong ang Index sa pagganap ng inyong ministeryo? Sa pamamagitan ng pagtuturo ng daan tungo sa napakaiinam na payo at paliwanag na naibigay na. Ang Index ay inilaan para sa buong kapatiran. Mula sa mga anak hanggang sa mga lolo, sa mga bagong estudiyante sa Bibliya hanggang sa mga matatanda, makakasumpong ang lahat ng mga reperensiya na kailangan nila sa anumang kapakipakinabang na layunin.
PAPAANO MASUSUMPUNGAN ANG INYONG KINAKAILANGAN
3 Kung kayo ay interesado sa kahulugan ng partikular na talata, makikita ninyong pinakamabuting bumaling muna kayo sa index sa kasulatan sa likuran. Mayroon bang bumanggit sa Juan 10:30 upang sikaping patunayan ang Trinidad? Ang index sa kasulatan ay aakay sa inyo sa materyal na nagpapaliwanag kung bakit sinabi ni Jesus ang mga salitang iyon. Ang index sa mga kasulatan ay magpapasulong sa ating personal na pagbabasa ng Bibliya habang ating sinasaliksik ang paliwanag sa mga talatang waring nakalilito o mahirap maunawaan.
4 Ang index ng paksa ay naglalaan ng iba’t ibang daan tungo sa gayunding impormasyon. Halimbawa, baka kakailanganin ninyong alamin kung ano ang gagawin kapag ang isang di sumasampalatayang asawa ay tumutol sa inyong pagdadala sa mga anak sa mga pulong. Maaari kayong bumaling sa uluhang “Husbands,” “Wives,” “Children,” “Opposition,” o “Meetings.” Kung hindi ninyo masumpungan ang sagot sa ilalim ng unang uluhan, subukan ang iba. Kung nasumpungan ninyong ang pangunahing uluhan ay tama, pagmasdan munang mabuti ang kaugnay na reperensiya na nasa ilalim nito. Kadalasang nakakatipid ng panahon kung may makikitang iba pang uluhang malapit sa punto.
5 Ang pagiging bihasa sa paggamit ng Index ay makatutulong nang malaki sa ikatatagumpay ng pagganap ng ating banal na mga pananagutan. Ang ating mga pamilya, ang ating mga estudiyante sa Bibliya, ang ating mga kongregasyon ay makikinabang habang tayo ay lalong nagiging bihasa sa paggamit ng kasangkapang ito. Ang sumusunod na mga isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay tatalakay sa mga espesipikong larangan kung saan ang Watch Tower Publications Index ay maaaring maging isang napakahalagang tulong sa pagganap ng ating ministeryo sa Kaharian.