Maging Alisto sa Pag-aalok ng Aklat na Mga Kuwento sa Bibliya
1 Anong laking pasasalamat natin para sa mga literatura sa Bibliya na palagiang inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon! Malaki ang ating pagpapahalaga sa espirituwal na pagkaing ito, yamang habang ating maingat na binabasa ito, ang ating pagpapahalaga kay Jehova at sa kaniyang mga layunin ay lumalaki.
2 Ang personal na mga kapakinabangan na ating natatanggap ay nagpapakilos sa atin na ibahagi sa iba ang mabubuting bagay na ating natututuhan. (Mat. 24:14) May malaking pananabik tayo na mailagay ang mga publikasyon ng Samahan sa kamay ng maraming mga tao hangga’t maaari. Pinangyayari nitong sila man ay matuto ng katotohanan na taglay ng mga publikasyong ito sa Bibliya. Kung tayo ay nahahandang mabuti at alisto na gamitin ang bawa’t pagkakataon na maiharap ang kasalukuyang alok na literatura, maaari nating matulungan ang iba pang taimtim na tao na bumaling kay Jehova at makisama sa atin sa paglilingkod sa kaniya.
SA BAHAY-BAHAY
3 Sa Disyembre ay iaalok natin ang aklat na Mga Kuwento sa Bibliya sa abuloy na ₱48.00. Ang isang bagong Paksang Mapag-uusapan ay iminumungkahing gamitin sa alok na ito, na pinamagatang “Bakit Babasahin ang Bibliya?” Pagkatapos na ipakita sa maybahay ang mga kapakinabangan para sa kaniya at sa kaniyang pamilya ng palagiang pagbabasa ng Bibliya, ang aklat ay maaaring iharap bilang payak na paraan sa pag-alam ng tema ng Bibliya at lalo na sa pagtuturo sa mga anak.
4 Kung ang tao ay talagang abala maaaring naisin nating tuwirang ialok ang aklat gaya ng iminungkahi sa mga pahina 19 at 20 ng aklat na Nangangatuwiran. Maaari tayong gumawa ng kaayusan sa pagdalaw-muli sa isang kombeniyenteng panahon. Ito’y pagpapakita ng konsiderasyon sa kalagayan ng maybahay.
5 Ano ang maaaring gawin kapag mayroon ng aklat na Mga Kuwento sa Bibliya ang maybahay? Bakit hindi ikapit ang simulain sa 1 Corinto 3:6-9? Ang binhi ay naitanim na. Gamitin ang pagkakataon upang diligin iyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang patotoo. O maaari ninyong sabihin: “Ako ay nalulugod na mayroon na kayong kopya ng aklat na ito. Walang alinlangan na nasisiyahan kayo sa pagbabasa nito. Kung maaari, nais kong ipakita kung papaano kayo makikinabang nang higit pa mula sa aklat. Ito’y kukuha ng ilan lamang minuto.” Pagkatapos ay itanghal kung papaano tayo nag-aaral ng Bibliya sa tulong ng publikasyon. Tandaan, ang ating pangunahing tunguhin ay ang “gumawa ng mga alagad.”—Mat. 28:19.
IMPORMAL NA PAGPAPATOTOO
6 Dapat din tayong alisto sa paghaharap ng aklat na Mga Kuwento sa Bibliya sa mga panauhin, kamag-anak, kamanggagawa, kamag-aral, mga taong ating nasusumpungan sa pamimili, at sa mga nasusumpungan natin samantalang naglalakad patungo sa bahay-bahay kapag tayo ay nasa paglilingkod sa larangan. Magplano nang patiuna, na laging may nakahandang aklat upang iharap kapag lumilitaw ang gayong mga pagkakataon. Malaking kabutihan ang matatamo sa pamamagitan ng impormal na pagpapatotoo.—1 Ped. 3:15.
7 Ang organisasyon ni Jehova ay saganang naglalaan sa atin ng maiinam na mga literatura upang gamitin. Ang pagiging alisto sa mga pagkakataong maialok ito ay makatutulong upang dakilain ang pangalan ni Jehova.—Awit 34:3.