Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Pamamagitan ng mga Pag-aaral sa Bibliya
1 Sa nakaraang taóng ito ng paglilingkod sa Pilipinas, mahigit sa 76,000 mga pag-aaral sa Bibliya ay idinaos bawa’t buwan. Marahil ay halos kalahati ng mga mamamahayag sa bansang ito ang nakibahagi sa nakagagalak na gawaing ito. Sabihin pa, ito’y nangangahulugan na kalahati pa ang hindi nakikibahagi dito. Papaanong ang marami pa sa atin ay magtatamasa ng pantanging kasiyahan sa pagtuturo sa iba ng katotohanan?
2 Dahilan sa iniibig natin si Jehova at ang kapuwa, nanaisin nating ibahagi ang katotohanan sa iba. Subali’t kailangan natin ang tulong mula kay Jehova. (1 Cor. 3:6, 7) Kaya, hindi ba makabubuting lumapit kay Jehova sa panalangin at hilinging tulungan tayo na makapagsimula ng isang pag-aaral sa Bibliya? (1 Juan 5:14, 15) Pagkatapos ay dapat na kumilos tayo kasuwato ng ating panalangin at makibahagi nang lubusan sa ministeryo sa larangan, na nag-aalok ng pag-aaral sa Bibliya kapag ipinahihintulot ng pagkakataon.
MARAMING PAGKAKATAON
3 Sa nakaraang ilang mga taon, milyun-milyong aklat, bukleta, at mga brochure ang nailagay sa mga tao sa teritoryo. Ang mga aklat na Mabuhay Magpakailanman, Tunay na Kapayapaan, at Katotohanan ay masusumpungan sa mga tahanan ng libu-libong mga tao na hindi mga Saksi ni Jehova. Ito’y naghaharap ng isang malaking pagkakataon para sa pagpapasimula ng mga bagong pag-aaral.
4 Kapag sinabi ng maybahay na siya’y pamilyar na sa ating gawain o mayroon na siya ng ating mga literatura, dapat nating sabihin na ikinagagalak natin ito. (Tingnan ang Nangangatuwiran, pahina 20.) Kung mayroon na siyang publikasyon, imungkahi nating ilabas niya iyon at ipakita natin ang ilang bahagi na doo’y makikinabang siya at ang kaniyang pamilya. Kung positibo ang pagtugon, maaari tayong mag-alok ng isang pag-aaral sa Bibliya.
5 Gayundin, maaaring tayo mismo ang magtanong kung ang maybahay ay mayroon nang literatura natin. Pagkatapos ng isang palakaibigang pambungad, maaari nating sabihin na dahilan sa malimit ang ating pagdalaw, marami sa mga kapitbahay ang nagtataglay na ng ilan sa ating mga literatura. Pagkatapos ay maitatanong natin sa maybahay kung mayroon na rin siya. Kung oo, maaari nating hilingin kung maaari nating makita iyon at pagkatapos ay ipakita sa kaniya kung papaano natin pinag-aaralan iyon. Ang isang maikling demonstrasyon ay maaaring magbunga ng isang pag-aaral sa Bibliya. Kung wala pa siya ng ating literatura, maaari nating iharap ang kasalukuyang alok at tanungin siya nang tuwiran kung nanaisin ng kaniyang pamilya ang isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
GUMAMIT NG UNAWA
6 Yamang abala ang mga tao, katalinuhan na maging maunawain at hindi masyadong magtagal. Maaaring ang mga unang pag-aaral ay tumagal lamang ng humigit-kumulang sa 15 minuto. Kapag nabatid ng maybahay na hindi naman makukuha ang malaking bahagi ng kaniyang panahon, maaaring naisin niyang tumanggap ng regular na pagdalaw mula sa atin. Minsang naitatag ang pag-aaral at nagkaroon ng interes ang maybahay, maaaring gumugol ng mas mahabang panahon sa pag-aaral.
7 May mga tulad-tupa sa larangan na nangangailangan ng ating tulong, at marami sa kanila ang nagtataglay ng ating mga literatura. Walang pagsalang ang ilan sa kanila ay nagbubuntong-hininga at nagsisidaing dahilan sa lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay na isinasagawa sa lupa ngayon. (Ezek. 9:4) Pribilehiyo natin hindi lamang ang mamahagi ng literatura kundi ang mapaabutan din natin ang tapat-pusong mga tao ng katotohanan sa pamamagitan ng mga pag-aaral sa Bibliya.—Mat. 28:19, 20.