Manatiling Gising at Mapagbantay
1 Dahilan sa nagbabagong tanawin ng sanlibutan, gaano kaangkop na ang tema ng pansirkitong asamblea para sa 1991 ay “Manatiling Gising at Mapagbantay.” (1 Tes. 5:6) Ang seryeng ito ay magpapasimula sa Pebrero, 1991. Tayong lahat ay dapat na gumawa ng mga paghahanda upang makadalo kapag tayo’y pinahiwatigan ng tagapangasiwa ng sirkito hinggil sa petsa.
2 Ang ilan sa tampok na bahagi ng programa ay maglalakip sa isang apat-na-bahaging symposium na dinisenyo upang tulungan tayong ‘maging mapagbantay sa lahat ng mga bagay.’ (2 Tim. 4:5) Sa kabila ng marahil ay walang kuwentang nakaraan, papaano tayo ngayon magiging matagumpay sa pag-iwas sa mga silo ni Satanas at malabanan ang espiritu ng sanlibutan? Tiyaking wala kayong malibanan sa mahalagang impormasyong ito. Sa loob ng dalawang araw na asamblea, aakayin din ang ating pansin sa praktikal na payong taglay ng publikasyong Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas. Nanaisin ninyong dalhin ang inyong kopya nito. Nanaisin lalo na ng mga kabataan na magbigay ng pantanging pansin sa impormasyong ipatutungkol sa kanila ng tagapangasiwa ng sirkito sa Sabado. Gaya ng dati, magkakaroon ng kaayusan para sa bautismo sa Sabado, kaya yaong mga nagnanais na sagisagan ang kanilang pag-aalay sa pansirkitong asamblea ay dapat na patiunang ipabatid ito karakaraka sa punong tagapangasiwa.
3 Sa Linggo ng umaga ay may mahahalagang aral na itatawid sa pamamagitan ng serye ng mga pagtatanghal na nagpapakita kung papaano tayo makikinabang mula sa mga kahirapan, lakip na sa ating sariling mga pagkakamali. Sa hapon ang tagapangasiwa ng distrito ay magbibigay ng pahayag pangmadla sa paksang “Matalinong Pagkilos sa Isang Walang Saysay na Sanlibutan.” Ang lahat ng mga mamamahayag ng Kaharian at mga interesadong tao ay dapat na gumawa ng pagsisikap na makadalo.
4 Yamang ang panggigipit sa buhay ay patuloy na lumalaki, tayo’y naniniwala na ang lahat ay magtatamo ng kapakinabangan at kaaliwan mula sa materyal na ito na inihanda para sa ating ikatitibay. Maging determinado na makadalo at makinig na mabuti sa buong programa, “sapagka’t ngayon ay lalong malapit na sa atin ang kaligtasan kaysa nang tayo’y magsisampalataya nang una.”—Roma 13:11.