Maging Pamilyar sa Inilabas na mga Bagong Babasahin sa Kombensiyon
1 Dalawang bagong babasahin ang naparagdag sa ating mayamang suplay ng espirituwal na pagkain. Inilabas sa “Dalisay na Wika” na mga Pandistritong Kombensiyon, ang mga bagong babasahing ito ay makatutulong sa ating lahat na magsalita ng dalisay na wika nang lalong maliwanag.—Zef. 3:9.
2 Nang inilabas ang bagong brochure sa dugo, sinabi ng tagapagsalita: “Kadalasan tayong tinatanong sa ministeryo sa larangan kung bakit hindi tayo tumatanggap ng dugo. Upang matulungan kayo na sagutin ang katanungang ito, isang kagalakan na ilabas ang isang bagong publikasyon. Ito yaong brochure na sinlaki ng magasin, Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?” Maingat na ba ninyong binasa ang brochure na ito? Mahalaga na gawin ito upang mapatibay ang inyong sariling pananampalataya at maihanda ang iba na maunawaan ang Kristiyanong pangmalas hinggil sa dugo.—Gawa 15:28, 29.
3 Ang brochure na ito ay tutulong sa inyo na maipaliwanag sa sinumang doktor ang inyong paninindigan. Gayumpaman, ito’y hindi lamang para sa mga doktor at abogado. Ito’y dinisenyo para sa madla. Iminumungkahi na magdala kayo ng isa o dalawang kopya nito sa larangan. Gamiting lubusan ang mahalagang impormasyong ito sa inyong personal na kapakinabangan at upang tulungan ang iba na magpakita ng wastong paggalang sa dugo.
ISANG BAGONG AKLAT
4 Isipan lamang kung ano ang kahalagahan ng bagong aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos sa ating ministeryo. Ito’y tutulong sa atin na maging higit na nasasangkapan sa pangangaral sa mga tao ng Sangkakristiyanuhan at doon sa mga nanghahawakan sa iba pang relihiyon. Dahilan sa maramihang paglipat ng populasyon sa ika-20 siglong ito, maaari nating masumpungan ang mga tao na iba’t iba ang wika at relihiyon sa ating mga teritoryo. Sa tulong ng aklat na ito, hindi tayo dapat makadama na tayo’y walang magagawa kapag napapaharap sa mga tao na may iba’t ibang relihiyosong paniniwala.
5 Ang impormasyon sa bagong aklat na ito ay sinaliksik at nirepaso ng mga indibiduwal na pamilyar sa tinalakay na mga paksa. Kung gayon, makapagsasalita tayo nang may awtoridad kapag gumagamit ng mga pananalitang masusumpungan sa aklat. Tunay, ang paglalaan ng impormasyong ito sa panahong ito ay isang katunayan ng dakilang pag-ibig ni Jehova sa mga tao ng lahat ng mga bansa. Mabisa nating gamitin ito upang maipahayag ang mabuting balita sa lahat ng uri ng mga tao sa ating teritoryo.—Mat. 28:19, 20; Tito 2:11.