Pagpapasimula ng mga Pag-aaral na Ginagamit Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
1 Sinabi ni Jesus, “Sa lahat ng mga bansa ay kailangan munang maipangaral ang mabuting balita.” (Mar. 13:10) Ito’y nangangahulugang ang kaniyang mga alagad ay makakasumpong ng mga tao ng iba’t ibang wika at relihiyon.
2 Ang ating bagong aklat na Paghahanap sa Diyos ay makatutulong sa atin na abutin ang iba’t ibang uri ng mga tao taglay ang katotohanan. (Juan 4:21-24) Papaano tayo makapagsisimula ng mga pag-aaral sa Bibliya na ginagamit ang publikasyong ito?
PAPAANO MAGSISIMULA NG ISANG PAG-AARAL
3 Sa inyong unang pagdalaw, nang kayo’y nakapaglagay ng aklat, marahil ay ipinakita ninyo sa maybahay ang isang kabanata o parapo. Ang punto ring iyon ang maaaring gamitin para sa isang pag-uusap na aakay sa isang pag-aaral. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga katanungan sa ibaba ng pahina, may saligan na kayo ukol sa isang masiglang pag-uusap. Magpasimula man tayo sa umpisa ng aklat o sa ibang kabanata, ang ating tunguhin ay dapat na akayin ang tao sa mga kabanata 10, 15, at 16. Bakit gayon?
4 Ang paghanap sa Diyos ay sa pamamagitan ni Kristo. Sinabi ni Jesus, “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinuman ang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Ang kabanata 10 ay nagpapatunay na si Jesus ay isang tunay na tao, na nagpapakita kung papaano siya inihula, at kung papaano natin nalalaman na siya’y sinang-ayunan ng Diyos. (Juan 6:44, 65) Ang mga kabanata 15 at 16 ay tumatalakay sa “Ang Panunumbalik sa Tunay na Diyos” at “Ang Tunay na Diyos at ang Inyong Kinabukasan.”
UNAWAIN ANG PANGANGAILANGAN NG INDIBIDUWAL
5 Pagkaraan ng ilang pag-aaral marahil ay mamabutihin ninyong lumipat sa panimulang aklat gaya ng aklat na Mabuhay Magpakailanman. Yamang ang aklat na Paghahanap sa Diyos ay dinisenyo para akayin ang mga tao mula sa iba’t ibang relihiyon tungo sa Diyos, hindi makatatawag-pansin sa lahat ng tao ang bawa’t kabanata. Kailangan nating ibagay ang ating presentasyon at kaayusan ng pag-aaral sa pangangailangan ng indibiduwal.—1 Cor. 9:19-22.
6 Halimbawa, maaaring nakapaglagay kayo ng aklat sa isang tao na nag-aangking isang Kristiyano. Ngayon ang katanungan para sa pagdalaw-muli ay maaaring, “Bakit napakarami ng mga relihiyong nag-aangking Kristiyano?” Kaya, ang kabanata 11 hinggil sa apostasya at ang kabanata 13 hinggil sa Repormasyon ay maaaring maging saligan para sa pagsisimula ng isang pag-aaral. Matutulungan natin ang taong mangatuwiran salig sa mga turo ng Bibliya na salungat sa mga apostatang doktrina ng Sangkakristiyanuhan. Inaasahan nating ang katotohanan ay magpapalaya sa kaniyang kaisipan upang magkaroon siya ng kaugnayan kay Jehova. (Juan 8:31, 32) Pagkatapos ay maaaring ipagpatuloy ang pag-aaral sa mga kabanata 15 at 16 o sa aklat na Mabuhay Magpakailanman.
ABUTIN ANG MGA TAO NA HINDI KRISTIYANO ANG RELIHIYON
7 Sa pakikipag-aral sa mga tao na iba ang relihiyon, ang pag-ibig Kristiyano at taktika ay dapat na laging ipakita. (Col. 4:6) Para sa mga Hindu ay maaari nating pasimulan ang pag-aaral sa pahina 372 sa ilalim ng subtitulong “Ang Ipinangakong Bagong Sanlibutan.” Pagkatapos ay magpatuloy sa kabanata 5 hinggil sa Hinduismo.
8 Ang taktika ay lalo nang kailangan kapag nakikitungo sa mga Muslim. (1 Ped. 3:15) Walang alinlangang maaakit sila ng kabanata 12 hinggil sa Islam. Sa kabanatang iyon, ang mga teksto sa Bibliya para sa paghahambing ay inihaharap kasama ng mga tanong, lalo na mula sa parapo 23 patuloy kapag tinatalakay ang mga doktrina.
9 Tandaan na habang tayo ay nagtatanim at nagdidilig, ang Diyos ang siyang nagpapalago ng binhi kung mabuti ang lupa.—1 Cor. 3:6, 7; Mat. 13:18-23.