Ang Pangangailangan na Hanapin ng Tao ang Diyos
1 Sa ika-20 siglong ito, nagkaroon ng maramihang paglikas ang mga tao sa iba’t ibang lugar dahilan sa mga digmaan, paniniil, at kahirapan sa buhay. Dahilan dito, nagkalapit-lapit ang iba’t ibang grupo ng relihiyon. Anupat karaniwan nang nasusumpungan natin sa pangangaral ang mga tao na may iba’t ibang relihiyosong paniniwala.
2 Upang maunawaan natin ang ibang relihiyon at ang kanilang kasaysayan, taglay natin ngayon ang aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos. Sinasagot nito ang maraming katanungan hinggil sa mga paniniwala ng mga pangunahing relihiyon sa daigdig. Gagamitin natin ito sa ating ministeryo sa Nobyembre. Ano ang maaari nating itampok upang himukin ang taimtim na mga tao na matuto pa nang higit tungkol sa Diyos?
3 Ang isang pangunahing katanungang sinasagot sa aklat ay: Taglay ba ng tao ang isang imortal na kaluluwa na patuloy na umiiral pagkaraan ng kamatayan? Halos itinuturo ng lahat ng relihiyon ang ideyang ito. Ang iba pang mga katanungang ibinangon sa aklat ay: Mayroon bang impiyerno na doo’y pinahihirapan ang mga kaluluwa? Ano ang pag-asa ng patay? Iisa ba ang Diyos o maraming mga diyos? Maaari kayong bumaling sa mga katanungan sa pahina 17-18 ng aklat.
4 Kailangang hanapin ngayon ng lahat ng tao ang Diyos yamang nalalapit na ang Armagedon. Tunay na isang pribilehiyo natin na himukin ang iba na hanapin si Jehova ngayon habang siya’y masusumpungan pa! (Isa. 55:6, 7) Ang aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos ay naglalaan ng impormasyon para sa mga tao na may iba’t ibang paniniwala. Halimbawa, ang parapo 26 ng pahina 297 ay nagpapaliwanag sa mga Muslim na ang tunay na Kristiyanismo ay hindi nagtuturo ng doktrina ng Trinidad.
5 Taglay natin ang lahat ng dahilan upang maging masigla sa paghaharap natin ng aklat na ito. Kung kabisado natin ang nilalaman nito, makakasumpong tayo ng pagkakataon upang antigin ang interes ng taimtim na mga tao sa lahat ng relihiyon. Maipakita nawa natin ang sigasig sa paglilingkurang ito.
6 Si Jehova ay mapagbigay at maunawaing Diyos. Kay bait ng kaniyang paanyaya na matuto hinggil sa kaniya! Kaypala’y marami pa ang magiging tagapuri kay Jehova. Sa Nobyembre, sa tulong ng aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, maaaring matulungan pa natin ang marami sa Sangkakristiyanuhan at mga di Kristiyano upang sumamba kay Jehova sa “espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23, 24) Tayo nawa ay magmatiyaga sa patuloy na paghanap sa mga nagnanais ng katotohanan at patibayin ang kanilang kaugnayan sa Diyos ng katotohanan. Siya’y maaaring masumpungan!