Maging Handa Para sa Kampanya ng Suskripsiyon sa Bantayan
Ang Samahan ay naghahanda ng mga pantanging isyu ng Bantayan at Gumising! sa Abril at Mayo. Ang itatampok na mga paksa ay yaong nasa isipan ng mga tao saan mang dako.
Ang Bantayan ay tatalakay sa sumusunod na mga paksa: “Huli Na ba Kaysa Inyong Inaakala?” (Abril 1), “Kailan ba Talagang Darating ang Kapayapaan?” (Abril 15), “Pagtatagumpay sa Krimen sa Isang Napakagulong Daigdig” (Mayo 1), at “Unahin ang Diyos sa Inyong Buhay Bilang Isang Pamilya!” (Mayo 15). Ang mga artikulo sa Gumising! ay tatalakay sa mga paksang ito: “Kapag ang Tao at mga Hayop ay Namuhay na Payapa” (Abril 8), “Tulong Para sa mga Anak ng Nagkahiwalay” (Abril 22), “Pagkahumaling sa Loterya—Sino ang Nananalo? Sino ang Natatalo?” (Mayo 8), at “Telebisyon—Ang Kahon na Bumago sa Daigdig” (Mayo 22).
Ang lahat ng mga mamamahayag, lalo na ang mga nag-aauxiliary payunir, ay dapat na magsaalang-alang ng kanilang pangangailangan para sa ekstrang magasin. Tiyaking kumuha ng karagdagang bilang nito upang magkaroon ng sapat para sa kampanya.