Paghaharap sa Aklat na Apocalipsis
1 Dahilan sa ating mapanganib na panahon, maraming tao ang nalilito at naghahangad ng kasiyasiyang mga kasagutan hinggil sa hinaharap. Gaano kaangkop kung gayon, na himukin natin silang magbasa ng aklat na Apocalipsis! Ang publikasyong ito ay nag-aalok ng banal na patnubay sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng mga pangyayari sa ating kaarawan sa liwanag ng mga hula sa Apocalipsis. Ang sumusunod ay ilang mungkahi na maaari nating gamitin kapag nag-aalok nito sa mga tao sa buwang ito.
2 Para sa mga Relihiyoso: Parami nang paraming tao ang nag-aaral ngayon ng Bibliya. Kapag nakakasumpong ng mga taong gaya nito, ang tuwirang paglapit ay mabisa.
Maaari ninyong sabihin:
◼ “Inihaharap namin sa ating mga kapitbahay ang katanungang ito: Sa palagay kaya ninyo’y nilayong maunawaan ang aklat ng Apocalipsis, o ito ba’y mananatili na lamang isang hiwaga? [Hayaang magkomento.] Marami ang katulad ng inyong pangmalas. Pansinin kung ano mismo ang sinasabi ng Bibliya sa Apocalipsis 1:3.” Pagkatapos maaaring naisin ninyong bumaling sa pambungad na mga komento sa pahina 9 ng aklat sa “Pagbibigay-Kahulugan sa mga Kasulatan.”
3 Para Doon sa mga Nababahala sa mga Kalagayan sa Daigdig: Makabubuting gamitin ang nakapupukaw na mga ilustrasyon sa aklat na Apocalipsis kapag iniaalok ito sa mga nababahala sa mga suliranin sa daigdig.
Halimbawa, maaari ninyong sabihin:
◼ “Kami ay dumadalaw upang talakayin ang kahulugan ng nangyayari ngayon sa palibot natin sa daigdig. Nadarama ng ilang pinuno sa daigdig na tayo ay nasa bingit na ng isang bagong panahon ng kapayapaan. Sa palagay ba ninyo’y totoo ito? [Hayaang magkomento.] Gayunman, sa kabila ng kabiguan ng mga pamahalaan ng tao, sa 2 Pedro 3:13 ang Bibliya ay tumitiyak sa atin na magkakaroon ng isang bagong makalupang lipunan na kikilos sa ilalim ng isang makalangit na pamahalaan. [Basahin ang kasulatan at buksan ang aklat na Apocalipsis sa pahina 302.] Ano ang nakatatawag ng inyong pansin sa larawan? [Hayaang sumagot.] Hinggil sa mga kalagayang iiral sa lupa, sinasabi rin sa atin ng Bibliya ang ganito sa Apocalipsis 21:4 [basahin ang kasulatan mula sa pahina 303, parapo 6]. Hindi masisira kahit na ng kamatayan ang kapayapaang itatatag ng Diyos.”
4 Para Doon sa mga Nababahala Hinggil sa Polusyon at sa Kapaligiran: Ang ilustrasyon sa pahina 174 ng aklat ay maaaring gamitin kasama ng Apocalipsis 11:18.
Halimbawa, pagkatapos ng inyong pambungad maaari ninyong sabihin:
◼ “Sa pakikipag-usap sa ating mga kapitbahay, marami ang nababahala sa pagpaparumi sa ating hangin, tubig, at pagkain. [Ipakita ang ilustrasyon sa pahina 174.] Sa palagay kaya ninyo’y mapahihinto pa ito ng mga pamahalaan? [Hayaang magkomento.] Nakapagpapasiglang makita kung ano ang sinasabi ng Bibliya na mangyayari sa mga sumisira sa lupa.” Basahin ang Apocalipsis 11:18 mula sa aklat sa pahina 173, at pagkatapos ay ipakita ang layunin ng Diyos sa lupa sa pahina 302.
5 Ang mga hula sa Apocalipsis ay pinagmumulan ng napakalaking kagalakan. Masigasig nating ialok ang aklat na Apocalipsis sa buwang ito upang ang lahat ay maakay ng matalinong patnubay ni Jehova.