Paghaharap ng Mabuting Balita Taglay ang Pagkaapurahan
1 Ipinakikita natin ang ating malalim na pagpapahalaga sa mga pangako ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pakikibahagi nang buong puso sa ministeryong Kristiyano. Kailangan nating makibahagi sa gawaing ito taglay ang pagkaapurahan. Bakit? Dahilan sa kakaunti ang mga manggagawa, ang katapusan ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay ay nalalapit na, at ang buhay niyaong mga nasa teritoryo natin ay nasa panganib. (Ezek. 3:19; Mat. 9:37, 38) Paano natin maipakikita ang pagkaapurahan sa ating gawain sa larangan? Sa pamamagitan ng patiunang paghahanda ng mabubuting presentasyon, sa paghanap sa mga tao saanman sila masusumpungan, sa pag-iingat ng rekord ng lahat ng nagpakita ng interes at karaka-rakang pagbabalik upang masubaybayan ang gayong interes. Ang sumusunod na mga mungkahi ay maaaring makatulong habang ating inihaharap ang mabuting balita taglay ang pagkaapurahan sa Pebrero. Ang alok ay ang aklat na Creation.
2 Maaari ninyong mapasimulan ang isang pag-uusap sa pamamagitan ng maikling pagbanggit sa ilang suliranin na napapaharap sa komunidad, at pagkatapos ay maaari ninyong sabihin:
◼ “Maraming tao ang naniniwala na mayroong Diyos, subalit sila’y nag-iisip: “Anong uri ng kinabukasan ang nais niya para sa atin?” Paano ninyo sasagutin ito? [Hayaang sumagot.] Alam ba ninyo na ang Bibliya ay buong linaw na nagpapaliwanag kung ano ang kalooban ng Diyos para sa sangkatauhan at kung ano ang mga hakbang na kaniyang kinukuha upang isakatuparan ito?” Bumaling sa pahina 239 sa aklat na Creation. Basahin ang Apocalipsis 21:4 sa parapo 13. Ipakita ang mga larawan sa pahina 237 hanggang 239 upang ilarawan kung ano ang kahulugan nito para sa ating kinabukasan. Ialok ang aklat. Isaayos ang isang kombinyenteng panahon upang ipagpatuloy ang pag-uusap.
3 Maaari ninyong ipagpatuloy ang nakaraang pag-uusap sa Apocalipsis 21:4 taglay ang ganitong maikling presentasyon:
◼ “Sa nakaraan kong pagdalaw, ating pinag-usapan ang pangako ng Diyos na maghanda ng isang bagong makalupang lipunan para sa sangkatauhan. [Akaying muli ang pansin sa larawan sa pahina 237 sa aklat na Creation.] Nais ba ninyong matamasa ng inyong pamilya ang gayong nakagagalak na kalagayan? [Hayaang sumagot.] Ang tanong ay, Gaano katotoo ang mga pangako ng Diyos? Pakisuyong pansinin kung ano ang kaniyang sinabi mismo.” Basahin ang Apocalipsis 21:5, 6a. Itanong ang nakalimbag na katanungan sa mga parapo 13 at 14 sa pahina 239, at basahin ang kasagutan. Banggitin ang alok para sa libreng pag-aaral sa Bibliya. Isaayos na itanghal ito sa susunod na pagkakataon.
4 Yamang marami ang nababahala hinggil sa lumalaking mga problema na napapaharap sa sangkatauhan, maaari ninyong sabihin ang tulad nito sa unang pagdalaw:
◼ “Bawat masumpungan ko ay nababahala sa mga problema na napapaharap sa ating komunidad. [Banggitin ang ilan.] Sa nakaraang mga dekada ang mga pulitiko ay nangako na magdudulot ng mga solusyon, at sinikap ng ilan na gawin iyon. Ano sa palagay ninyo ang sanhi kung bakit ang mga kalagayan ay patuloy na lumulubha? [Hayaang sumagot.] Ipinaliliwanag ng Bibliya na ito’y dahilan sa tayo’y nabubuhay sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay.” Basahin ang Mateo 24:3 mula sa pahina 223, parapo 20 ng aklat na Creation, pagkatapos ay basahin ang uluhan ng mga parapo 22-27 sa mga pahina 224 at 225 at tanungin ang maybahay kung siya’y sumasang-ayon na nangyayari ang mga ito sa ngayon. Ialok ang aklat at isaayos na bumalik at talakayin kung paano lulutasin ng Diyos ang mga problema ng sangkatauhan.
5 Kung kayo’y nangakong bumalik upang ipaliwanag ang solusyon ng Diyos sa mga problema sa ngayon, maaari ninyong subukan ang paglapit na ito:
◼ “Ako’y nagsagawa ng isang pantanging pagsisikap na bumalik upang maipagpatuloy natin ang ating pagtalakay sa tunay na solusyon sa mga problema na napapaharap sa sangkatauhan. Sa nakaraan kong pagdalaw, nalaman natin na ipinakikilala ng Bibliya ang ating panahon bilang ang katapusan ng sistema ng mga bagay. Ano ang kahulugan nito para sa atin? Ito’y nangangahulugan na hindi na matatagalan at aalisin ng Diyos ang buong balakyot na sistema at papalitan ito ng bago.” Basahin at ipaliwanag ang Apocalipsis 21:1, 4. Sa pamamagitan ng paggamit ng larawan sa pahina 4-5 ng aklat na Kaalaman, ipakita kung ano ang magiging mga kalagayan kapag naririto na ang bagong sistema. Ialok ang isang pag-aaral sa Bibliya at sikaping pasimulan ito kaagad.
6 Yamang napakaraming mga tao ang interesado sa kapaligiran, maaari ninyong sabihin ang gaya nito upang pasimulan ang isang pag-uusap:
◼ “Nasumpungan namin na ang bawat isa ay nababahala hinggil sa pagpaparumi ng ating hangin, tubig, at pagkain. Sa ilang bansa ang kalagayan ng kapaligiran ay nagsasapanganib sa buhay. Yamang ang Diyos ang Maylikha ng lupa, ano sa palagay ninyo ang kaniyang gagawin hinggil dito? [Hayaang sumagot.] Ang Bibliya ay nagsasabi na pagsusulitin tayo ng Diyos sa paraan ng paggamit natin sa planeta. [Basahin ang Apocalipsis 11:18b.] Isipin na lamang ang mabuhay sa isang lupa na malaya sa lahat ng polusyon!” Ipakita ang pangako ng Diyos para sa isang paraiso, gaya ng ipinakita sa Apocalipsis 21:3, 4. Ituro ang larawan sa pahina 237 sa aklat na Creation. Ialok ang aklat at isaayos na bumalik.
7 Kapag bumabalik sa isa na nagpakita ng interes sa Paraisong lupa, maaari ninyong sabihin:
◼ “Noong huli kong pagdalaw, kapuwa tayo sumang-ayon na upang malutas ang problema ng isang pinaruming lupa, kailangang makialam ang Diyos sa mga ginagawa ng tao. Subalit ang katanungan ay, Ano ang kailangan nating gawin upang makaligtas tungo sa matuwid na bagong sanlibutan na pangyayarihin ng Diyos?” Basahin ang Juan 17:3. Anyayahan ang maybahay na samantalahin ang ating libreng pag-aaral sa Bibliya upang tamuhin ang pantanging kaalamang ito.
8 Anong laking pribilehiyo na magamit bilang makabagong-panahong mga manggagawa sa pag-aani upang gumawa ng nagliligtas-buhay na gawaing pangangaral! Tayo nawang lahat ay manatiling abala sa paghaharap ng mabuting balita taglay ang pagkaapurahan, ‘sa pagkaalam na ang ating pagpapagal ay hindi sa walang kabuluhan.’—1 Cor. 15:58.