Paghaharap ng Mabuting Balita—Pag-aalok ng mga Pantahanang Pag-aaral sa Bibliya
1 Ang insert ng Agosto 1991 ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay nagpapaalaala sa atin ng ating pananagutang magtanim at magdilig sa paggawa ng mga alagad ni Kristo. Ipinakita nito sa atin na tayo’y dapat na maganyak na magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya dahilan sa ating pag-ibig sa mga tao at dahilan sa pagtupad sa ating komisyon na gumawa ng mga alagad.—Mat. 28:19, 20.
2 Nakalulugod makita na marami sa atin ang nagkapit ng mainam na pampasiglang ito. Ang bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya na iniuulat sa Pilipinas ay 12 porsiyento ang kahigitan noong 1991 kaysa 1990 taon ng paglilingkod. Walang alinlangan na yaong mga nagpasimulang magdaos ng mga pag-aaral sa unang pagkakataon ay nagagalak sa kanilang bahagi sa paggawa ng alagad. Subalit papaano makakabahagi ang higit pa sa kapakipakinabang na bahaging ito ng ating ministeryo?
3 Gamitin ang Alok sa Buwan: Ang Enero ay isang angkop na buwan upang magpasimula ng mga bagong pag-aaral sa Bibliya. Ating iaalok ang mga matatandang publikasyon, na ang karamihan dito ay may mga katanungan sa ibaba ng mga parapo na maaaring gamitin sa pagtatanghal ng isang pag-aaral sa Bibliya. Ang isang mabuting paraan upang maantig ang interes ng maybahay ay ang paggamit ng mga mungkahing masusumpungan sa aklat na Nangangatuwiran.
4 Maaari nating itampok ang paksa hinggil sa pandaigdig na kapayapaan sa pamamagitan ng paggamit ng mga pambungad na iminungkahi sa pahina 12 ng aklat na Nangangatuwiran (pahina 14 sa Ingles) sa ilalim ng “Digmaan/Kapayapaan.” May tatlong iba’t ibang paraang nakalista upang pasimulan ang pag-uusap sa paksang ito. Ang pagpapasigla sa mga taong hanapin ang kasagutan ng Bibliya sa tanong na “Pandaigdig na Kapayapaan—Malapit na ba?” ay maaaring magbukas ng daan para sa isang pag-aaral sa Bibliya.
5 Sa ilalim ng subtitulong “Pantahanang Pag-aaral sa Bibliya” sa pahina 14 ng aklat na Nangangatuwiran (pahina 12 sa Ingles), may dalawang mungkahi na makatutulong upang akayin ang pansin sa iniaalok na publikasyon. Ang mga ito ay humihikayat sa paggamit ng aklat sa isang sistematikong paraan ng pag-aaral. Kung kayo ay gumagamit ng tuwirang paraan sa pagpapasimula ng pag-aaral ng Bibliya, maaari ninyong sundin ang maiinam na mungkahing nasa Oktubre 1991 ng Ating Ministeryo sa Kaharian.
6 Magtiwala kay Jehova: Upang maging matagumpay sa pag-aaral ng Bibliya, dapat nating tandaan na ang tagumpay ay matatamo lamang sa tulong ni Jehova. Ginagampanan niya ang pangunahing bahagi sa ating pagsisikap na tulungan ang mga tao. (1 Cor. 3:6) Kaya, dapat tayong manalangin hindi lamang upang masumpungan ang matuturuan ng Bibliya kundi kung papaano susulong din ang mga nasumpungan na mga taong interesado. (Juan 16:23) Dapat nating tandaan na tayo’y “mga kamanggagawa ng Diyos.”—1 Cor. 3:9.