Pagpapayunir—Isang Paglilingkod na Nagdudulot ng Mayamang Gantimpala
1 Nais ni Jehova na tayo’y magalak at makita ang kabutihan ng lahat ng ating mga gawa. (Ecles. 5:18) Ang pinakamahalagang gawain na maaari nating isagawa ay ang pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. Pinayuhan ni Pablo si Timoteo: “Gawin mo ang gawa ng isang ebanghelisador, lubusang ganapin ang iyong ministeryo.” (2 Tim. 4:5) Para sa ilan, ang lubusang pagganap sa kanilang ministeryo ay maaaring mangahulugan ng paglilingkod bilang isang regular payunir. Bakit hindi isaalang-alang nang may pananalangin kung ang inyong kalagayan ay magpapahintulot sa inyo sa pambuong panahong ministeryo?
2 Kailangan ang Positibong Pagkilos: Upang makapagpayunir kailangang kumuha ng positibong hakbangin na kasuwato ng ating mga panalangin. Linangin ang taus-pusong pagnanais na maglingkod kay Jehova, kasama na ang pag-ibig sa mga tao. Pasulungin ang inyong gawain sa larangan, na dinaragdagan ang mga pagdalaw-muli at pag-aaral sa Bibliya. Gumawa ng praktikal na eskedyul. Humiling ng mga mungkahi mula sa mga matatanda at mga payunir. Gawing regular na kaugalian ang gawaing pangangaral. Mahalaga ang disiplina sa sarili at determinasyon. (1 Cor. 9:23, 25, 27) Ang mga ito ay ilan sa positibong hakbangin na kinuha ng mga nagpatala noong nakaraang mga buwan lamang.
3 Ang paglalagay ng tiyak na mga tunguhin at lubusang pagsasagawa ng mga ito ay tutulong sa atin na maging progresibo sa ating pangangaral. Mapasusulong ba natin ang ating mga pambungad o ang paraan ng ating pagharap sa mga pagtutol? Nagdaraos ba tayo ng progresibong pag-aaral sa Bibliya? Makapag-aauxiliary payunir ba tayo ngayon taglay ang kaisipang maging regular payunir sa dakong huli? Dapat na maging praktikal ang mga tunguhin at ilagay iyon ayon sa ating makakayanan.—1 Tim. 4:15, 16.
4 Isang May Gantimpalang Paraan ng Pamumuhay: Ang pagpapayunir na taglay ang wastong motibo ay nagdudulot ng maraming kapakinabangan. Tayo’y nagkakaroon ng lalong matibay na pananalig kay Jehova. Nagkakaroon tayo nang higit na kakayahan sa paggamit ng Salita ng Diyos. Isang kanaisnais na impluwensiya ang naidudulot sa kongregasyon, at ang iba ay maaaring mapasiglang magkaroon ng higit na bahagi sa ministeryo dahilan sa ating masigasig na halimbawa. Ang pagpapayunir ay nakatutulong sa atin na magkaroon ng lalong espirituwal na pangmalas sa buhay at magsasanggalang sa atin mula sa makasanlibutang mga ambisyon at pakikipagsamahan.
5 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ang aanihin ay marami, datapuwat kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng aanihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.” (Mat. 9:37, 38) Ang pangangailangan para sa mga manggagawa ay higit ngayon kaysa noong panahon ni Jesus. Ang pagpapayunir ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na magkaroon ng lubos na bahagi sa apurahan at nagbibigay-buhay na gawain. Wala nang makakatulad ang kapanatagan at kasiyahang nagmumula sa paggamit ng isa sa kaniyang buhay sa buong panahong paglilingkod sa ating Dakilang Maylikha.—Kaw. 10:22.