Tulungan ang mga Anak na Maglingkod kay Jehova Mula sa Puso
1 Ipinahayag ni Solomon na ang “mga anak ay mana mula kay Jehova.” (Awit 127:3-5) Ang mga magulang ay may bigay-Diyos na pananagutang turuan at disiplinahin ang kanilang mga anak. Saklaw nito ang pagsasanay sa ministeryo, pagpapasigla sa kanilang magsalita mula sa puso hinggil kay Jehova.—Efe. 6:4.
2 Anong edad dapat pasimulan ng mga magulang ang pagsasanay na ito? Maliwanag ang sagot ng Bibliya: Ito’y dapat na simula pa sa pagkasanggol. (2 Tim. 3:14, 15) Habang maagang napasisimulan ang pagsasanay, mas malaki ang pagkakataong magkaroon ang mga anak ng matibay na pundasyon sa katotohanan at gawin nilang bokasyon ang ministeryo. Ang maagang pagsasanay na ito ay magsasanggalang sa kanila mula sa makasanlibutang kaisipan at mga saloobin.
3 Marami sa mga di pa nag-aaral ang nagpapakita na ng pambihirang mga kakayahan. Ang potensiyal na ito para matuto mula sa pagkabata ay dapat na magiyahan tungo sa pagsasanay sa mga gawaing magdudulot ng pagsang-ayon ni Jehova. (w88 8/1 p. 15; w89 12/1 p. 31) Maraming nasa kamuraang gulang pa ang sumulong tungo sa punto ng pagiging di bautisadong mamamahayag. Ang ilang mga bata ay gumawa ng pag-aalay at nabautismuhan bago pa maging mga tin-edyer. Ito’y nagbukas ng daan para sila ay maglingkod bilang mga auxiliary payunir at maging mga regular payunir bago magtapos sa kanilang pag-aaral.
4 Ang ilang mga matatanda na ang tingin sa mga kabataan ngayon ay mga walang taros at walang galang ay maaaring hindi makikinig sa isang kabataan na dumadalaw sa kanilang pintuan. Ano ang maaaring sabihin ng isang kabataang mamamahayag upang mapagtagumpayan ito? Ang isang kabataang mamamahayag ay gumamit ng gaya nito: “Magandang umaga po, ang aking pangalan ay . Ako ay dumadalaw ngayon sa mga kapitbahay dahilan sa marami ang nababahala hinggil sa kinabukasan. Bilang isang nakatatanda sa akin, tiyak na marami kayong karanasan hinggil sa buhay. Gayumpaman, narito ang isang kasulatan na makakaaliw sa ating lahat.” Pagkatapos na basahin ang Apocalipsis 21:3, 4, maaaring akayin ang pag-uusap sa tract na Buhay sa Isang Mapayapang Bagong Sanlibutan.
5 Ang isa pang mungkahi ay: “Kumusta kayo, ang aking pangalan ay . Ako ay gumagawa ng isang maikling pagdalaw sa mga kapitbahay dahilan sa nababatid kong maraming mga tao ang nababahala sa paraan ng paggawi ng mga kabataan ngayon. Kung minsan ang mga kabataan ay nagpapakita ng kawalang-galang. Ngunit naririto ang isang kasulatan na nagpapakita kung papaanong sa dumarating na araw ay matututuhan ng lahat na mabuhay na magkakasama sa kapayapaan.” Pagkatapos ay basahin ang Awit 37:11 at magbigay ng angkop na komento. Kapag narinig ng maybahay ang gayong taimtim na kapahayagan mula sa ating mga kabataang mamamahayag, tiyak na marami sa kanila ang magkakaroon ng mabuting impresyon.
6 Libu-libo sa ating mga kabataang mamamahayag ang masigasig na nakikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Sila’y dapat na papurihan. Ang mga kabataang sinanay ng makadiyos na mga magulang mula sa pagkasanggol ay madaling tumutugon sa pampatibay na magkaroon ng higit na bahagi sa ministeryo. Ang mga nasa paaralan ay may pambihirang pagkakataon na magpatotoo sa mga kapuwa estudiyante at sa mga guro.
7 Kaya tulungan ang mga kabataang mamamahayag sa inyong kongregasyon na maglingkod kay Jehova sa kanilang kalakasan, na pumupuri sa kaniya mula sa puso.—Ecles. 12:1.