Pagtanggap, Pagkakapit, at Pakikinabang Mula sa Salita ng Diyos
1 Bagaman milyun-milyong mga tao ang may kopya ng Bibliya, karamihan ay hindi nagkakapit ng matalinong payo nito, anupat kakaunti ang nakikinabang mula rito. Gayumpaman, naniniwala ang bayan ni Jehova na ito’y kapakipakinabang para sa lahat ng mga bagay. (2 Tim. 3:16, 17) Kaya, ang tema para sa programa ng pansirkitong asamblea sa 1993 ay magiging “Pagtanggap, Pagkakapit, at Pakikinabang Mula sa Salita ng Diyos.”
2 Magkakaroon ng mga pahayag, mga pagtatanghal, mga karanasan, at mga pakikipanayam upang patibayin at tulungan tayong higit na magkapit sa Salita ng Diyos sa lahat na bahagi ng buhay. Ang programa sa Sabado ng hapon ay magsasaalang-alang sa payo at disiplina sa loob ng sambahayan may kaugnayan sa paglilibang, asosasyon, at materyalismo. Ipakikita nito kung papaano tayo dapat na maging kakaiba sa sanlibutan at huwag tumulad sa masasamang gawi at mahahalay na pananalita nito. Karagdagan pa, ito’y maglalaan ng pampatibay-loob sa kapakinabangan ng mga nagsosolong magulang at ng mga batang ulila sa ama.
3 Gayundin, sa Sabado ang mga bagong nag-alay ay magkakaroon ng pagkakataong mabautismuhan. Dapat ipagbigay alam iyon ng mga nagpaplanong magpabautismo sa punong tagapangasiwa ng kongregasyon upang siya’y magkaroon ng sapat na panahon sa pagsasaayos ng mga matatandang tatalakay ng mga katanungan sa mga kandidato sa bautismo.
4 Ang programa sa Linggo ng umaga ay gagawa ng pagsusuri sa mga paraan ng pagiging iba natin sa sanlibutan sa pamamagitan ng pagsunod sa Salita ng Diyos. Ang kahalagahan ng ating anyo at kung papaano iiwasan ang pagpaparumi sa ating kaisipan ay susuriin. Sa hapon, ang tagapangasiwa ng distrito ay magbibigay ng pahayag pangmadla na may pamagat na “Ano ang Tanda na ang Bibliya ay Totoo?” Nanaisin nating matiyak na maaanyayahan ang lahat ng mga taong interesado sa mainam na programang ito.
5 Ang mga petsa at lugar ng programang ito ng pansirkitong asamblea ay ipagbibigay-alam ng inyong tagapangasiwa ng sirkito, at pinasisigla namin kayong dumalo upang tanggapin, ikapit, at pakinabangan ang payo ng Salita ng Diyos.—Sant. 1:22-25.