Tanong
◼ Papaano pangangasiwaan ng tagapangasiwa sa paglilingkod ang gawain ng mga ministeryal na lingkod na humahawak ng mga departamento ng literatura at magasin?
Ang pananagutan ng tagapangasiwa sa paglilingkod ay hindi limitado sa pagdalaw sa mga grupo ng pag-aaral buwan-buwan at pagsasaayos ng regular na mga pulong ukol sa paglilingkod. Ang matandang ito ay lubusang interesado sa lahat ng bagay na makakaapekto sa gawaing pangangaral sa teritoryo ng kongregasyon.
Titiyakin niyang bawat buwan ay nakahanda ang sapat na suplay ng mga literatura at magasing ginagamit sa kampanya at ito’y nasa mabuting kondisyon. Dahilan dito, kaniyang sinusubaybayan ang karamihan sa mga pananagutan ng mga ministeryal na lingkod na inatasang humawak ng mga literatura at magasin.
Ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay nagbibigay ng partikular na pansin sa mga patalastas na lumilitaw sa Ating Ministeryo sa Kaharian hinggil sa dumarating na mga kampanya sa literatura. Titiyakin niya at ng kapatid na nangangalaga sa literatura na may sapat na dami ng literaturang magagamit, subalit dapat silang mag-ingat na hindi susobra ang kanilang pidido. Kung sa unang pagkakataon gagamitin sa larangan ang isang publikasyon o kung iyon ay malapit nang pag-aralan sa kongregasyon, dapat na ito’y isaalang-alang kapag nagpapadala ng pidido sa Samahan. Kung naialok na noong una ang literatura, ang ulat sa paglilingkod sa larangan ng kongregasyon noong huling kampanya ay magpapakita kung ang taglay pang suplay ay makasasapat na. Sabihin pa, dapat ding isaalang-alang ang bilang ng mga mamamahayag na maglilingkod bilang mga auxiliary payunir sa buwang iyon at ang paglago ng bilang ng mga mamamahayag at mga regular payunir mula noong huling ialok ang literatura. Dapat na makukuha ang mga literatura bago at pagkatapos ng mga pulong ng kongregasyon. Ang mga literatura ay dapat na ilagay sa isang malinis, tuyong lugar upang hindi masira.
Makikipagtulungan din ang tagapangasiwa sa paglilingkod sa kapatid na nangangalaga sa departamento ng magasin. Sa pana-panahon, ihahambing ng tagapangasiwa sa paglilingkod at ng kapatid na humahawak ng mga magasin ang bilang ng mga magasin na pinipidido bawat buwan sa bilang ng mga magasin na aktuwal na nailalagay sa ministeryo. Maaaring may ilang mamamahayag na dapat na magbawas ng kanilang pidido sa magasin kung ang mga ito ay laging natatambak sa kanilang tahanan. Hindi dapat sayangin ang mga magasin.
Taglay ang gayong simulain sa kaisipan, dapat na personal na suriin ng tagapangasiwa sa paglilingkod ang dami ng mga literatura para sa kampanya na pinipidido ng kongregasyon sa Literature Order Form (S-14). Pagkatapos ay ibibigay niya ang porma sa kalihim ng kongregasyon, na maingat na magsusuri sa iba pang bahagi ng porma, na nagbibigay ng partikular na pansin sa bilang ng mga nakalistang special-request orders.
Sabihin pa, kung ang inatasang kapatid na lalake ay may katanungan may kaugnayan sa paggamit ng mga porma at pag-iingat ng mga rekord, malugod na tutulong ang kalihim sa bahaging ito ng kanilang gawain.