Mga Nangungunang Tagapangasiwa—Ang Tagapangasiwa sa Paglilingkod
1 Ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay lubhang interesado sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa pagsulong ng gawaing pag-eebanghelyo sa atas na teritoryo ng kongregasyon. Siya kung gayon ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa pagtulong sa atin na tuparin ang ating pananagutang ipangaral ang mabuting balita. Bilang isang masigasig na ebanghelisador, siya’y nangunguna sa pag-oorganisa sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa paglilingkod. Bilang isang may-kakayahang guro, tinutulungan niya ang indibiduwal na mga mamamahayag na maging higit na mabisa sa ministeryo.—Efe. 4:11, 12.
2 Ang matandang ito ay tuwirang nangangasiwa sa gawain ng mga ministeryal na lingkod na inatasang humawak ng literatura, magasin, at mga teritoryo. Siya ang may pananagutan para tiyaking may sapat na suplay ng literatura, magasin, at mga porma sa paglilingkod para magamit natin bawat buwan.
3 Ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay may pananagutang pangasiwaan ang iba’t ibang larangan ng pangangaral, lakip na ang pagpapatotoo sa mga lugar ng negosyo, lansangan, at telepono. Siya’y alisto sa pagsasagawa ng praktikal na mga kaayusan upang makapagtipon para sa paglilingkod sa buong sanlinggo, lakip na ang mga pista opisyal. Siya’y nagpapakita ng tunay na interes sa pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Humahanap siya ng pamamaraan upang mabigyan ng espirituwal na tulong ang mga nagiging di-palagian o di-aktibo sa ministeryo. Siya’y nagmamalasakit sa tuwina sa gawain ng mga payunir, at kaniyang sinusubaybayan ang programang Pagtulong ng mga Payunir sa Iba.
4 Bilang isang miyembro ng Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon, ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay nagmumungkahi ng anumang kailangang mga pagbabago sa mga grupo ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Kapag siya’y dumadalaw sa inyong grupo, tiyaking kayo’y naroroon sa pulong at nakikibahaging kasama niya sa paglilingkod sa larangan.
5 Ang lahat sa kongregasyon ay dapat na may pagkukusang makipagtulungan sa patnubay na ibinibigay ng tagapangasiwa sa paglilingkod. Ito’y makatutulong sa atin upang mapasulong natin ang pagiging mabisa sa gawaing paggawa ng alagad at makasumpong ng ibayong kagalakan sa ating ministeryo.