Tulungan ang mga Baguhang Mamamahayag
1 Ang bayan ni Jehova ay sumusulong sa buong daigdig. Iba’t ibang mga bansa ang patuloy na nag-uulat ng mga bagong peak. Maraming mga tao ang sumusulong sa katotohanan. Sino ang maaaring tumulong sa lahat ng mga baguhang ito na sumulong sa Kristiyanong pagkamaygulang?—Heb. 6:1.
2 Upang makatulong sa iba, tayo sa ganang ating sarili ay dapat na maygulang. Tayo’y dapat na maging “gaya ng sa isang salamin sa kaluwalhatian ni Jehova.” (2 Cor. 3:18) Ginagawa natin ito sa paraan ng ating pamumuhay at sa paraan ng ating pagdadala sa iba ng katotohanan na ating natutuhan tungkol sa mga layunin ni Jehova. Kaya dapat tayong maging kuwalipikadong mga ministro.—2 Cor. 3:5.
HANDA BA KAYONG TUMULONG?
3 Kayo ba’y nagtataglay ng mabuting kaugalian sa pag-aaral na magbibigay sa inyo ng kaalaman upang ibahagi sa iba? Ang paghahanda para sa mga pulong ay makatutulong din upang masangkapan kayo para sa mainam na gawaing ito. Nang suguin ni Jesus ang kaniyang mga alagad nang dala-dalawa, nagkaroon sila ng pagkakataong patibayin at tulungan ang isa’t isa sa paggawa sa kanilang teritoryo at sa pagsasalita sa mga tao.—Luk. 10:1.
4 Ang mga baguhang mamamahayag ay nagpapahalaga sa maibiging tulong. Sa pagkaalam lamang na mayroon silang kasama na tutulong sa kanila kung kinakailangan sa pakikipag-usap ay nagdudulot sa kanila ng pagtitiwala. Kadalasan, ang isa na nakipag-aral sa isang baguhan ang tumutulong sa kaniya na makapagsimula sa ministeryo sa larangan. Ang mga anak ay dapat na tumanggap ng pagsasanay mula sa kanilang mga magulang. Subali’t ang iba ay maaaring makatulong; sa katunayan, ang Kasulatan ay nagpapasigla sa atin na tumulong sa isa’t isa. (Kaw. 27:17; Gal. 6:6) Marahil sa inyong grupo sa pag-aaral ng aklat ay may magagalak na sila’y maanyayahan upang sumama sa inyo sa paglilingkod sa pana-panahon.
5 Tinagubilinan ni Pablo si Tito na “magsalita ng mga bagay na nauukol.” Sa pagpapatuloy sa puntong ito, ipinaliwanag niya ang papel kapuwa ng “matatandang lalake” at ng “matatandang babae” sa pagpapatibay sa kongregasyon. (Tito 2:1-4) Ang mga baguhan at mga kabataan ay lalo ng nangangailangan ng tulong sa paghubog sa kanilang buhay upang maging kalugod-lugod sa Diyos. Habang sila ay napatitibay, sila ay magiging kuwalipikadong tumulong sa iba sa katotohanan. Sa ngayon, ang mga maygulang na kapatid na lalake at babae ay dapat na maging taimtim sa kanilang maka-Kasulatang papel na maging mga huwaran at tumulong sa mga kabataan at mga baguhan sa kongregasyon.
TULUNGAN ANG INYONG MGA ANAK
6 Malaki ang magagawa ng mga magulang upang tulungan ang kanilang mga anak na sumulong. Kung matapos na sila’y tulungan sa unang pahayag bilang estudiyante at sa sumunod na pagkakataon ay nakita ninyo silang nakagagawa na ng kanilang sariling pahayag at sila’y malaya na ring nakapagkokomento taglay ang unawa ay tunay na isang kasiyasiyang karanasan. Isipin ang kagalakang tatamuhin ninyo na ang inyong mga anak ay sumusulong din sa pagpapahalaga sa katotohanan at kasigasigan at kakayahan na ibahagi ang mabuting balita sa iba.
7 Ang lahat sa kongregasyon ng bayan ni Jehova ay dapat na makipagtulungan taglay sa pangmalas ang pagsulong ng bawa’t miyembro sa ministeryo. (Ihambing ang 1 Corinto 12:27, 28.) Marahil kayo ay isa sa makatutulong sa pamamagitan ng pagpapasigla at pag-alalay sa mga baguhang mamamahayag.