Gumawa ng Isang Gumaganyak na Pambungad
1 Kapuwa Ang Bantayan at Gumising! ay mahalaga sa pagtatanim ng katotohanan sa puso ng mga mambabasa. Kaya, nanaisin nating gumawa ng mabibisang paraan upang maipasok ang mga magasing ito sa tahanan ng mga tao sa Abril.
2 Papaano magaganyak ang mga maybahay na tanggapin at basahin ang ating mga magasin? Ang kalakhang bahagi nito ay depende sa paraan ng paghaharap nito sa kanila. Napakaiinam na mungkahi ang masusumpungan sa aklat na Nangangatuwiran, mga pahina 9-15.
3 Kapag inihaharap ang Abril 1 ng Bantayan, maaari ninyong subukin ang paggamit ng ikatlong mungkahi sa ilalim ng uluhang “Kasalukuyang mga Pangyayari” sa pahina 11 ng aklat na Nangangatuwiran.
Pagkatapos ipakilala ang inyong sarili, maaari ninyong sabihin:
◼ “Kung makapipili kayo, alin sa maraming suliraning nakaharap ngayon sa daigdig ang nanaisin ninyong maiwasto muna?” Makinig sa tugon ng maybahay, at kilalanin ang kaniyang pagkabahala. Pagkatapos ay maaari kayong magpatuloy ng ganito: “Isaalang-alang kung ano ang iniaalok na solusyon ng Bibliya sa ganitong problema. [Basahin ang Isaias 9:6, 7.] Kaya ang tunay na solusyon sa lahat ng suliranin ng sangkatauhan ay nakasalalay sa matuwid na pamamahala ng Liwanag ng Sanlibutan, si Jesu-Kristo.” Pagkatapos ay bumaling sa ikalawang artikulo sa pag-aaral, mga pahina 16-18, sa ilalim ng sub-titulong “Ang Maliwanag na Bagong Sanlibutan.”
4 Ang dalawa pang pambungad na maaari ninyong gamitin para sa Abril 1 ng Bantayan ay masusumpungan sa pahina 12 ng aklat na Nangangatuwiran (pahina 11 sa Ingles), sa ilalim ng uluhang “Hanapbuhay/Pagpapabahay.” Maaari ninyong sabihin ang mga katanungang ito sa inyong sariling pananalita o ulitin na lamang kung ano ang sinabi sa aklat na Nangangatuwiran. Pagkatapos kilalanin ang sagot ng tao, akayin ang pansin sa angkop na mga punto sa artikulong “Sundan ang Liwanag ng Sanlibutan.”
5 Kung ang ginagamit ninyo’y ang Abril 8 ng Gumising! sa “Siyensiya—Masapatan Kaya Nito ang Ating mga Pangangailangan?,” maaari ninyong subukan ang ikatlong pambungad sa ilalim ng uluhang “Buhay/Kaligayahan” sa pahina 10 ng aklat na Nangangatuwiran (pahina 13 sa Ingles). Pagkatapos tanungin ang maybahay kung sa palagay niya’y malulutas ng siyensiya ang ating mga suliranin at makapagdadala ito ng kaligayahan, maaari ninyong itawag-pansin ang isang angkop na punto sa magasing Gumising!
6 Malamang na may makatagpo kayong mga maybahay na nagsasabing sila’y mayroong sariling relihiyosong babasahin. Maaari ninyong ipaliwanag na tayo’y mayroon ding sariling mga publikasyon (gaya ng Ating Ministeryo sa Kaharian); gayunpaman, ang ating mga magasin ay binabasa ng milyun-milyong mga tao na hindi mga Saksi ni Jehova.
7 Sinabi ni Pablo sa 1 Corinto 3:6: “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang siyang nagpalago.” Kung nais nating palaguin ni Jehova ang mga binhi ng katotohanan sa puso ng mga taong interesado, dapat tayong magbigay ng pansin sa mabisang pagtatanim ng mga binhing ito sa pamamagitan ng paggamit ng gumaganyak na mga pambungad.