Patuloy na Magsalita Hinggil sa mga Bagay na Inyong Nakita at Narinig
1 Kahit pinagbabantaan ng pambubugbog at pagkabilanggo, sinabi ng mga apostol sa mga sumasalangsang sa kanila: “Hindi mangyayari na hindi namin salitain ang mga bagay na aming nakita at narinig.”
2 Ang mabuting balita tungkol kay Jesus at sa kaniyang Kaharian ay kasing halaga para sa mga tao ngayon gaya rin noon. Kaya, dapat nating samantalahin ang bawat pagkakataon na magsalita hinggil sa ating nakita at narinig mula sa Salita ng Diyos.
3 Mga Kabataan, Magsalita sa Paaralan: Sinasamantala ng maraming mga kabataang Saksi ang mga pagkakataon na makapagpatotoo sa kanilang mga kamag-aral at mga guro. Isang kabataang Saksi na laging nagsisikap na maging alisto sa kasalukuyang mga paksang pinag-uusapan ng kaniyang mga kamag-aral ang nagsamantala sa isang pangyayari sa paaralan at lumapit sa mga guro at mga kamag-aral taglay ang isang angkop na publikasyon. Ang resulta? Nakapaglagay siya ng 35 mga aklat sa isang araw! Yamang maraming mga tao ngayon ang nababahala sa kapayapaan, hindi ba mabuting ipabatid sa mga kamag-aral at mga guro kung papaano lulutasin ni Jesus bilang nagpupunong Hari ang mga suliranin ng daigdig?—Ihambing ang Lucas 2:14.
4 Kung ang hindi ninyo pakikibahagi sa selebrasyon ng Pasko nang nakaraang Disyembre ay nagbangon ng ilang mga katanungan, maaari ninyong sabihin:
◼ “Hindi ako nakibahagi sa pagsasaya noong Pasko dahilan sa ang gayong pagdiriwang ay hindi nagpaparangal kay Jesus na siyang tangi nating daan ukol sa kaligtasan at siyang isa na tatapos sa digmaan. [Sipiin o basahin ang Gawa 4:12.] Hindi na isang sanggol si Jesus kundi isang nagpupunong Hari. Ang aklat na ito, Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, ay tumatalakay sa lahat ng aral at himala ni Jesus at nagpapakita kung papaano niya wawakasan ang pagdurusa ng tao.” Pagkatapos ay ipakita ang ilustrasyon sa kabanata 133, at basahin ang ikalawang parapo sa susunod na pahina. Ipakita ang iba pang punto na sa inyong palagay ay makatatawag ng pansin ng tao at ialok ang aklat.
5 Magsalita sa mga Kamanggagawa: Ang isang kapatid na lalake ay nakapaglagay ng 63 aklat sa pamamagitan ng paglalagay lamang sa kaniyang mesa ng aklat na Pinadakilang Tao. Ang nakakaakit na hitsura nito at ang mismong pamagat nito ay lumilikha ng mga katanungan. Maaaring magtanong lamang kayo sa isang kamanggagawa ng: “Sino ang masasabi mong pinakadakilang tao na nabuhay kailanman?” Pagkatapos ay idagdag: “Sinasaklaw ng aklat na ito sa detalyadong paraan ang buong buhay ni Jesus, tinatalakay ang bawat pahayag na kaniyang ibinigay, sinasagot ang mga katanungang itinatanong ng marami hinggil sa kaniyang mga himala, at nagbibigay ng iba pang kapanapanabik na mga detalye. Ito’y isang ganap na pagrerepaso sa itinuturo ng Bibliya hinggil kay Jesus at nagpapatunay nang walang pag-aalinlangan na si Jesu-Kristo ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman.” Pagkatapos ay bumaling sa komento ni Napoleon hinggil kay Jesus na sinipi na ikatlong parapo ng pambungad ng aklat.
6 Maaaring bumangon ang gayon ding mga pagkakataon upang makapagpatotoo sa mga kapitbahay o sa mga di sumasampalatayang kamag-anak. Manalangin upang bigyan kayo ni Jehova ng tibay ng loob at kakayahan na magsalita sa wastong panahon. (Gawa 4:29, 31) Anong bubuti pang karanasan ang maaaring tamuhin natin kaysa pagtulong sa isang kamag-aral, kamanggagawa, kapitbahay, o kamag-anak na mapasa daan patungo sa buhay na walang hanggan?—Juan 14:6.