Paggamit ng mga Tract Upang Magluwal ng mga Kapakipakinabang na Resulta
1 Ang makabagong-panahong organisasyon ni Jehova ay may kasaysayan ng matagumpay na paggamit sa mga tract. Ang mismong pangalan ng ating legal na korporasyon, ang Watch Tower Bible and Tract Society, ay nagpapakitang ang mga tract ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagpapalaganap ng mabuting balita. Mula noong 1881 hanggang 1918, mahigit sa 300 milyon mga tract ang naipamahagi ng bayan ni Jehova. Marami sa mga naging bahagi ng nalabi ng mga kapatid ni Kristo noong panahon yaon ay unang nakaalam ng katotohanan sa pamamagitan ng sinaunang mga tract na ito.
2 Noong 1987 ang muling pagdiriin ay inilagay sa paggamit ng maliliit na tract nang ilabas ang apat sa mga ito na may iba’t ibang kulay na patuloy na makukuha mula noon. Ipinatalastas sa 1992 “Mga Tagapagdala ng Liwanag” na Pandistritong Kombensiyon na ang serye ng mga tract na ito ay lalawak dahilan sa karagdagang apat pang makulay at pumupukaw ng kaisipan na mga tract. Ang mga ito ay Kaaliwan Para sa Nanlulumo, Tamasahin ang Buhay Pampamilya, Sino Talaga ang Nagpupuno sa Sanlibutan?, at Ang Sanlibutan Bang Ito ay Makaliligtas? Ginagamit ba ninyo ang lahat ng walong tract upang magluwal ng kapakipakinabang na mga resulta sa inyong ministeryo?
3 Ang mabubuting resulta ay nagmumula sa mabisang paggamit ng mga tract. Kailangan nating maging pamilyar sa bawat isa sa mga ito. Halimbawa, maingat na ba ninyong binasa ang mga ito upang mabatid kung ano ang tinatalakay ng bawat isa? Naisip na ba ninyo kung anong uri ng tao ang matatawagan ng pansin ng bawat tract? Ang pagiging lubusan ninyong pamilyar sa bawat tract ay magpapalaki ng inyong pagtitiwala sa paggamit ng mga ito sa bahay-bahay at sa marami pang ibang mga kalagayan kung saan kayo maaaring magbigay ng impormal na patotoo.
4 Gamitin sa Ministeryo sa Bahay-bahay: Ang isang tagapangasiwa ng sirkito ay sumulat: “Nakakamtan ko ang maiinam na tagumpay sa pamamagitan ng pagpapasimula sa karamihan ng aking pakikipag-usap sa pamamagitan ng tract.” Nasubukan na ba ninyo ang ganitong paglapit? Bakit hindi gumamit ng mga tract para simulan ang inyong pakikipag-usap? Taglay ang walong tract, tayo ay mayroon na ngayong walong nakapagpapasiglang pambungad na mapagpipilian. Bawat tract ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na makapagsimula ng pag-aaral sa Bibliya maging sa unang pagdalaw o sa pagdalaw muli.
5 Mayroon pang ibang pagkakataon na magagamit ang mga tract. Sa pakikipag-usap sa pintuan, maaaring mabatid ninyo na ang tao ay nawalan kamakailan ng minamahal sa buhay dahilan sa kamatayan o mayroon maysakit sa pamilya. Ang mga tao na nakakaranas ng malaking kalungkutan o nagsisikap na mapagtagumpayan ang matagal nang paghihirap ay kadalasang nagkakaroon ng negatibong damdamin at nanlulumo. Anong laking pag-ibig kung maibabahagi natin ang nakapagpapatibay na pabalita na masusumpungan sa tract na Kaaliwan Para sa Nanlulumo! Maaari mabatid ninyong ang tao ay nakipagdiborsiyo kamakailan lamang o nawalan ng trabaho. Ang gayong mga karanasan ay maaaring maging mapait at lumilikha ng kahirapan sa pamilya. Gamitin ang mga katanungan sa pahina 2 ng tract na Tamasahin ang Buhay Pampamilya: “Bakit sinasalakay ng malulubhang suliranin ang mga pamilya sa ngayon? Papaano tayo maaaring masiyahan sa buhay pampamilya?” Marahil ito ang mismong mga pangunahing tanong sa isipan ng tao. Kahit na hindi maliwanag kung siya ba’y naging interesado, maaaring basahin niya ang tract sa hinaharap.—Ecles. 11:6.
6 Sa ilang mga kongregasyon, ang teritoryo ay madalas na nagagawa, at ang maraming mga tao ay mayroon nang ilang mga babasahin natin. Sa pamamagitan ng paggamit sa mga tract, magkakaroon tayo ng pagkakataong talakayin ang ilang mga bagay na kapanapanabik sa maybahay, akayin silang magsalita, at mag-isip hinggil sa pag-asa ng Kaharian. Itanim ang isang tanong sa kanilang isipan na maaaring pag-usapan sa susunod na pagkakataon. Gumawa ng pagdalaw muli, at linangin ang higit na interes. Sa takdang panahon ay maaaring mapasimulan natin ang pakikipag-aral sa kanila na ginagamit ang isang brochure or isang aklat na taglay nila.
7 Impormal na Gamitin ang mga Tract: Kung iingatan natin ang mga tract para madaling makuha—sa ating bulsa, pitaka, o bag sa pangangaral—magagamit natin ang mga ito sa maraming iba’t ibang okasyon, kung saan masusumpungan ang mga tao. Gamitin ang mga ito kapag namimili, naglalakbay, o nakikipag-usap sa mga kamag-anak o mga bisita. Ang mga tract ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon para makapagbigay ng maikling patotoo. Ang tract ay hindi mabigat sa tingin ng tao kundi ito’y tuwiran at mataktika. Ito’y higit na madaling tanggapin kaysa isang aklat o mga magasin, yamang hindi masyadong marami ang dapat basahin.
8 Maging alisto sa mga pagkakataon na ialok ang mga tract sa impormal na paraan sa paaralan o sa inyong pinagtatrabahuhan, sa mga restauran, sa mga gasolinahan, at iba pa. Sa paggawa ng mga kaayusan upang dalhin ang kaniyang lola sa doktor, tinitiyak ng isang kapatid na babae na may dala siyang mga tract. Sa opisina ng doktor, pinasimulan niyang kausapin ang isang malapit nang maging ina. Pagkatapos ipakita sa babae ang tract na Buhay sa Isang Mapayapang Bagong Sanlibutan, nagtanong ang kapatid na babae: “Gusto ba ninyong palakihin ang inyong anak sa isang sanlibutang gaya ng nasa larawang ito?” Nasundan niya ang usapang iyon ng isang pagdalaw sa bahay ng babae. Umakay ito sa maraming mga palagiang pagdalaw muli.
9 Ang mga Pag-aaral sa Bibliya ay Maaaring Mapasimulan sa Pamamagitan ng mga Tract: Ang isang tagapangasiwa ng sirkito ay nag-ulat na ang kongregasyong kaniyang dinadalaw ay nakapagsimula ng 64 na mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa sanlinggo sa pamamagitan ng paggamit ng mga tract sa umpisang pagbati sa maybahay.
10 Nasubukan na ba niyong mag-alok ng isang pag-aaral sa Bibliya sa mga unang pagdalaw sa bahay-bahay? Sa pamamagitan ng paggamit ng isang tract, maaaring maitanghal ninyo sa maikli kung papaano isinasagawa ang pag-aaral. Isang kapatid na babae ang gumamit ng tract na Buhay sa Isang Mapayapang Bagong Sanlibutan. Samantalang itinuturo ang larawan, kaniyang tinanong ang maybahay kung sa palagay niya’y magiging gayon kaya ang ating lupa. Pagkatapos na sumagot ang maybahay, inanyayahan siya ng kapatid na babae na basahin ang 2 Pedro 3:13 at Isaias 65:17, na ginagamit sa tract. Pagkatapos ay sinabi ng ating kapatid na babae: “Ang mga pangakong ito ay hindi isang panaginip o isang guniguni kundi talagang ginawa sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.” Pagkatapos ay isinaayos niyang ipagpatuloy ang pag-uusap sa susunod na linggo. Sa sumunod na pagdalaw, maraming katanungan ng babae ang nasagot at ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa ay naiwan. Isang pag-aaral sa Bibliya ang ibinunga nito.
11 Kayo ba’y isa sa bagong nabautismuhan o marahil ay isang di bautisadong mamamahayag na nagsisimulang kumuha ng karanasan sa inyong ministeryo? Kung gayon, nanaisin ninyong makipag-usap sa mga may higit na karanasan at hilingin ang kanilang mga mungkahi sa paggamit ng mga tract sa teritoryo ng inyong kongregasyon. Taglay natin ang maraming halimbawa sa Bibliya ng mga tumanggap ng pampatibay-loob at patnubay mula sa mga maygulang sa pananampalataya.—Gawa 18:24-27; 1 Cor. 4:17.
12 Ang konduktor sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay lalo nang makatutulong sa paggawa ng mga kaayusan para mabigyan kayo ng tulong ng iba sa mabisang paggamit ng mga tract. Ang mga magulang ay may pananagutan na tulungan ang kanilang mga anak na gumawa ng pagsulong sa gawaing pangangaral. Isang kabataang Saksi ang sinanay ng kaniyang mga magulang na mag-alok ng tract na Buhay sa Isang Mapayapang Bagong Sanlibutan. Samantalang kasama ng kaniyang ina sa isang pag-aaral ng Bibliya, siya’y nag-alok ng tract sa asawang lalake ng taong interesado. Humanga ang asawang lalake sa bagay na ang isang kabataan ay maaaring magkaroon ng gayong matibay na relihiyosong pananalig. Lubha siyang nasiyahan sa pagbabasa ng tract. Sa tuwing ang kabataang babae ay bumabalik kasama ng kaniyang ina, ibinabahagi niya ang isang kasulatan o kuwento sa Bibliya na pantangi niyang inihanda para sa kaniya. Ang lalake ay palagiang nagbabasa na ngayon ng mga magasin, nagpakita ng interes sa aklat na Apocalipsis, at nakadalo na sa ilang mga pagpupulong. Ang lahat ng ito ay dahilan sa paglalaan ng mga magulang ng panahon upang gampanan ang kanilang mga pananagutan sa pagtuturo sa kanilang anak na babae upang gamiting mabuti ang mga tract.
13 Gamitin ang Ating mga Bagong Tract Nang Mabisa: Sa paggamit ng tract na Ang Sanlibutan Bang Ito ay Makaliligtas?, maaari ninyong ipakilala ang inyong sarili at pasimulan ang usapan sa pagsasabing: “Magandang umaga po. Kami ay nakikipag-usap sa mga tao hinggil sa uri ng buhay ngayon. Sa palagay kaya ninyo’y susulong pa ang uri ng buhay, o ito’y patuloy na uurong? [Hayaang sumagot.] Ang ilan ay nag-iisip na ang nangyayari ngayon sa daigdig ay katuparan ng hula ng Bibliya at na ang katapusan ng sanlibutan ay malapit na. Ano sa palagay ninyo?” Pagkatapos na sumagot ang maybahay, ialok ang tract at akayin ang pansin sa tatlong mga katanungan sa ikalawang parapo. Pagkatapos ay sundan ang paraan ng paglalahad ng tract upang ipakita kung papaanong nagwakas noong una ang isang sanlibutan at na ang isang ito ay magwawakas din. Sa pagtatapos ng dalaw, isaayos ang susunod na pagdalaw upang isaalang-alang ang patotoo ng Bibliya na malapit na ang katapusan ng sanlibutan.
14 Sa maraming pagkakataon ay nasusumpungan natin ang sarili sa isang kalagayan para maibahagi ang pabalita ng Kaharian sa iba nang maikli, tulad sa trabaho o sa paaralan. Sa inyong pinapasukan, ang pag-uusap ay maaaring bumangon hinggil sa balita kamakailan lamang tungkol sa pamahalaan. Maaari kayong sumang-ayon na sa kabila ng lahat ng pagsisikap na ginagawa ng mga lider na maaaring talaga namang taimtim, katakut-takot na ang naging pagdurusa ng sanlibutan sa buong kasaysayan. Pagkatapos ay bumaling sa huling parapo sa pahina 2 ng tract na Sino Talaga ang Nagpupuno sa Sanlibutan? Basahin ang tatlong katanungang pumupukaw ng kaisipan. Kung walang panahon para sa maikling pag-uusap, bigyan ang (mga) tao ng tract at gumawa ng kaayusan upang talakayin ang mga katanungang ito sa ibang panahon o lugar.
15 Bilang mga indibiduwal at mga pamilya, gumugol ng panahon upang isaalang-alang kung papaano ihaharap ang bawat isa ng iba’t ibang tract na ito. Gumawa ng mga sesyon ng pag-eensayo. Papaano ninyo gagamitin ang mga tract kasama ng iba pang publikasyon na itinatampok sa ministeryo para sa buwan? Ano ang susunod ninyong mga pakikipagtiyap na doo’y makapagdadala kayo ng ilang tract? May makakausap ba kayong sinuman sa linggong ito na maaaring makinabang mula sa napapanahong pabalita na taglay ng mga tract na ito?
16 Ang malalim na pag-ibig kay Jehova at pagkabahala para sa mga tao ay magpapakilos sa atin na gawin ang lahat upang maipahayag ang mabuting balita. Ang paggamit sa mga tract nang palagian ay tutulong sa atin na gawin iyon. Isang kabataang lalake, pitong taon ang gulang, ang nagnais na tumulong sa kaniyang kapitbahay na makapasok sa bagong sistema, kaya binigyan niya ito ng isang tract, at isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan. Parang simpleng simple lamang! Subalit atin bang pinahahalagahan ang simpleng paglapit na ito sa ating ministeryo? Sa susunod na pagkakataon na tayo’y makapag-iwan ng tract sa kaninuman, ito’y maaaring umakay din sa isang pag-aaral sa Bibliya. Kung may katalinuhan nating gagamitin ang mga tract sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, tiyak na ating mararanasan ang mga kapakipakinabang na resulta.