Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Pamamagitan ng Mabisang Paggamit sa mga Tract
1 Noong 1987 “Magtiwala kay Jehova” na Pandistritong Kombensiyon, apat na mga bagong tract ang inilabas. Mabisa ba ninyong nagagamit ang mga tract na ito sa larangan?
2 Maraming mamamahayag ang nag-iiwan ng mga tract kapag walang tao sa bahay. At sila’y nagbibigay nito sa mga tao na masyadong abala upang makinig sa mga pintuan. Nasumpungan ng ilan na kung sila’y gagamit ng tract upang magpakilala, ito ay pumupukaw sa interes ng maybahay.
KAILAN AT PAPANO GAGAMITIN ANG MGA ITO
3 Sa pamamagitan ng pagiging alisto sa mga posibilidad, marami kayong makikitang pagkakataon upang mag-alok ng mga tract. Halimbawa, ang mga tract ay maaaring makatulong sa pagpapatotoo sa mga kamag-anak. Maaari ninyong gamitin ang mga ito habang nagbabakasyon, samantalang namimili at naglalakbay, sa paaralan, o sa inyong pinapasukan. Iniingatan ba ninyo ang mga tract para madaling kunin, marahil sa inyong bulsa, pitaka, o bag? Bakit hindi hanapin ang mga pagkakataon upang mag-alok ng mga tract?
4 Maaari ninyong gamitin ang mga tract upang magbigay ng higit pang mabisang patotoo. Bagaman ang taglay na mensahe nito ay maikli, ito’y nakakukumbinsi at nagtataglay ng maliwanag na maka-Kasulatang pangangatuwiran. Ang mga tract ay may makulay na ilustrasyon at malaki ang magagawang kabutihan sa ministeryo.
SA PAGLILINGKOD SA LARANGAN
5 Itinatampok kaagad ng ilang mamamahayag ang pamagat ng isang tract sa kanilang pambungad. Bakit hindi ninyo subukin din ang ganitong paraan? Maaari ninyong sabihin: “Hello. Ako’y nagagalak na masumpungan kayo sa tahanan. Ako ay nagboluntaryong makibahagi sa pagdadala ng isang napakahalagang mensahe. Ito ay masusumpungan sa tract na ito na Buhay sa Isang Mapayapang Bagong Sanlibutan. Ito ang kopya ninyo. Ito’y libre. [Ibigay sa maybahay.] Hindi ba kayo nagnanais mabuhay sa ganitong mapayapang kapaligiran?” Pagkatapos ay magpatuloy sa Paksang Mapag-uusapan, at iugnay ang alok sa buwan.
6 Ang tract na Bakit ka Makapagtitiwala sa Bibliya ay maaaring maging lubhang mabisa sa inyong lugar. Halimbawa, maaaring ninyong sabihin: “Kami ay nag-iiwan ng walang bayad na mensahe sa aming mga kapitbahay ngayon. Narito ang inyong kopya. [Ibigay sa maybahay.] Pansinin na ang paksa ay tungkol sa Bibliya. Sa palagay ba ninyo’y nawawalan na ng pagtitiwala ang mga tao sa Bibliya ngayon? [Hayaang sumagot.] Ang tract na ito’y tutulong sa inyo na makita kung bakit tayo makapagtitiwala sa sinasabi ng Bibliya.” Magpatuloy sa Paksang Mapag-uusapan, na ipinakikita ang mga pagpapala na ilalaan ng Diyos para sa lupa.
7 Ang pamamahagi ng mga tract ng Bibliya ay isang mabisang paraan ng paghaharap ng mabuting balita. Ang mga ito ay gumaganap ng isang mahalagang bahagi sa ating ministeryo at sa pangangaral nang impormal. Gamitin natin nang mabisa ang mga ito sa pagbibigay ng isang mabuting patotoo at tulungan ang iba na matuto tungkol sa Kaharian ng Diyos.