Gamitin ang mga Tract sa Pagpapalaganap ng Mabuting Balita
1. Paano ginagamit ng bayan ng Diyos ang mga tract?
1 Matagal nang ginagamit ng bayan ni Jehova ang mga tract sa pagpapalaganap ng mabuting balita. Noong 1880, sinimulang ilathala ni C. T. Russell at ng kaniyang mga kasama ang Bible Students’ Tracts (tinawag nang maglaon na Old Theology Quarterly), at ang mga ito ay inilaan sa mga mambabasa ng Watch Tower para ipamahagi sa mga tao. Itinuring ang mga tract na napakahalaga anupat noong 1884, nang irehistro ni C. T. Russell ang isang non-profit na legal na korporasyon para sa pagpapalaganap ng kapakanan ng Kaharian, isinama ang salitang “tract” sa pangalan nito—Zion’s Watch Tower Tract Society, na tinatawag ngayong Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania. Pagsapit ng 1918, mahigit nang 300 milyong tract ang naipamahagi ng mga Estudyante ng Bibliya. Patuloy na naging mabisa ang tract sa pagpapatotoo.
2. Bakit mabisa ang mga tract?
2 Kung Bakit Mabisa: Makulay at nakatatawag-pansin ang mga tract. Ang maikling mensahe nito ay kawili-wiling basahin at nakapagtuturo. Nagugustuhan ito ng mga may-bahay na baka umaayaw sa mga magasin o aklat. Madaling ialok ang mga tract, kahit ng mga bagong mamamahayag at mga bata. Isa pa, ang mga tract ay maliit lang at madaling dalhin.
3. Maglahad ng personal o nailathalang karanasan na nagpapakita ng kahalagahan ng mga tract.
3 Marami ang unang nakaalam ng katotohanan sa pamamagitan ng tract. Halimbawa, napansin ng isang babae sa Haiti ang isang tract na nasa kalye. Pinulot niya ito, binasa, at sinabi, “Nasumpungan ko na ang katotohanan!” Pagkaraan nito, nagpunta siya sa Kingdom Hall, nag-aral ng Bibliya, at nabautismuhan—lahat ng ito ay dahil sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos na nasumpungan sa isang tract.
4. Ano ang tunguhin natin kapag mga tract ang alok na literatura?
4 Sa Bahay-bahay: Yamang mabisa ang mga tract sa pagpapatotoo, ang mga ito ay magiging alok na literatura sa pana-panahon, simula sa Nobyembre. Hindi lamang natin tunguhin na magbigay ng mga tract kundi gamitin din ito para makapagpasimula ng pag-uusap. Kung sa una o sa ikalawang pagdalaw ay nagpakita siya ng interes, maaari nating itanghal ang pag-aaral sa Bibliya gamit ang aklat na Itinuturo ng Bibliya o iba pang publikasyon na ginagamit sa pag-aaral. Paano natin maiaalok ang mga tract sa bahay-bahay? Iba-iba ang mga tract, kaya kailangan tayong maging pamilyar dito.
5. Paano natin maiaalok ang mga tract sa bahay-bahay?
5 Dapat nating ibagay ang ating presentasyon sa teritoryo at sa tract na gagamitin natin. Puwede nating pasimulan ang pag-uusap sa pamamagitan ng pag-aabot ng tract sa may-bahay. Malamang na makuha ang kaniyang interes dahil sa magandang pabalat nito. O maaari nating ipakita ang ilang tract at papiliin ang may-bahay kung alin ang gusto niya. Kapag ayaw ng mga tao na magbukas ng pinto, itapat natin ang tract kung saan makikita ng may-bahay ang pabalat, o maaari nating sabihin na magsusuksok tayo sa ilalim ng pinto ng babasahín at na gusto nating malaman ang kaniyang opinyon tungkol doon. Kung ang titulo ng tract ay patanong, maaari nating kunin ang kaniyang opinyon sa bagay na iyon. O maaari tayong gumawa ng tanong na kukuha ng kaniyang interes at magpapasimula ng pag-uusap. Pagkatapos ay basahin natin sa may-bahay ang isang bahagi ng tract, huminto sa mga tanong, at himukin siyang sumagot. Maaaring basahin sa Bibliya ang mga susing teksto. Kapag natalakay na ang ilang materyal, tapusin ang pag-uusap at alamin kung anong araw at oras ka puwedeng bumalik. Kung ang mga kapatid ay karaniwan nang nag-iiwan ng literatura sa mga bahay na walang tao, maaari tayong mag-iwan ng tract sa lugar na hindi makikita ng mga dumaraan.
6. Paano magagamit ang mga tract sa pagpapatotoo sa lansangan?
6 Pagpapatotoo sa Lansangan: Nasubukan mo na bang gumamit ng mga tract sa pagpapatotoo sa lansangan? Ang ilang naglalakad ay nagmamadali at ayaw huminto para makipag-usap. Mahirap malaman kung talagang interesado sila. Sa halip na abután sila ng pinakabagong mga magasin nang hindi natin alam kung babasahin nila iyon, bakit hindi sila bigyan ng tract? Dahil maganda ang pabalat at maikli ang mensahe, baka maganyak sila na basahin ang tract kahit saglit lang. Siyempre pa, kung hindi sila nagmamadali, maaari nating talakayin ang ilang nilalaman ng tract.
7. Maglahad ng mga karanasan kung paano ginagamit ang mga tract sa di-pormal na pagpapatotoo.
7 Di-pormal na Pagpapatotoo: Madaling magpatotoo nang di-pormal gamit ang mga tract. Bago umalis ng bahay ang isang brother, naglalagay siya ng ilang tract sa bulsa. Kapag may nakakausap siya, gaya ng mga tindero, inaalukan niya sila ng mababasa at binibigyan ng tract. Nang mamasyal sa New York City ang isang mag-asawa, naisip nila na maraming tao roon ang galing sa iba’t ibang bansa. Kaya nagdala sila ng buklet na Nations at ilang tract sa iba’t ibang wika. Kapag narinig nila na iba ang wika ng nagtitinda sa bangketa o ng katabi nila sa parke o sa restawran, inaalukan nila ito ng tract sa katutubong wika nito.
8. Ano ang pagkakatulad ng mga tract at ng binhi?
8 “Ihasik Mo ang Iyong Binhi”: Maihahalintulad ang mga tract sa binhi. Maramihang isinasabog ng magsasaka ang binhi dahil hindi niya alam kung alin ang tutubo. Sinasabi sa Eclesiastes 11:6: “Sa umaga ay ihasik mo ang iyong binhi at hanggang sa kinagabihan ay huwag mong pagpahingahin ang iyong kamay; sapagkat hindi mo nalalaman kung saan ito magtatagumpay, kung dito o doon, o kung ang dalawa ay parehong magiging mabuti.” Kaya ‘lagi nawa tayong magsabog ng kaalaman’ gamit ang napakabisang publikasyong ito.—Kaw. 15:7.
[Blurb sa pahina 3]
Yamang mabisa ang mga tract sa pagpapatotoo, ang mga ito ay magiging alok na literatura sa pana-panahon, simula sa Nobyembre