Kaya Ba Ninyong Gawin Ito?
1 ‘Gawin ang ano?’ ang maaari ninyong itanong. Ang Kawikaan 3:27 ay sumasagot: “Huwag mong ikait ang mabuti sa kinauukulan, pagka nasa kapangyarihan ng iyong kamay na gawin ito.” ‘Nasa kapangyarihan ba ng inyong kamay’ na palawakin ang inyong gawain at makibahagi sa paglilingkuran bilang auxiliary o regular payunir? Kaya ba ninyong gawin ito?
2 Nakapagpapatibay na mabasa mula sa 1993 Yearbook na may aberids na 22,205 mga payunir sa Pilipinas, na may proporsiyong 1 payunir sa 5 mga mamamahayag. Oo, 3,697 ang pumasok sa paglilingkurang payunir nang nakaraang taon. Katumbas ito ng mahigit sa 10 mga mamamahayag sa isang araw na gumawa ng pagsusuri sa kanilang mga kalagayan at natuklasang maaari silang gumawa ng higit pa sa ministeryo.
3 Ang pagiging auxiliary payunir ay isang paraan ng paggawa ng mabuti sa iba. Noong nakaraang taon ay nagkaroon ng peak na 17,009 na mga auxiliary payunir. Iyo’y napakainam. Maraming mamamahayag ang naghahanap ng paraan upang makapag-auxiliary payunir nang mas madalas sa buong taon.
4 Upang matiyak kung kaya ninyong “gawin ito” o hindi, kailangan munang isaalang-alang kung ano ang taus-pusong hangarin ninyo. (Mat. 22:37-39) Ang Gawa 20:35 ay nagsasabi: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.” Walang alinlangan, yaong saganang nagbibigay ng espirituwal na tulong mula sa puso ay may tamang hangarin. Upang maging isang matagumpay na mamamahayag o payunir, ang gayong hangarin ay mahalaga.
5 Ikalawa, alamin ang inyong kasalukuyang kalagayan. Maaari ba kayong gumawa ng mga pagbabago sa inyong pang-araw-araw na gawain upang makapaglingkod nang buong panahon? Hindi ito magagawa ng lahat. Subalit matapos ang may pananalanging pagsusuri-sa-sarili, libu-libo bawat taon ang nakakasumpong ng paraan upang “gawin ito.” (Col. 4:5) Halimbawa, ilang pamilya ang pumili ng partikular na mga buwan para ang ilan o lahat ng miyembro ng pamilya ay makapag-auxiliary payunir. Ang ibang mga pamilya ay nagtataguyod sa isa sa miyembro nila bilang isang regular payunir. Naisaalang-alang na ba ng inyong pamilya ang mga posibilidad na ito?—Tingnan ang Kawikaan 11:25.
6 Ang pagtulong sa iba na makaalam ng katotohanan ay nagdudulot ng tunay na kasiyahan, kayo man ay naglilingkod bilang isang mamamahayag o bilang isang payunir. Nalalaman natin na ang tunay na kagalakan ay nagmumula sa pagsasagawa ng mabuti para sa iba, lalo na kung ‘nasa kapangyarihan ng ating kamay na gawin ito.’