Tulungan ang mga Estudyante sa Bibliya na Maghanda Para sa Kanilang Pag-aaral
1 Ang mga estudyante sa Bibliya na naghahanda sa kanilang pag-aaral bawat linggo ay mas mabilis ang pagsulong kaysa doon sa hindi naghahanda. Kung minsan ang estudyante ay hindi naghahanda dahilan sa hindi niya alam kung papaano gagawin iyon. Kaypala’y kailanganing turuan siya kung papaano maghahanda. Papaano gagawin ito?
2 Sa pasimula pa lamang, gumamit ng panahon upang tiyaking mauunawaan ng estudyante na ang paghahanda ay nagsasangkot sa personal na pag-aaral. Maraming tao ang hindi naturuan kung papaano mag-aaral. Ang mga pahina 33-43 ng Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay naglalaan ng mabubuting mungkahi na maaari ninyong ibahagi sa inyong estudyante kung kinakailangan.
3 Ipakita sa Estudyante ang Kahalagahan ng Pag-aaral: Ipakita sa estudyante kung papaano ninyo sinasalungguhitan ang mga susing salita. Ipakita sa kaniya kung papaanong ang mga markadong bahagi ay maaaring magpaalaala sa kaniya ng mga punto na maaari niyang sabihin sa sariling salita. Kaya hindi siya matutuksong bumasa mula sa aklat kapag sumasagot. Ang wastong paghahanda ay tutulong sa kaniya na gumawa ng maiinam na komento sa mga pulong sa hinaharap. Ang kaniyang mga komento ay magpapakita ng pagpapahalaga sa materyal at magpapakita ng lalim ng kaniyang kaunawaan.
4 Turuan Siyang Gumamit ng Bibliya: Kailangang matutuhan ng estudyante kung papaano hahanapin ang mga kasulatan sa pinag-aaralang materyal. Kapag nagawa niya ito nang mabisa, higit niyang mapapahalagahan na siya’y talagang isang estudyante ng Bibliya. Bagaman sa pasimula ay kakailanganin niyang gumamit ng talaan ng mga aklat ng Bibliya sa bukana nito, dapat pasiglahin ang estudyante na matutuhan ang pagkakasunod-sunod ng 66 na mga aklat ng Bibliya. Kapag binabasa niya ang isang teksto, tulungan siya para makilala ang bahaging umaalalay sa puntong inihaharap ng parapo at hindi mababahala sa mga bahaging walang tuwirang kaugnayan sa pinag-aaralan.
5 Habang sumusulong ang estudyante, pasiglahin siyang basahin ang Bibliya mula sa pasimula hanggang katapusan. Idiin na ang buong Bibliya ay kinasihang Salita ng Diyos at na ang tunay na mga Kristiyano ay dapat na mapalusog nito sa espirituwal.—Mat. 4:4; 2 Tim. 3:16, 17.
6 Iharap ang Iba Pang mga Teokratikong Reperensiya: Kapag sumusulong na ang estudyante, maaaring magpasimula na siyang gumamit ng iba pang mga teokratikong reperensiya. Pasiglahin siyang maghanap ng karagdagang impormasyon sa mga publikasyon ng Samahan na palaging nakikita niya sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon. Turuan siyang gumamit ng mga pantanging bahagi ng New World Translation, gaya ng “Bible Words Indexed.” Habang nagkakaroon siya ng sariling teokratikong aklatan, ipakita sa kaniya kung papaano gagamitin ang Comprehensive Concordance, Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, Index at ang mga tomo ng Insight.
7 Kapag tinuturuan natin ang mga estudyante sa Bibliya kung papaano maghahanda sa kanilang pag-aaral sa Bibliya, sinasangkapan natin sila upang sumulong sa katotohanan kahit pagkatapos ng kanilang personal na pantahanang pag-aaral sa Bibliya.