Maghasik Nang Sagana Ngunit Taglay ang Unawa
1 Nalalaman ng bawat magsasaka na kapag inihasik niya ang kaniyang binhi nang sagana, siya’y malamang na mag-aani nang sagana, subalit kapag siya’y naghasik nang kakaunti, siya’y tiyak na mag-aani nang kakaunti. (2 Cor. 9:6) Nag-iingat ang mga magsasaka na huwag sayangin ang binhi sa paghahasik nito sa lugar na hindi naman ito tutubo. Kailangan din ang gayong unawa kapag tayo ay nag-aalok ng ating literatura sa larangan. Nais nating mag-iwan ng literatura sa mga taong interesadong magbasa niyaon.
2 Nakikita ba ninyong ang mga magasin, brosyur, at iba pang mga publikasyon ay natatambak sa istante sa bahay bagaman ang mga ito ay maaaring gamitin upang dalhin ang katotohanan sa mga taong karapat-dapat sa inyong teritoryo? (Ihambing ang Mateo 25:25.) Kayo ba kung minsan ay nag-aatubiling mag-alok ng mga magasin o ng iba pang literatura sa unang pagdalaw dahil lamang sa nakikita ninyong asiwang banggitin kung paano sinusuportahan ang ating gawaing pangangaral ng Kaharian? Nasumpungan ng makaranasang mga mamamahayag na tumutugon ang mapagpahalagang mga maybahay sa simple, tuwirang pananalita kapag sinabi sa kanila kung paano ginagamit ang mga donasyon sa gawaing pang-Kaharian.
3 Maaari ninyong sabihin:
◼ “Maaaring nagtataka kayo kung paano namin naiaalok ang mga literatura nang walang takdang halaga. Ito ay bahagi ng isang pambuong daigdig na gawaing edukasyonal na sinusuportahan ng boluntaryong mga kontribusyon. Kung nais ninyong magbigay ng maliit na donasyon para sa gawain, lubos kong ikinagagalak na tanggapin iyon.”
4 Maraming maybahay ang magtatanong kung magkano ang halaga ng literatura.
Maaari kayong sumagot:
◼ “Walang itinakdang halaga para sa literatura sapagkat ang aming gawain ay sinusuportahan ng boluntaryong mga donasyon. Kung gusto ninyong magbigay ng maliit na donasyon sa ngayon, may-kagalakan naming titiyakin na iyon ay magagamit sa pambuong daigdig na gawaing pangangaral.”
5 Sa gawain sa magasin, ipinakikita ng ilang mamamahayag ang panloob na pahina ng isang magasin at nagsasabi:
◼ “Gaya ng nakikita ninyo rito, ang aming gawain ay sinusuportahan ng boluntaryong mga donasyon. Kung nais ninyong magbigay ng maliit na donasyon upang tumulong sa gawaing ito, ako’y nasa kalagayang tanggapin ito.”
6 Hindi tayo dapat na maging bantulot kailanman sa paghahasik ng binhi ng Kaharian dahil sa pag-aatubiling banggitin kung paano ginagastusan ang ating gawain. Kasabay nito, ang unawa ay kailangan upang ang ating literatura ay hindi masayang sa ‘lupang mabato.’ (Mar. 4:5, 6, 16, 17) Yaong mga nagpapahalaga sa dinadala nating mabuting balita ay nagagalak na magkaroon ng pagkakataong mag-abuloy ng materyal bilang pagsuporta rito.—Ihambing ang Mateo 10:42.