Linangin ang Interes sa Aklat na Mabuhay Magpakailanman
1 Kapag tayo ay dumadalaw sa kanilang mga tahanan, kadalasang nasusumpungan natin ang mga tao na nagugumon sa “mga kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay.” (Mar. 4:19) Sa pasimula, ang karamihang tao ay may kakaunti lamang interes sa ating pabalita. Kung makapagsasabi tayo ng bagay na makasasaling sa kanilang buhay, maaari nating maantig ang interes sa pabalita ng Kaharian. Ang susi upang mapasimulan ang pag-uusap ay ang piliin ang nakakaakit na mga punto mula sa aklat na Mabuhay Magpakailanman. Ano ang maaari nating sabihin?
2 Maaari ninyong gamitin ang ganitong paglapit:
◼ “Kung taglay ninyo ang kapangyarihan, anong suliranin sa ating panahon ang itutuwid ninyo? [Hayaang sumagot.] Hanggang ngayon, kakaunti lamang ang tagumpay ng mga pinuno sa daigdig sa paghanap ng lunas sa mga suliranin sa ating panahon. Subalit may Isa na tatapos sa lahat ng suliraning nagpapahirap sa sangkatauhan. Pansinin kung ano ang sinabi sa Awit 145:16. [Basahin ang kasulatan, at bumaling sa ilustrasyon sa pahina 11-13.] Ang parapo 14 sa pahina 14 ay nagbabangon ng katanungang ating katatalakay lamang at nagtatanong pa: ‘Subalit kailan ito magaganap?’” Ipaliwanag na sinasagot ng aklat ang katanungang ito, at ialok ang aklat.
3 O maaari ninyong sabihin ang ganito:
◼ “Marahil ay alam ninyo ang nadaramang kawalan kapag naulila sa minamahal dahilan sa kamatayan. Malamang na nadarama ninyo ang matinding kalungkutan at kawalang magagawa. Marahil ay napagnilay-nilay ninyo ang mga katanungang ito: [Basahin ang mga tanong sa parapo 1 sa pahina 76.] Hindi kaya nakaaaliw na magkaroon ng kasagutan sa mga katanungang ito? Ang Bibliya ay nagtataglay ng tiyak na pag-asa para sa mga namatay. [Basahin ang Juan 5:28, 29.] Ang aklat na ito ay tutulong sa inyo na maunawaan ang kalagayan ng patay at kung ano ang pag-asa sa hinaharap.” Ialok ang aklat.
4 Walang alinlangan na magkakaroon kayo ng pagkakataong magpatotoo nang impormal. Kung gayon, maaari ninyong sabihin ang ganito:
◼ “Ang sanlibutan ay punong-puno ng suliranin sa mga araw na ito, at walang pagsalang mayroon din kayo. Nakalulungkot sabihin, waring ang mga walang malay ang higit na nagdurusa. Sa palagay ba ninyo’y wawakasan ng Diyos ang pagdurusa? [Hayaang sumagot.] Pansinin kung ano ang ipinangako ng Diyos sa mga naglilingkod sa kaniya. [Basahin ang Awit 37:40 at pagkatapos ay buksan ang aklat na Mabuhay Magpakailanman sa pahina 99.] Ang aklat na ito ay nagpapaliwanag kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kabalakyutan at kung papaano niya wawakasan ito.”
5 Kung kayo’y isang kabataang mamamahayag, maaari ninyong gamitin ang isang presentasyon salig sa mga ilustrasyon sa pahina 156-8. Maaari kayong magpasimula sa pagtatanong ng:
◼ “Nais ba ninyong mabuhay sa isang daigdig na gaya nito? [Hayaang sumagot.] Bawat isa sa magagandang larawang ito ay salig sa pangako na nasa Salita ng Diyos, ang Bibliya. [Ituro ang mga Kasulatan.] Ang aklat na ito ay makatutulong sa inyo na higit pang makaalam sa pangako ng Diyos na gawin ang buong lupa na isang paraiso. Ito’y naglalaman ng nagbibigay-buhay na impormasyon at karapatdapat na pag-ukulan ng panahon upang basahin.”—Juan 17:3.
6 Gamitin nating lahat ang aklat na Mabuhay Magpakailanman sa Setyembre upang linangin ang interes sa mabuting balita ng Kaharian.