Himukin Silang Maging mga Tagasunod Niya
1 Sa 1 Corinto 3:6, sumulat si Pablo: “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang patuloy na nagpapalago.” Dito’y tinutulungan ni Pablo ang kaniyang mga kapatid na mapahalagahan ang kanilang papel sa gawaing pagtatanim at pagdidilig.
2 Ang nagliligtas buhay na gawaing ito ay matatapos sa ating kaarawan. Bilang naaalay na mga Kristiyano, taglay natin ang pananagutan na tulungan ang iba na maging mga tagasunod ni Jesus. (Gawa 13:48) Papaano ninyo susubaybayan ang interes na inyong nasumpungan sa paggamit ng aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman?
3 Kung kayo ay nagbabalik upang dalawin ang isang tao na tumanggap ng aklat, maaari ninyong sabihin:
◼ “Nang huli tayong mag-usap, nag-iwan ako sa inyo ng aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Ano ang higit na nakatawag ng inyong pansin hinggil sa turo at personalidad ni Jesus?” Hayaang sumagot. Bumaling sa kabanata 113, at talakayin ang napakagaling na halimbawa ng pagpapakumbaba ni Jesus. Sabihing kayo’y babalik upang pag-aralan pa nang higit ang bagay na ito.
4 Maaaring piliin ninyo ang pambungad na ito:
◼ “Pinag-usapan natin ang mga ginawa ni Jesus samantalang nasa lupa na nagpapakita na siya’y tunay na nagmamalasakit sa atin. Ano sa palagay ninyo ang gagawin niya sa takdang panahon upang magkaroon ng kaginhawahan yaong mga labis na nagdurusa?” Hayaang sumagot. Bumaling sa kabanata 133, at basahin ang mga punto sa ikalimang parapo. Bumaling sa larawan sa susunod na pahina upang ipakita kung ano ang magiging kalagayan kapag naganap na ang kalooban ng Diyos dito sa lupa. Sabihing kayo’y babalik ukol sa karagdagan pang pag-uusap.
5 Kung kulang pa ang interes upang mag-alok ng aklat sa unang pagkakataon, marahil ay mapasisimulan ninyo ang pag-uusap sa ganitong paraan:
◼ “Maraming tao sa ngayon ang tumutulad sa isa na itinuturing nilang huwaran. Si Jesu-Kristo ang pinakamagaling na huwaran na maaaring masumpungan. Nais kong ibahagi sa inyo ang isang mahalagang leksiyon na aking natutuhan mula sa halimbawa ni Jesus. [Bumaling sa kabanata 40 ng aklat na Pinakadakilang Tao, at banggitin ang leksiyon ni Jesus hinggil sa awa.] Ito’y nagpaalaala sa akin kung papaano ko dapat ipakita ang katangiang ito sa iba.” Basahin ang Mateo 5:7. Ialok ang aklat kung nagpakita ng interes.
6 O maaaring subukin ninyo ang tuwirang paglapit na ito:
◼ “Noong huling pagpunta ko rito, ating tinalakay ang kahalagahan ng pagtatamo ng kaalaman hinggil kay Jesus. Ang Juan 17:3 ay nagsasabi na ‘nangangahulugan ng buhay na walang hanggan’ ang pagkuha ng gayong kaalaman. Papaano natin magagawa ito?” Hayaang sumagot. Magpatuloy sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa ating kaayusan ng pag-aaral sa Bibliya.
7 Sinabi ni Pablo na ang manggagawa sa anihan ay “tatanggap ng kaniyang sariling gantimpala ayon sa kaniyang sariling pagpapagal.” (1 Cor. 3:8) Kung gagawa tayo nang puspusan upang tulungan ang iba na maging mga tagasunod ni Jesus, ang ating gantimpala ay magiging malaki.