Pakikinabang Mula sa Ating mga Pahayag Pangmadla
1 Ang modernong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova ay wastong inilarawan sa Kawikaan 4:18: “Ang landas ng mga matuwid ay parang maningas na liwanag na sumisikat nang paliwanág nang paliwanág hanggang sa malubos ang araw.”
2 Malamang na makapaglalahad kayo ng mga halimbawa kung paanong ito’y totoo sapol nang kayo ay makisama sa bayan ni Jehova. Ang mga pulong sa kongregasyon, kasali na ang mga pahayag pangmadla, ay tumutulong sa atin upang manatiling nakaagapay sa sumusulong na liwanag ng katotohanan na inilalaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.”—Mat. 24:45-47.
3 Napapanahong Materyal: Laging ginagawa ng Samahan na napapanahon ang mga balangkas sa pahayag pangmadla. Inilalakip ang bagong materyal at nililiwanag ang mahahalagang punto. Kaya naman ang mga kapatid na lalaki na nagbibigay ng mga pahayag pangmadla sa kongregasyon ay dapat na gumamit ng pinakabagong balangkas lamang upang ang kanilang materyal ay laging napapanahon.
4 Upang lubusang makinabang sa mga pahayag pangmadla, sikaping gunitain ang pinakabagong impormasyon mula sa mga publikasyon hinggil sa paksang tatalakayin sa linggong iyon. Pagkatapos, samantalang nakikinig sa pahayag, abangan kung paano ipaliliwanag ang impormasyong ito. Pansinin ang anumang bagong pamamaraan ng paghaharap sa mga katotohanang iyon para magamit sa hinaharap. Tinitiyak nito na mananatili ang inyong interes sa pahayag at personal itong magdudulot ng praktikal na pakinabang sa inyo.
5 Dapat na Maantig ng mga Pahayag Pangmadla ang Tagapakinig: Nang magsalita si Jesus, naabot niya ang puso ng kaniyang mga tagapakinig. Sa konklusyon ng Sermon sa Bundok ni Jesus, ganito ang ulat ng Mateo 7:28: “Ang naging bunga ay namangha nang lubha ang mga pulutong sa kaniyang paraan ng pagtuturo.”
6 Taglay sa isipan ang halimbawa ni Jesus, ang mga lupon ng matatanda ay dapat mag-ingat sa pagpili ng mga bagong tagapagsalita sa madla, na inaatasan lamang yaong mga kapatid na mahuhusay na guro, mahigpit na susunod sa mga balangkas ng Samahan at makapupukaw sa atensiyon ng mga tagapakinig.
7 Gaya ng inihula sa Isaias 65:13, 14, patuloy na magiging higit na kapansin-pansin ang espirituwal na kasaganaan ng bayan ng Diyos. Ang kaayusan para sa mga pahayag pangmadla ay isa sa maraming paraan ng ‘pagtuturo ni Jehova’ sa atin.—Isa. 54:13.