Tulungan ang Iba na Magtamo ng Kaalaman na Umaakay sa Buhay
1 Ipinaliwanag ni apostol Pablo na ‘kalooban ng Diyos na ang lahat ng uri ng mga tao ay sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.’ (1 Tim. 2:4) Papaano natin matutulungan ang iba na kumuha ng gayong kaalaman? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng paggawa ng mga pagdalaw-muli sa mga taong kumuha ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Papaano natin mapasisigla ang iba na pag-aralan ito kasama natin?
2 Para doon sa mga nagpakita ng interes sa Bibliya bilang isang praktikal na patnubay, maaari kayong bumalik upang ialok ang isang pag-aaral, marahil ay sa pagsasabing:
◼ “Noong unang pagparito ko, ating tinalakay kung bakit natin mapagtitiwalaan ang Bibliya bilang isang praktikal na patnubay. Dahilan sa ito’y kinasihan ng Diyos, ang Bibliya ay isa ring tiyak na pinagmumulan ng kaaliwan at pag-asa. [Basahin ang Roma 15:4.] Sa katapusan ng ating huling pag-uusap, ibinangon ko ang katanungang, Papaano tayo personal na makikinabang mula sa kaalamang nasa Bibliya?” Basahin ang parapo 18 sa pahina 11 ng aklat na Kaalaman. Ipakitang ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaraos ng mga limang milyong pag-aaral sa Bibliya sa buong daigdig. Ialok na maitanghal ang pag-aaral, na ginagamit ang unang limang parapo ng kabanata 1.
3 Kung kayo’y bumabalik upang dalawin ang isang magulang na nababahala sa mga suliraning pampamilya, maaari ninyong sabihin ang ganito:
◼ “Nalalaman ko, bilang isang magulang, na kayo’y nagnanais ng pinakamabuti para sa inyong mga anak. Yamang imposibleng ipagsanggalang sila mula sa lahat ng masama, kailangan ninyong sanayin sila kung papaano haharapin ang mga suliranin ng buhay. Papaano sa palagay ninyo magagawa ito? [Hayaang sumagot.] Narito sa mga pahina 145-6 ng aklat na Kaalaman ang ilang mainam na payo mula sa Bibliya.” Basahin ang ilang bahagi mula sa mga pahinang ito, at pagkatapos ay hilinging makabalik muli upang itanghal kung papaano gagamitin ang aklat upang matuto pa nang higit kung papaano tatamasahin ang isang maligayang buhay pampamilya.
4 Kung gumamit kayo ng tuwirang paglapit para pasimulan ang isang pag-aaral, maaari ninyong sabihin ang ganito upang ipagpatuloy ang naunang pag-uusap:
◼ “Gumawa ako ng pantanging pagsisikap na dalawin kayong muli dahilan sa nais kong sabihin sa inyo ang higit pa tungkol sa aming libreng programa ng pag-aaral sa Bibliya. Iniwan ko sa inyo ang isang kopya ng aklat na ito, Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na ginagamit namin bilang pantulong sa pag-aaral. Pansinin kung papaano ito nagpapasigla sa atin upang isaalang-alang ang Salita ng Diyos. [Basahin ang parapo 23 sa pahina 22.] Kung maaari ay pakisuyong kunin ang inyong kopya ng aklat, at marahil ay maaari nating ipagpatuloy ang pag-aaral sa hinintuan natin nang nakaraan.” Kung ang pag-aaral ay hindi napasimulan sa unang pagdalaw, maaari ninyong sabihin: “Marahil ito’y isang magandang panahon para sa akin na itanghal kung papaano namin pinag-aaralan ang Bibliya.” Isaayos ang isang tiyak na panahon upang bumalik para sa susunod na pag-aaral.
5 Ang paggamit sa aklat na Kaalaman ay magpapangyari na mapalaganap natin ang tumpak na kaalaman ukol sa ikapagpapala ng iba. (Kaw. 15:7) Para doon sa may matuwid na puso, ito’y magpapasigla sa kanila na mabuhay na kasuwato ng katuwiran ni Jehova, na aakay sa wakas sa walang-hanggang buhay.