Bumalik Upang Iligtas ang Ilan
1 Kalooban ng Diyos “na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Ano ang magagawa natin upang makatulong? Gumawa ng mga pagdalaw-muli taglay ang tunguhing magturo ng katotohanan. Ano ang inyong sasabihin? Ang sumusunod na mga mungkahi ay makatutulong sa inyo.
2 Kung kayo’y nakapag-iwan ng aklat na “Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos,” maaari ninyong ipagpatuloy ang pag-uusap sa pagsasabing:
◼ “Sa aking huling pagdalaw ating tinalakay ang limang katanungang makatutulong sa atin upang masuri kung ang ating relihiyon ay salig sa Bibliya. Nagkaroon na ba kayo ng pagkakataong tingnan ito? [Hayaang sumagot.] Yamang kayo’y lubhang abala, marahil ay maaari ninyong kunin ang inyong aklat at tingnan natin ang unang tanong sa pahina 17.” Pagkatapos ay ipaliwanag kung ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa kaluluwa, na ginagamit ang Genesis 2:7 at Ezekiel 18:4. Kung ang maybahay ay nagpakita ng interes, isaayos na bumalik sa susunod na linggo at ipagpatuloy ang inyong pagtalakay.
3 Narito ang isa pang mungkahi na nanaisin ninyong subukan:
◼ “Noong nakaraan ay tinalakay natin ang isa sa pagkakakilanlang tanda ng tunay na relihiyon. Natatandaan ba ninyo kung ano iyon? [Hayaang sumagot ang maybahay.] Ngayo’y naririto ang isa pang pagkakakilanlang tanda, na binabanggit sa Juan 13:34, 35. [Basahin.] Sa palagay ba ninyo’y nagpapakita ang lahat ng relihiyon ng ganitong uri ng pag-ibig sa isa’t isa? Ang aklat na iniwan ko sa inyo ay tumatalakay sa mismong paksang ito sa kabanata 15, dito sa pahina 344. Nais kong ipakita ang ilang punto na nagustuhan ko sa kabanatang iyon.” Talakayin ang ilang parapo at pagkatapos ay isaayos ang pagtalakay sa hinaharap.
4 Kapag dumadalaw sa isa na tumanggap ng aklat na “Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan—Paano Mo Masusumpungan?” maaaring bumaling kayong muli sa ilustrasyon sa pahina 4 at tanungin ang maybahay:
◼ “Pagkatapos ng karagdagang pagsusuri sa aklat na iniwan ko sa inyo at pag-iisip sa pangako ng Diyos na isang paraisong lupa, ano ang nadarama ninyo hinggil sa kamangha-manghang mga pangako na ginawa ng Diyos para sa sangkatauhan?” Pagkatapos pasalamatan ang tugon ng maybahay at makapagbigay ng maikling komento doon, maaari ninyong itawag-pansin ang mga kabanatang 2 at 3 at imungkahing isaalang-alang kung bakit ang pagsisikap ng tao tungo sa kapayapaan at katiwasayan, lakip na yaong may kinalaman sa relihiyon, ay nabigo.
5 Tandaan na ang tunguhin sa paggawa ng mga pagdalaw-muli ay upang pasimulan ang mga pag-aaral sa Bibliya. Ang pag-aaral ay maaaring pasimulan sa alinmang kabanata ng aklat na Paghahanap sa Diyos, subalit karaniwan ng nais nating akayin sila sa mga kabanata 15 at 16. Sa dakong huli pagkatapos ng ilang pag-aaral, nanaisin nating akayin ang pansin sa pinag-aaralang aklat na tumatalakay sa saligang mga doktrina. Makasusumpong tayo ng malaking kagalakan habang yaong mga nagsisipag-aral ay natututong tumawag kay Jehova ukol sa kaligtasan.—Gawa 2:21.