Ikintal sa Iba ang Pag-asa sa Buhay na Walang Hanggan
1 Bagaman ang tao ay naghahanap ng mga paraan upang mapabagal ang pagtanda at mapahaba ang kaniyang buhay, ang pagtanda at kamatayan ay hindi pa rin maiwasan. Anong laking pasasalamat natin na ipinaliliwanag ng Bibliya kung bakit ang mga tao ay tumatanda at namamatay, at kung paanong ang pinsalang dulot ng pagtanda ay mababaligtad at maaalis ang kamatayan. Ang mga katotohanang ito ay kapani-paniwalang iniharap sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Ang aklat na ito ay maliwanag na sumasagot sa mga nakalilitong katanungan hinggil sa buhay at kamatayan, anupat inaakay ang pansin ng mambabasa sa panahong maisauli na ang Paraiso.
2 Sa Marso ay ating iaalok ang aklat na Kaalaman taglay ang tunguhing makapagsimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. (Mat. 28:19, 20) Pagkatapos ay gagawa tayo ng mga pagdalaw-muli sa lahat ng nagpakita ng interes sa mensahe ng Kaharian. Sa ganitong paraan ay maikikintal natin sa iba ang pag-asa sa buhay na walang hanggan. (Tito 1:2) Upang maisakatuparan ito, baka makatulong sa inyo ang sumusunod na mga mungkahi.
3 Kapag gumagawa ng unang pagdalaw, maaari ninyong iharap ang katanungang ito:
◼ “Naisip na ba ninyo kung bakit hinahangad ng mga tao ang mas mahabang buhay? [Hayaang sumagot.] Ang mga Budista, mga Kristiyano, mga Hindu, mga Muslim, at iba pa ay pawang umaasa sa buhay pagkatapos ng kamatayan.” Buksan ang aklat na Kaalaman sa kabanata 6, “Bakit Tayo Tumatanda at Namamatay?,” at basahin ang parapo 3. Mangatuwiran sa binanggit na mga kasulatan. Sa pagbaling sa dalawang katanungan sa katapusan ng parapo, itanong sa maybahay kung nais niyang makita sa ganang sarili ang mga kasagutan. Kung nais niya, patuloy na talakayin ang susunod na ilang parapo. Napasisimulan na ang isang pag-aaral! Kung hindi mangyari iyon, iwan sa kaniya ang aklat upang basahin, at gumawa ng mga planong bumalik, mas mabuti sa loob ng isa o dalawang araw, upang talakayin ang mga kasagutan.
4 Kapag binabalikan ang naipasakamay na aklat na “Kaalaman,” maaari ninyong sabihin:
◼ “Ako’y bumalik upang isaalang-alang ang dalawang katanungan hinggil sa kamatayan na hindi natin nabigyan ng kasagutan.” Ipaalaala sa maybahay ang mga katanungan. Pagkatapos ay talakayin ang impormasyon sa kabanata 6 sa ilalim ng subtitulong “Isang Ubod-Samang Pakana.” Depende sa mga kalagayan, maaaring ipagpatuloy ang pag-aaral o gamitin ang huling tanong sa katapusan ng parapo 7 upang ilatag ang pundasyon para sa susunod na sesyon. Gumawa ng tiyak na mga plano upang bumalik. Bigyan ang maybahay ng handbill, at ilarawan sa maikli kung paano ginaganap ang mga pulong ng kongregasyon. Taos-pusong anyayahan siyang dumalo.
5 Sa bahay-bahay man o impormal na pagpapatotoo, maaari ninyong pasimulan ang usapan sa pagsasabing:
◼ “Naisip na ba ninyo kung anong kinabukasan ang naghihintay para sa atin at para sa lupa? [Hayaang sumagot.] Binubuod ng Bibliya ang kinabukasan sa iisang salita—Paraiso! Ipinaliliwanag nito na sa pasimula, ginawa ng Diyos ang isang bahagi ng lupa bilang isang magandang paraiso kung saan niya inilagay ang mag-asawang tao na kaniyang nilikha. Kailangan nilang kalatan ang buong lupa, na unti-unting ginagawa ito bilang isang paraiso. Pansinin ang paglalarawang ito ng malamang na naging kalagayan nito.” Buksan ang aklat na Kaalaman sa pahina 8, at basahin ang parapo 9, sa ilalim na subtitulong “Buhay sa Paraiso.” Pagkatapos ay talakayin ang mga punto sa parapo 10, at basahin ang binanggit na kasulatan, Isaias 55:10, 11. Alukin na maipagpatuloy ang pagtalakay hinggil sa magiging buhay sa isinauling Paraiso at saklawing magkasama ang mga parapo 11-16. O pasiglahin ang tao na basahin ito sa ganang sarili, at isaayos na magtagpo muli upang talakayin ito.
6 Kung ang isang pag-aaral ay hindi naitatag sa pasimula, maaari ninyong subukin na gawin ito sa pagdalaw-muli sa pagsasabing:
◼ “Gaya ng huli nating pinag-usapan, layunin ng Diyos na ang buong lupa ay gawing isang paraiso. Ito’y nagbabangon ng tanong na, Ano ang magiging kalagayan sa Paraiso? ” Buksan ang aklat na Kaalaman sa kabanata 1, at pag-aralan ang mga parapo 11-16, sa ilalim ng subtitulong “Ang Buhay sa Isinauling Paraiso.” Pagkatapos ay ipakita ang ilustrasyon sa mga pahina 4-5, at tanungin ang tao kung nais niyang mabuhay sa gayong magandang kapaligiran. Pagkatapos ay basahin ang unang pangungusap ng parapo 17 sa pahina 10. Depende sa mga kalagayan, maaaring ipagpatuloy ang pag-aaral o kaya’y sabihin na sa susunod ninyong pagdalaw ay ipaliliwanag ninyo kung ano ang kahilingan upang ang isa ay mabuhay sa isinauling Paraiso. Mag-iwan ng handbill, ipaliwanag ang iskedyul ng pulong, at taos-pusong anyayahan ang tao na dumalo sa Kingdom Hall.
7 Ang aklat na Kaalaman ay isang napakahusay na kasangkapang magagamit upang isiwalat sa iba “ang buhay na walang hanggan” na ipinangako ng Diyos. Ang pagdaraos ninyo ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa mga tao ay makapagkikintal sa kanila ng dakilang pag-asang ito na kinasihan ng Diyos “na hindi makapagsisinungaling.”