Bahagi 2—Makinabang Mula sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro sa 1996
1 Di natagalan matapos magpasimula ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro noong 1943, ang isa sa mga sangay ng Samahan ay nag-ulat: “Ang napakainam na kaayusang ito ay nagtagumpay sa maikling panahon sa pagtulong sa maraming kapatid na sa palagay nila’y hindi sila kailanman magiging tagapagpahayag sa madla upang maging napakahusay sa plataporma at higit na mabisa sa larangan.” Ang paaralan ay patuloy na naglalaan ng napakainam na pagsasanay, na kailangan nating lahat.
2 Pagbabasa ng Bibliya: Hindi lamang yaong mga nabibigyan ng bahagi sa pagpapahayag ang nakikinabang mula sa paaralan. Sa katunayan, tayong lahat ay may atas—ang lingguhang pagbabasa ng Bibliya. Maraming Kasulatan ang nagpapaalaala sa atin na basahin ang Bibliya araw-araw. (Jos. 1:8; Awit 1:2; Gawa 17:11) Ang pagbabasa ng Bibliya ay mahalaga sa mabuting espirituwal na kalusugan; ito’y nagpapalusog sa kasipan at puso. Kung ating binabasa ang Bibliya kahit na limang minuto sa isang araw, makakaalinsabay tayo sa iskedyul ng paaralan sa pagbabasa ng Bibliya. Sa katapusan ng taon, mababasa natin ang mahigit sa 150 kabanata ng Salita ng Diyos.
3 Pahayag na Nagtuturo: Ang tagapagsalita na nagbibigay ng pahayag na nagtuturo ay kailangang gumamit ng mabuting paraan ng pagtuturo upang mapalaki ang pagpapahalaga kay Jehova, sa kaniyang Salita, at sa kaniyang organisasyon. Ang mga matatanda at ministeryal na lingkod ay dapat maghandang mabuti, idiin ang tema, at gawing buháy ang materyal. (Heb. 4:12) Mahalagang manatili ang tagapagsalita sa itinalagang oras. Ang aklat na “Lahat ng Kasulatan” ay naghaharap ng iba’t ibang kapana-panabik na maka-Kasulatang materyal na magbibigay sa atin ng espirituwal na kapakinabangan. Ang aklat na Tagapaghayag ay naglalaman ng makabagong panahong kasaysayan ng nakikitang organisasyon ni Jehova at naglalahad ng mga pangyayari sa buhay ng tunay na mga tao na nagpamalas ng kanilang pananampalataya, sigasig, debosyon, at pag-ibig.
4 Tampok na Bahagi ng Bibliya: Ang mga kapatid na lalaki na nabibigyan ng atas na ito ay dapat na pumili ng espesipikong mga talata na maikakapit sa praktikal na paraan. Ito’y humihiling ng pagbabasa sa mga iniatas na kabanata at pagsasagawa ng pagsasaliksik upang hanapin ang kahulugan ng ilang mga talata. Sa likuran ng Watch Tower Publications Index, naroon ang “Scripture Index,” na makatutulong sa paghanap ng impormasyon hinggil sa espesipikong mga talata ng Bibliya. Ang mga kapatid na lalaki na gumaganap ng bahaging ito ay dapat na gumamit ng unawa at iwasan ang pagdaragdag ng walang kaugnayang materyal. Hindi sila kailangang maghanda ng sobrang materyal na hindi makukubrehan sa anim na minuto.
5 Tayong lahat ay maaaring makinabang mula sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Ang pagkuha ng lubos na pakinabang sa paglalaang ito ay tiyak na tutulong sa atin na gumawa ‘upang ang ating pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.’—1 Tim. 4:15.