Pag-aalok ng Aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
1 Tayo ay nalugod nang ang bagong aklat na, Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, ay inilabas! Ito’y dinisenyo upang tulungan ang mga tao na sumapit agad sa tumpak na kaalaman ng katotohanan. Sa Marso ay tatamasahin natin ang unang pagkakataon na ialok ang aklat na ito sa ating teritoryo. Ano ang maaari nating sabihin upang magpasigla ng interes?
2 Maaari kayong gumamit ng presentasyon na magtatampok sa Bibliya bilang isa na pinagmumulan ng praktikal na patnubay, sa pagsasabing:
◼ “Aming ipinakikipag-usap sa ating mga kalapit-bahay kung saan masusumpungan ang pinagmumulan ng praktikal na patnubay upang makayanang harapin ang mga suliranin sa buhay. Sa palagay ba ninyo’y isang praktikal na giya ang Bibliya sa ngayon? [Hayaang sumagot, at pagkatapos ay basahin ang 2 Timoteo 3:16, 17.] Ang mga simulain sa Bibliya ay kapit ngayon gaya rin noong panahon na kinasihan ng Diyos ang pagsulat nito.” Bumaling sa pahina 16 sa aklat na Kaalaman, at gumawa ng maikling komento hinggil sa praktikal na patnubay na masusumpungan sa Sermon ni Jesus sa Bundok. Basahin ang pagsiping makikita sa parapo 11 o yaong nasa parapo 13, at pagkatapos ay ialok ang aklat at isaayos na bumalik upang sagutin ang katanungang, Papaano tayo personal na makikinabang mula sa kaalamang nasa Bibliya?
3 Kung makasumpong kayo ng isang magulang, maaari ninyong talakayin ang hinggil sa pamilya:
◼ “Karamihan sa mga magulang ay sumasang-ayon na napakaraming suliranin sa pagsisikap na panatilihin ang isang maligayang buhay pampamilya. Ano sa palagay ninyo ang pinakamalaking hadlang? [Hayaang sumagot.] Ang Bibliya ay nagbibigay ng napakainam na payo na makatutulong sa atin. [Basahin ang mga bahagi ng Colosas 3:12, 18-21.] Isang mainam na payo ang ibinigay sa kabanata 15 ng aklat na ito, na pinamagatang ‘Pagtatayo ng Isang Pamilyang Nagpaparangal sa Diyos.’ Ito’y nagpapakita kung papaano malulunasan ang igtingan sa pagitan ng mag-asawa at makakayanan ang mga suliranin na napapaharap sa ating mga anak. Tinitiyak kong masisiyahan kayo sa pagbabasa nito.”
4 Nais ba ninyong subukan ang isang tuwirang paglapit upang pasimulan ang isang pag-aaral? Narito ang isa na maaaring makatulong sa inyo:
◼ “Kami ay nag-aalok ng isang libreng kurso ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Nagkaroon na ba kayo ng kurso sa Bibliya noong una? [Hayaang sumagot.] Hayaang ipakita ko sa inyo ang pantulong sa pag-aaral na ginagamit namin.” Ipakita ang aklat na Kaalaman, at bumaling sa pahina 3 upang makita ng maybahay ang talaan ng mga nilalaman, at magtanong, “Hindi ba kayo nag-iisip kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa mga paksang ito?” Bumaling sa kabanata na maaaring pumukaw sa interes ng maybahay, at basahin ang mga subtitulo. Ipaliwanag na nais ninyong itanghal sa maikli kung papaano natin isinasaalang-alang ang impormasyong ito sa ating kurso ng pag-aaral. Mapasimulan man o hindi ang isang pag-aaral, ialok sa tao ang aklat.
5 Sa ngayon ang lubhang karamihan ng mga tao ay tumutugon sa tumpak na kaalaman mula sa tunay na Diyos. (Isa. 2:2-4) Pribilehiyo natin na tulungan ang mas marami hangga’t maaari na matuto hinggil kay Jehova at maakay tungo sa buhay.—1 Tim. 2:4.