“Ito ay Nangangahulugan ng Buhay na Walang-Hanggan”
1 Ang mga salita ni Jesus sa Juan 17:3 ay nagsasabing ang pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos at kay Kristo ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan! Subalit sa pamamagitan lamang ba ng pagtataglay ng kaalaman tungkol kay Jehova at kay Jesus ay matatamo na natin ang buhay na walang-hanggan? Hindi. Alam ng mga Israelita na si Jehova ang kanilang Diyos, subalit hindi nabanaag sa landas ng kanilang pamumuhay ang paniniwalang iyon. Bilang resulta, naiwala nila ang kaniyang pagsang-ayon. (Oseas 4:1, 2, 6) Sa ngayon milyun-milyong tao ang maaaring ‘may sigasig sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.’ (Roma 10:2) Kailangan nilang makilala si Jehova, “ang tanging Diyos na totoo,” at paglingkuran siya nang wasto. Dahil dito, sa Nobyembre ay ating iaalok ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Narito ang ilang mungkahi na makatutulong sa inyo.
2 Yamang ang ideya ng walang-hanggang buhay sa lupa ay bago para sa karamihang tao, ang pambungad na ito ay maaaring kumuha ng kanilang interes:
◼ “May itinatanong kami sa aming mga kapitbahay. Kung kayo ay inanyayahang mabuhay magpakailanman sa isang sanlibutang kagaya nito, tatanggapin ba ninyo ang paanyaya? [Ipakita ang larawan sa mga pahina 4-5 sa aklat na Kaalaman. Hayaang sumagot.] Subalit ano sa palagay ninyo ang dapat gawin upang tamasahin ang gayong pag-asa? [Hayaang sumagot.] Pansinin kung ano ang kahilingan sa Juan 17:3. [Basahin.] Ang aklat na ito ay tumutulong sa marami na tamuhin ang ganitong uri ng kaalaman. Nais ba ninyong magkaroon ng personal na kopya upang basahin? [Hayaang sumagot.] Sa susunod kong pagdalaw, ating tatalakayin kung bakit makatuwiran na paniwalaan na matatamo natin ang buhay na walang hanggan sa mismong lupang ito.”
3 Kapag kayo’y bumalik upang dalawin ang inyong nakausap hinggil sa Juan 17:3, maaari kayong magpatuloy sa ganitong paraan:
◼ “Sa nakaraang kong pagdalaw, ating tinalakay ang Juan 17:3, na nagsasabing ang pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos at kay Kristo ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan. Subalit maraming tao ang naniniwala na ang isang mas mabuting buhay ay maaaring tamuhin lamang sa langit. Ano ang palagay ninyo dito? [Hayaang sumagot.] Kung naririyan ang aklat na iniwan ko sa inyo, nais kung ipakita sa inyo ang ilang talata sa Bibliya na nagpapatunay na ang Paraiso ay ibabalik sa lupa. [Talakayin ang mga parapo 11-16 sa mga pahina 9-10 ng aklat na Kaalaman.] Sa susunod kong pagdalaw, nais kong ipakita sa inyo kung bakit kayo makapagtitiwala sa mga pangakong ito sa Bibliya. Samantala, marahil ay maaari ninyong basahin ang kabanata 2 sa inyong kopya ng aklat.”
4 Narito ang isang presentasyon na nanaisin ninyong gamitin sa mga taong relihiyoso:
◼ “Ipinakikipag-usap namin sa aming mga kapitbahay kung bakit napakaraming relihiyon sa daigdig. Mahigit sa 10,000 ang denominasyon ng relihiyon sa buong daigdig. Gayunpaman, iisa lamang ang Bibliya. Ano sa palagay ninyo ang dahilan kung bakit umiiral ang kalituhan sa mga relihiyon? [Hayaang sumagot. Buksan ang aklat na Kaalaman sa kabanata 5, at basahin ang parapo 1.] Tatanggapin ninyo ang kasiyasiyang mga kasagutan sa mga tanong na ito sa pagbabasa ng kabanatang ito. Nalulugod akong iwan sa inyo ang aklat na ito sa maliit na kontribusyon.” Kung ito’y tinanggap, isaayos na bumalik, at sabihin: “Sa aking pagbabalik, marahil ay mapag-uusapan natin kung ang lahat ba ng relihiyon ay iba’t ibang daan lamang patungo sa iisang lugar.”
5 Sa inyong pagbabalik upang ipagpatuloy ang pagtalakay kung bakit napakaraming relihiyon, maaari ninyong sabihin ito:
◼ “Nang huli ko kayong makausap, ibinangon ko ang katanungan kung ang lahat bang relihiyon ay iba’t ibang daan lamang patungo sa iisang lugar. Ano ang palagay ninyo dito? [Hayaang sumagot.] Nais kong ipakita sa inyo sa aklat na iniwan ko sa inyo kung ano ang sinabi ni Jesus sa bagay na ito. [Bumaling sa kabanata 5 sa aklat na Kaalaman, at basahin ang mga parapo 6-7, lakip na ang Mateo 7:21-23.] Marahil ay nag-iisip kayo kung bakit napakahalaga na malaman kung ano talaga ang kalooban ng Diyos. Pakisuyong basahin ang nalalabi ng kabanatang ito. Sa susunod kong pagdalaw, malulugod akong ipakita sa inyo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tumpak na kaalaman sa Bibliya.”
6 Ang tuwirang paglapit ay kadalasang matagumpay sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Narito ang isang mungkahing pambungad na lumilitaw sa pahina 14 (p. 12 sa Ingles) ng aklat na “Nangangatuwiran”:
◼ “Ako’y dumadalaw upang alukin kayo ng libreng kurso sa pag-aaral ng Bibliya. Kung puwede, nais kong gumugol ng ilang minuto lamang upang ipakita kung paanong ang mga tao sa mga 200 lupain ay nag-uusap ng Bibliya sa tahanan bilang mga grupo ng pamilya. Maaari nating gamitin ang alinman sa mga paksang ito bilang saligan ng pagtalakay. [Ipakita ang talaan ng mga nilalaman sa aklat na Kaalaman.] Alin dito ang gusto ninyo?” Bumaling sa piniling kabanata, at pasimulan ang pag-aaral sa unang parapo.
7 Narito ang isa pang matagumpay na tuwirang paglapit na maaari ninyong subukan para magpasimula ng mga pag-aaral:
◼ “Ako’y nagbibigay ng mga leksiyon sa Bibliya nang walang bayad at may bakante pa sa aking iskedyul para sa karagdagang estudyante. Ang pantulong na ito sa pag-aaral ng Bibliya ang aming ginagamit. [Ipakita ang aklat na Kaalaman.] Ang kurso ay tumatagal ng ilang buwan lamang at naglalaan ng mga kasagutan sa mga katanungan gaya ng: Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa? Bakit tayo tumatanda at namamatay? Ano ang nangyayari sa ating namatay na minamahal? At paano tayo mapapalapit sa Diyos? Maaari ko bang itanghal sa inyo ang pag-aaral?” Kung tinanggihan ang alok na pag-aaral, itanong kung nais ng tao na siya na lamang ang bumasa ng aklat na Kaalaman. Kung gayon, ialok ito sa kaniya.
8 Kay laking kayamanan ang tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Kristo para sa bawat nagtataglay nito! Gamitin natin ang bawat pagkakataon sa Nobyembre para ibahagi sa iba ang kaalaman na umaakay sa buhay na walang-hanggan.