Kailanma’y Hindi Natin Natamo ang Gaya Nito sa Espirituwal!
1 Inaasam-asam ng karamihang tao ang araw na kanilang masasabing, “Kailanma’y hindi natin natamo ang gaya nito!” Ibig nilang sabihin na hindi nila inasahan na magkaroon ng kasaganaan sa materyal na mga bagay, anupat maaari na silang ‘magpahingalay, kumain, uminom, at magpakasaya.’ (Luc. 12:19) Bilang kabaligtaran nito, ngayo’y masasabi natin na sa espirituwal na diwa, walang anumang nagkukulang sa atin. (Awit 34:10) Paano ito nagiging posible?
2 Ang Kawikaan 10:22 ay nagsasabi na “ang pagpapala ni Jehova—iyan ang nagpapayaman.” Maaari nating sabihin na ang Diyos ang “naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay nang sagana para sa ating kasiyahan.” (1 Tim. 6:17) Tayo’y ginagawa nito na pinakamayamang tao sa lupa!
3 Pagbilang sa Ating mga Pagpapala: Kahit na kakaunti ang taglay sa materyal, hindi tayo labis na nababalisa hinggil sa ating pang-araw-araw na mga pangangailangan. Nalalaman ni Jehova kung ano ang ating kailangan, at siya’y nangangako na ilalaan ang mga ito. (Mat. 6:31-33) Ito’y nagbibigay sa atin ng kapayapaan ng isipan na di mabibili ng salapi.
4 Gayunpaman, ang ating espirituwal na mga pagpapala ay nakahihigit pa. Ang ating buhay ay depende sa espirituwal na pagkain mula kay Jehova. (Mat. 4:4) Yaong mga tumitingin sa makasanlibutang pinagmumulan ng espirituwal na pagkain ay nagugutom samantalang lubos tayong saganang napaglalaanan ng ‘tapat at maingat na alipin.’—Isa. 65:13; Mat. 24:45.
5 Ang ating pandaigdig na pagkakapatiran ay naglalaan sa atin ng pakikisalamuha sa maibiging mga kapatid sa bawat bahagi ng lupa. (Juan 13:35) Ang lokal na kongregasyon ay isang dako kung saan natin masusumpungan ang kaaliwan at kaginhawahan. Ang matatanda ay laging nagbabantay sa ating mga kaluluwa, na tumutulong sa atin na makayanan ang maraming iba’t ibang uri ng suliranin. (Heb. 13:17) Ang pagiging malapit natin sa ating mga kapatid ay nagpapatibay at nagpapalakas sa atin upang makapagtiyaga.—Roma 1:11, 12.
6 Maging ang ating gawain ay isang pagpapala. Ang pagdadala ng mabuting balita ay nagdudulot ng kagalakan sa iba at kaligayahan sa ating sarili. (Gawa 20:35) Tayo ay tunay na nakakakita ng mabuti sa lahat ng ating pagpapagal.—Ecles. 2:24.
7 Higit sa lahat, taglay natin ang kamangha-manghang pag-asa sa hinaharap. (Roma 12:12) Tumitingin tayo tungo sa isang sakdal na bagong sanlibutan ng katuwiran, kung saan tayo ay mabubuhay kasama ng ating mga minamahal sa kaligayahan at kapayapaan magpakailanman!
8 Paano Natin Maipakikita ang Ating Pagpapahalaga? Hindi natin kailanman mababayaran si Jehova sa mga ginawa niya para sa atin. Maaari lamang nating ipahayag ang ating pagpapahalaga sa pamamagitan ng (1) pagpapasalamat sa kaniya sa araw-araw dahilan sa kaniyang di na sana nararapat na kabaitan (Efe. 5:20), (2) pagtatanghal ng ating pag-ibig sa pamamagitan ng pagiging masunurin (1 Juan 5:3), (3) pagpapabanal sa kaniyang pangalan sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita (Awit 83:18), at (4) pagtangkilik sa Kristiyanong kongregasyon sa pamamagitan ng ating buong-pusong pagtutulungan.—1 Tim. 3:15.
9 Taglay natin ang lahat ng dahilan upang maging ang pinakamaligayang tao sa lupa. (Awit 144:15b) Ang atin nawang saloobin, paggawi, at paglilingkod ay magpakita sa nadarama nating kaligayahan sa ating espirituwal na paraiso—na kailanma’y hindi natin natamo ang gaya nito!