Ano ang Inyong mga Plano sa Panahon ng Bakasyon?
Kapag iniisip natin ang panahon ng bakasyon, naiisip natin ang mainit na panahon at mga plano para sa pagpapahingalay o isang kawili-wiling pagbisita sa mga kamag-anak at mga kaibigan. Kapag kayo’y gumagawa ng mga plano, narito ang ilang paalaala na makatutulong sa inyo na maingatan sa unang dako ang mga kapakanan ng Kaharian:
◼ Kung kayo’y malalayo dahilan sa bakasyon, isaplano na dumalo sa mga pulong ng lokal na kongregasyon at makibahagi sa ministeryo. Tiyakin na ipadala ang mga ulat ng inyong paglilingkod; kung kinakailangan, ipadala sa koreo ang mga iyon sa kalihim ng inyong kongregasyon.
◼ Ang pagdalaw sa mga kamag-anak na wala sa katotohanan ay magbibigay sa inyo ng pagkakataon na gumawa ng impormal na pagpapatotoo. Tiyaking dalhin ang inyong Bibliya at literatura.
◼ Naisip na ba ninyo ang pagtulong sa kalapit na kongregasyon na nangangailangan ng tulong sa pagkubre sa teritoryo nito? Makipag-usap sa matatanda o sa tagapangasiwa ng sirkito upang kumuha ng impormasyon hinggil sa mga pangangailangan sa inyong lugar.
◼ Ang bakasyon sa paaralan ay nagbibigay ng mainam na pagkakataon sa mga kabataan na mapalawak ang kanilang gawain sa paglilingkod. Mga kabataan, maaari ba kayong magpatala bilang mga auxiliary pioneer?
◼ Taglay ang kanais-nais na panahon at mas mahabang oras ng liwanag, maaaring matamo ninyo ang mabubuting resulta sa paggawa nang mas maraming pagpapatotoo sa gabi kapag ang mga tao ay nasa tahanan.
◼ Dapat na maging alisto ang matatanda na mapanatiling organisadong mabuti ang mga gawain ng kongregasyon, na isinasaayos na may gumanap ng mga pananagutang nakaatas doon sa mga magsisialis.
Tandaan na “ang mga plano ng masisipag ay tiyak na sa kapakinabangan.” (Kaw. 21:5) Magplano upang magamit nang may katalinuhan ang inyong panahon ng bakasyon.