Ginagamit Mo Ba Nang Wasto ang Salita ng Diyos?
1 Si Jesu-Kristo ang pinakadakilang guro na nabuhay kailanman sa lupa. Nasaling niya ang puso ng mga tao, naantig ang kanilang mga damdamin, at napakilos sila sa mabubuting gawa. (Mat. 7:28, 29) Gumamit siyang palagi ng Salita ng Diyos bilang saligan ng kaniyang mga turo. (Luc. 24:44, 45) Si Jesus ay naglaan ng napakainam na halimbawa para sa kaniyang mga tagasunod sa pamamagitan ng paggamit nang wasto ng Salita ng Diyos.—2 Tim. 2:15.
2 Si apostol Pablo ay isa ring namumukod-tanging halimbawa ng mabisang paggamit ng Salita ng Diyos. Gumawa siya nang higit pa sa pagbabasa lamang ng mga Kasulatan sa iba; siya ay nagpaliwanag at nangatuwiran sa kaniyang nabasa, at nagharap ng patotoo mula sa Salita ng Diyos na si Jesus ang Kristo. (Gawa 17:2-4) Gayundin, ang disipulong si Apolos ay “bihasa sa Kasulatan,” at kaniyang ginamit ang mga ito nang wasto kapag inihaharap ang katotohanan.—Gawa 18:24, 28.
3 Maging Guro ng Salita ng Diyos: Ang makabagong-panahong mga tagapaghayag ng Kaharian ay nagtamasa ng mabuting tagumpay sa pagtuturo sa mga tao sa pamamagitan ng pagbaling at pangangatuwiran sa Bibliya. Sa isang pangyayari, isang kapatid ang gumamit ng Ezekiel 18:4 at kaugnay na mga teksto upang makipagkatuwiranan sa isang pastor at sa tatlong miyembro ng kaniyang parokya hinggil sa hantungan ng balakyot at ng matuwid. Bilang resulta, ang ilang miyembro ng kaniyang simbahan ay nagpasimulang mag-aral, at isa sa kanila sa dakong huli ang tumanggap sa katotohanan. Sa isa pang pangyayari, hinilingan ang isang kapatid na babae na magpaliwanag sa salansang na asawa ng isang taong interesado kung bakit hindi ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang Pasko at mga kapanganakan. Habang binabasa niya ang maka-Kasulatang sagot nang tuwiran mula sa aklat na Nangangatuwiran, ipinahayag ng lalaki ang kaniyang pagsang-ayon. Ang kaniyang asawang babae ay lubhang namangha anupat sinabi niya: “Kami ay dadalo sa inyong mga pulong.” At sinang-ayunan ito ng asawang-lalaki!
4 Gamitin ang Tulong na Inilalaan: Ang Ating Ministeryo sa Kaharian at ang programa ng Pulong sa Paglilingkod ay tumutulong sa atin sa wastong paggamit ng Salita ng Diyos. Maraming mamamahayag ang nagpahayag ng pagpapahalaga sa sari-saring presentasyon na inilathala at itinanghal para sa ating kapakinabangan. Ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan ay naglalaman ng maraming mungkahi kung paano wastong ipaliliwanag ang mahigit sa 70 pangunahing paksa mula sa Salita ng Diyos. Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan ay naglalaan ng isang kumpletong sumaryo ng lahat ng pangunahing mga turo ng Bibliya na kailangang maunawaan ng mga baguhan. Ang araling 24 at 25 ng Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay nagpapakita sa atin kung paanong ang bihasang mga guro ay wastong magpapakilala, magbabasa at magkakapit ng mga kasulatan. Dapat nating gamiting mabuti ang lahat ng tulong na ito na madali nating makukuha.
5 Kapag ginagamit natin nang wasto ang Salita ng Diyos, masusumpungan natin na “ito ay buháy at may lakas . . . at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso” niyaong mga pinangangaralan natin. (Heb. 4:12) Ang tagumpay na ating tinatamasa ay magpapakilos sa atin na magsalita ng katotohanan nang may higit na katapangan!—Gawa 4:31.