Kuwalipikado at Nasasangkapan Upang Magturo sa Iba
1 Nang atasan si Moises bilang kinatawan ni Jehova, sa palagay niya’y hindi siya kuwalipikadong magpahayag ng salita ng Diyos kay Faraon. (Ex. 4:10; 6:12) Ipinakita ni Jeremias ang kakulangan niya ng pagtitiwala upang maglingkod bilang propeta ni Jehova, sa pagsasabi sa Diyos na hindi niya alam kung paano magsasalita. (Jer. 1:6) Sa kabila ng kakulangan nila ng pagtitiwala sa pasimula, pinatunayan kapuwa ng mga propetang ito na sila’y walang takot na mga saksi ni Jehova. Sila’y ginawang lubusang kuwalipikado ng Diyos.
2 Sa ngayon, salamat kay Jehova, taglay natin ang lahat ng ating kailangan upang maganap ang ating ministeryo nang may pagtitiwala. (2 Cor. 3:4, 5; 2 Tim. 3:17) Kagaya ng isang kuwalipikadong mekaniko na may kumpletong kasangkapan, tayo ay wastong nasasangkapan upang ganaping may kahusayan ang ministeryong iniatas sa atin. Sa Enero ating iaalok ang maliit na edisyon ng aklat na Mabuhay Magpakailanman. Bagaman hindi bago ang aklat na ito, ito’y isang mainam na tulong sa pagtuturo na maaaring makatulong sa mga tao na makaalam ng katotohanan. Ang sumusunod na mga presentasyon ay maaaring gamitin.
3 Ang paksa hinggil sa edukasyon ay maaaring gamitin upang lumikha ng interes sa Salita ng Diyos. Maaari ninyong simulan ang pag-uusap sa pamamagitan ng pagsasabing:
◼ “May malaking pagdiriin ngayon hinggil sa pangangailangan ng mataas na uring edukasyon. Sa palagay ninyo, anong klase ng edukasyon ang dapat itaguyod ng isang tao upang matiyak ang pinakamalaking kaligayahan at tagumpay sa buhay? [Hayaang sumagot.] Walang-hanggang mga kapakinabangan ang maaaring matamo niyaong kumukuha ng kaalaman ng Diyos. [Basahin ang Kawikaan 9:10, 11.] Ang aklat na ito ay salig sa Bibliya. Ipinakikita nito ang tanging bukal ng kaalaman na maaaring umakay sa walang-hanggang buhay.” Basahin ang unang pangungusap sa parapo 19 sa pahina 15 ng aklat na Mabuhay Magpakailanman. Ialok ang aklat at isaayos ang isang pagdalaw-muli.
4 Kapag nagbabalik sa isang maybahay na kinausap ninyo hinggil sa kahalagahan ng edukasyon sa Bibliya, maaari ninyong sabihin:
◼ “Noong huli kong pagdalaw, ating tinalakay na ang Bibliya ay bukal ng edukasyon na maaaring tumiyak ng ating walang-hanggang kinabukasan. Sabihin pa, kailangan ang pagsisikap upang matutuhan ang kailangan nating malaman mula sa Kasulatan. [Basahin ang Kawikaan 2:1-5.] Maraming tao ang nahihirapang maunawaan ang ilang bahagi ng Bibliya. Nais kong itanghal sa inyo sa maikli ang isang paraan na aming ginagamit upang tulungan ang mga tao na matuto hinggil sa panimulang mga aral ng Bibliya.” Itanghal sa maikli ang isang pag-aaral sa Bibliya, na ginagamit ang pambungad na mga parapo ng aklat. Kung nais ng maybahay na magkaroon ng regular na pag-aaral, ipaliwanag na kayo ay babalik upang ipagpatuloy ito sa susunod na linggo. Pagkatapos sa isang angkop na panahon, maaari kayong tumungo sa pag-aaral sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan.
5 Maraming tao ang nagugulumihanan sa pagdurusa ng milyun-milyong bata sa daigdig. Marahil ay matutulungan ninyo ang maybahay na makita kung paano minamalas ng Diyos ang suliraning ito sa pagsasabing:
◼ “Walang pagsalang nakakita na kayo ng mga ulat sa balita hinggil sa mga bata sa palibot ng globo na nagugutom, may sakit, at napabayaan. Bakit hindi nalulunasan ang situwasyong ito ng mga Kinauukulang organisasyon? [Hayaang sumagot.] Pansinin kung ano ang ipinangako ng Diyos kapuwa sa mga bata at mga matanda, gaya ng nakaulat sa Bibliya. [Basahin ang Apocalipsis 21:4.] Ang aklat na ito ay nagbibigay ng higit pang detalye hinggil sa isang sanlibutan na pangyayarihin ng Diyos kung saan mawawala na ang pagdurusa.” Buksan ang isang ilustrasyon na naglalarawan sa Paraiso, marahil sa pahina 12 at 13 o 156-7, at talakayin ito. Ialok ang aklat, at isaayos ang susunod na pagdalaw.
6 Kung sa pasimula ay nagsalita kayo hinggil sa pagdurusa ng mga bata, sa susunod na pagdalaw ay maaari ninyong ipagpatuloy ang pagtalakay sa pagsasabing:
◼ “Nang ako’y naririto kamakailan, ipinahayag ninyo ang pagkabahala hinggil sa suliranin ng mga bata na nagdurusa dahilan sa wasak na tahanan, kagutom, sakit, at karahasan. Nakaaaliw na mabasa sa Bibliya ang tungkol sa isang sanlibutan na ang mga bata ni ang matatanda ay hindi magdurusa sa sakit, kirot, o kamatayan. Ang hula sa aklat ni Isaias ay naglalarawan ng isang dumarating na mas mabuting buhay sa lupa.” Basahin at talakayin ang Isaias 65:20-25. Ialok ang isang pag-aaral sa Bibliya.
7 Yamang ang pananalangin ay karaniwan sa mga taong relihiyoso, maaari ninyong simulan ang pag-uusap sa paksang ito sa pagsasabing:
◼ “Ang karamihan sa atin ay nakaranas na ng mga suliranin sa buhay na nag-udyok sa atin na manalangin sa Diyos ukol sa tulong. Subalit, marami ang nakadarama na ang kanilang mga panalangin ay hindi sinasagot. Lumilitaw pa rin na ang mga pinunong relihiyoso na nananalangin ukol sa kapayapaan ay hindi dinirinig. Sinasabi natin ito dahilan sa patuloy na sinasalot ng digmaan at karahasan ang sangkatauhan. Talaga bang nakikinig ang Diyos sa mga panalangin? Kung oo, bakit napakaraming panalangin ang waring hindi sinasagot? [Hayaang sumagot.] Ang Awit 145:18 ay nagpapaliwanag kung ano ang kailangan upang masagot ang ating mga panalangin. [Basahin ang kasulatan.] Isang bagay, ang mga panalangin sa Diyos ay dapat na taimtim at kaayon ng katotohanang masusumpungan sa kaniyang Salita, ang Bibliya.” Buksan ang aklat na Mabuhay Magpakailanman sa kabanata 27, at ipakita ang sinasabi nito hinggil sa kahalagahan ng panalangin. Ialok ang aklat at isaayos na bumalik upang higit pang talakayin ito.
8 Kapag ipinagpapatuloy ang naunang pagtalakay hinggil sa panalangin, maaari ninyong subukan ang ganitong paglapit:
◼ “Nasiyahan ako sa ating pag-uusap tungkol sa panalangin. Walang pagsalang magiging mabuting giya sa iyo ang sinasabi ni Jesus hinggil sa kung ano ang dapat ipanalangin.” Basahin ang Mateo 6:9, 10, na ipinakikita ang pangunahing bagay na itinampok ni Jesus sa kaniyang modelong panalangin. Ialok na itanghal ang pag-aaral sa kabanata 27 ng aklat.
9 May kaugnayan sa paghahatid ng kaalaman ng Diyos sa iba, maaari nating itanong, “Sino ang lubusang kuwalipikado para sa mga bagay na ito?” Ang Kasulatan ay sumasagot: “Tayo.”—2 Cor. 2:16, 17.