Magagawa Ba Natin Uli Iyon?—Panibagong Panawagan Para sa mga Auxiliary Pioneer
1 Magagawa ba natin uli ang ano? Tayo ba’y makapag-o-auxiliary pioneer sa panahon ng Memoryal? Natawagan ang ating pansin ng insert ng Pebrero 1997 ng Ating Ministeryo sa Kaharian sa uluhang may malalaking titik na: “Kailangan—20,000 Auxiliary Pioneer.” Nagtiwala kami noon na taimtim ninyong isasaalang-alang ang panawagang iyon. Matapos tipunin ang ulat ng paglilingkod noong Abril 1997, kay laking tuwa natin nang malamang 22,410 ang nagpatala sa paglilingkod bilang auxiliary pioneer! Kung idaragdag natin sa bilang na iyon ang 14,869 na regular pioneer at ang 456 na special pioneer na nag-ulat sa buwang iyon, masusumpungan natin na 30 porsiyento ng lahat ng mamamahayag ang nasa paglilingkurang payunir noon. Gagawin ba natin uli iyon sa panahong ito ng Memoryal?
2 Taos-puso naming pinapupurihan ang lahat ng gumawa ng ekstrang pagsisikap upang mapasulong ang kanilang paglilingkod sa larangan noong nakaraang taon. Maliwanag, kayong lahat ay naudyukan ng pag-ibig na walang bahid ng kasakiman para sa Diyos na Jehova at sa inyong kapuwa. (Luc. 10:27; 2 Ped. 1:5-8) Ang mga mamamahayag na iba’t iba ang kalagayan sa buhay ay nagsaayos nito upang makapag-auxiliary pioneer. Sa isang kongregasyon, 51 mamamahayag ang magkakasamang nagpayunir sa iisang buwan, kasama ng karamihan sa matatanda, ng isang ina na may anak na babae na 15 buwan ang edad, ng isang kapatid na babae na nagbitiw sa kaniyang pinapasukan at nakasumpong ng bahaging panahong trabaho anupat nakapagpayunir, at ng isang matandang kapatid na babae na hindi pa kailanman nakapagpapayunir. Ang tagapangasiwa ng sirkito ay sumulat: “Napakalaking pagsisikap sa gawaing pangangaral ang isinasagawa ngayon . . . Hindi lamang ito nagkakaroon ng malaking epekto sa teritoryo kundi maging ang mga kongregasyon man ay napasisigla rin. Natutuwa ang mga kapatid na higit na makilala ang isa’t isa at makita rin ang maiinam na resulta sa ministeryo.”
3 Ang mga kabataan ay hindi naman nakaligtaan sa nagdaang taon. Isang 13-anyos na di-bautisadong mamamahayag ang umaasang masasagisagan ang kaniyang pag-aalay kay Jehova. Pagkatapos mabautismuhan noong Pebrero, siya’y sumulat hinggil sa pagnanais niyang maging auxiliary pioneer sa Marso: “Dahilan sa wala nang makahahadlang sa akin ngayon, karaka-raka kong isinumite ang aking aplikasyon. . . . Ang maraming kamangha-manghang karanasan ay hindi sana namin tatamasahin kailanman kung hindi dahilan sa inyong maibiging paanyaya na magpayunir. Ako’y nagpapasalamat kay Jehova sa pagkakaroon ng pribilehiyong ito na mapabilang sa mga . . . tumugon.” Itinakda niyang gawin uli iyon.
4 Marahil kayo’y kabilang sa 22,410 na nakibahagi sa pagiging auxiliary pioneer noong nakaraang Abril, o sa 13,690 noong Marso, o sa 14,332 noong Mayo. Gagawin ba ninyo uli iyon sa taóng ito? Kung hindi kayo nakapagpayunir noong nakaraang taon, magagawa ba ninyo iyon sa taóng ito? Malalampasan ba natin ang 22,410 ngayong Abril? Iyon ang pinakamalaking bilang ng mga auxiliary pioneer sa alinmang buwan sa sangay ng Pilipinas.
5 Pagtuunan ng Pantanging Pansin ang Abril at Mayo: Sa taóng ito, ang Memoryal ay papatak sa Sabado, Abril 11, anupat ang Abril ay isang napakabuting buwan para sa higit pang gawain sa ministeryo. (2 Cor. 5:14, 15) Sa unang 11 araw ng buwan, bibigyan natin ng pansin ang pag-aanyaya sa pinakamaraming taong interesado hangga’t maaari na dumalo sa Memoryal. Kung nagpaplano kayong mag-auxiliary pioneer, pakisuyong isumite ang inyong aplikasyon nang mas maaga kaysa sa petsa na nais ninyong magpasimula.—1 Cor. 14:40.
6 Yamang ang Mayo ay may limang buong dulong sanlinggo, masusumpungan ng mga mamamahayag na may sekular na trabaho na mas madaling mag-auxiliary pioneer sa buwang ito. Sa pamamagitan ng pag-iiskedyul ng sampung oras sa paglilingkod sa larangan sa bawat isa sa limang dulong sanlinggo, kakailanganin na lamang ninyo na mag-iskedyul ng sampung karagdagang oras sa loob ng buwang iyon upang maabot ang 60 oras na kahilingan.
7 Sa Abril at Mayo, tayo’y maghaharap ng suskrisyon at ng mga indibiduwal na kopya ng Ang Bantayan at Gumising! bilang alok na literatura. Ito’y dapat na magpasigla sa mas marami pa sa atin na sikaping magpayunir. Bakit natin masasabi ito? Madaling iharap ang mga magasin at ito’y kasiya-siyang gamitin sa ministeryo. Magagamit ang mga ito sa lahat ng bahagi ng paglilingkod—bahay-bahay at gawain sa mga tindahan, at gayundin kapag tayo’y lumalapit sa mga tao sa lansangan, sa mga paradahan, at sa mga parke. Higit sa lahat, Ang Bantayan at Gumising! ay nagtataguyod sa katotohanan ng Kaharian. Inaakay ng mga ito ang pansin sa katuparan ng hula ng Bibliya, na pinatutunayang namamahala na ang Kaharian ng Diyos. Naapektuhan din ng mga ito ang buhay ng mga mambabasa sa pamamagitan ng pagtalakay sa tunay na mga pangangailangan ng tao. Kapag iniisip natin kung paano naapektuhan ng mga mahalagang babasahing ito ang ating buhay, tayo ay mauudyukang ibahagi ito sa kanila sa pinakamalawak na paraan sa Abril at Mayo.
8 Bilang paghahanda sa pinatinding gawaing ito sa magasin, kayo’y makikinabang sa pagrerepaso sa mga artikulong ito: “Ang Bantayan at Gumising!—Napapanahong mga Magasin ng Katotohanan” (Enero 1, 1994, Bantayan), “Paggamit ng Ating mga Magasin sa Pinakamabuting Paraan” (Enero 1996 ng Ating Ministeryo sa Kaharian), at “Ihanda ang Inyong Sariling Presentasyon ng Magasin” (Oktubre 1996 ng Ating Ministeryo sa Kaharian).
9 Ang Matatanda ay Nangunguna: Upang matulungan ang maraming mamamahayag na nagpapayunir noong nakaraang taon, itinalaga ng matatanda sa isang kongregasyon ang isang Sabado ng buwan bilang isang pantanging araw ng paglilingkod ng buong kongregasyon. Ginawa ang mga kaayusan upang magtagpo nang ilang ulit sa iba’t ibang oras sa maghapon, upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat sa kongregasyon na makabahagi sa iba’t ibang paraan ng pagpapatotoo. Ang mga ito’y sumasaklaw sa paggawa sa mga lugar ng negosyo, pagpapatotoo sa lansangan, pagdalaw sa bahay-bahay, paggawa ng mga pagdalaw-muli, pagliham, at pagpapatotoo sa pamamagitan ng telepono. Ang pagtugon ay pambihira, anupat 117 mamamahayag ang nakibahagi sa paglilingkod sa maghapon. Gumugol sila ng kabuuang 521 oras sa ministeryo at nakapagsakamay ng 617 magasin, mga brosyur, at mga aklat! Ang kasiglahan nang Sabadong iyon ay nagpatuloy pa rin hanggang Linggo, at nagbunga ng halos di-mapantayang bilang ng dumalo sa Pahayag Pangmadla at Pag-aaral sa Bantayan.
10 Sa bawat Pulong sa Paglilingkod sa Abril at Mayo, dapat ipaalaala sa kongregasyon kung kailan at kung saan idaraos ang mga pagtitipon bago maglingkod sa larangan sa susunod na linggo, lalo na kung may isinagawang mga karagdagang kaayusan bukod pa roon sa karaniwang naka-iskedyul. Ang mga regular pioneer at gayundin ang mga mamamahayag na hindi mga auxiliary pioneer ay pinasisiglang sumuporta sa mga panggrupong kaayusang ito habang ipinahihintulot ng kanilang mga kalagayan.
11 Kailangang makipagkita ang tagapangasiwa sa paglilingkod sa kapatid na nag-aatas ng mga teritoryo para maisaayos ang paggawa sa mga hindi malimit makubrehan. Maaaring bigyan ng higit na pansin ang mga wala-sa-bahay at ang pagpapatotoo sa mga lansangan at sa mga tindahan. Maaaring bigyan ng pagdiriin ang pagpapatotoo sa gabi. Dapat pumidido ng sapat na suplay ng magasin para sa Abril at Mayo bilang paghahanda sa higit pang gawain.
12 Maaaring Maging Kuwalipikado ang Maraming Mamamahayag: Ang unang pangungusap sa aplikasyon ng auxiliary pioneer ay nagsasabi: “Dahilan sa aking pag-ibig kay Jehova at sa aking pagnanais na matulungan ang iba na makaalam ng tungkol sa kaniya at sa kaniyang maibiging mga layunin, nais kong pasulungin ang aking bahagi sa paglilingkod sa larangan sa pamamagitan ng pagpapatala bilang isang auxiliary pioneer.” Ang pag-ibig kay Jehova at ang pagnanais na makatulong sa iba sa espirituwal na paraan ang saligan ng ating pag-aalay. (1 Tim. 4:8, 10) Upang maging kuwalipikado sa pag-o-auxiliary pioneer, kailangang ang isa ay bautisado, may mabuting pag-uugali, at nasa kalagayang gumugol ng 60 oras sa ministeryo sa buong buwan. Habang isinasaalang-alang nating lahat ang ating mga kalagayan, maaari bang ang ilan sa atin na hindi pa kailanman nakapagpapayunir ay gumawa ng gayon sa Abril o Mayo ng taóng ito?
13 Maaaring matuklasan ng marami sa kongregasyon na sila man ay maaaring magpayunir kapag nakikita nila na ang iba na may kalagayang tulad nila ay nagpapatala. Ang mga eskuwela, mga may edad na, may sekular na trabaho nang buong panahon, lakip na ang matatanda at mga ministeryal na lingkod, at iba pa ay matagumpay na nakapag-auxiliary pioneer. Isang maybahay at ina ng dalawang bata na may buong-panahong trabaho ang nakaabot sa 60 oras, nakapagpasakamay ng 108 magasin, at nakapagsimula ng 3 pag-aaral sa Bibliya sa loob ng isang buwang pag-o-auxiliary pioneer. Paano niya nagawa ito? Ginamit niya ang oras ng kaniyang pananghalian sa trabaho upang magpatotoo sa kalapit na teritoryo, siya’y nagpatotoo sa pamamagitan ng mga liham, at siya’y nagpatotoo sa mga paradahan at sa lansangan. Ginamit din niyang mabuti ang kaniyang libreng araw sa pagtatrabaho bawat linggo sa pakikibahagi kasama ng kongregasyon sa paglilingkod sa larangan. Bagaman sa pasimula’y inisip niyang ang pag-o-auxiliary pioneer ay isang tunguhing mahirap abutin, sa pamamagitan ng pampatibay-loob ng iba at ng isang praktikal na iskedyul, napagtagumpayan niya ang mga hadlang.
14 Binigyang katiyakan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Ang aking pamatok ay may kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” (Mat. 11:30) Ito ang pamagat ng isang nakapagpapatibay na artikulo sa Agosto 15, 1995 ng Bantayan. Isinaysay nito ang hinggil sa isang kapatid na babae na may alta-presyon at may buong-panahong trabaho. Inisip ba niyang hindi talaga para sa kaniya ang pag-o-auxiliary pioneer? Hindi. Sa katunayan, siya’y nakapag-o-auxiliary pioneer bawat buwan. Bakit? Sapagkat nadama niyang ang pagpapayunir ay aktuwal na nakatulong sa kaniya upang manatiling timbang. Ang pagtulong sa mga tao na makaalam ng katotohanan ng Bibliya at makitang binabago nila ang kanilang buhay upang tamuhin ang pagsang-ayon ng Diyos ang siyang nagdulot ng pinakamalaking kagalakan sa kaniyang abalang buhay.—Kaw. 10:22.
15 Ang anumang personal na mga pagsasakripisyo at mga pagbabago na kailangang gawin ng isa upang makapagpayunir ay lubos na ginagantimpalaan dahilan sa mga pagpapalang tinatamasa. Isinulat ng isang kapatid na babae ang kaniyang karanasan sa pag-o-auxiliary pioneer: “Ito’y nakatulong sa akin na huwag maging malasarili at higit na pagtuunan ang pagtulong sa iba. . . . Inirerekomenda ko ito sa mga makagagawa nito.”
16 Nangangailangan Ito ng Isang Mabuting Iskedyul: Sa huling pahina ng insert na ito, inimprenta naming muli ang mga halimbawang iskedyul na lumitaw sa Pebrero 1997 ng Ating Ministeryo sa Kaharian. Marahil ang isa sa mga ito ay angkop sa inyong kalagayan. Habang nirerepaso ninyo ang mga ito, pag-isipan ang normal na rutin ng inyong buwanang gawain. Anong mga proyekto sa tahanan ang maaaring tapusin bago kayo magpayunir o maaaring pansamantalang ipagpaliban at saka na gawin? Maaari bang alisin ang ilang panahong ginugugol ninyo sa pag-aaliw, paglilibang, o iba pang anyo ng dibersiyon? Sa halip na ang tingnan ay ang hinihiling na kabuuang 60 oras, planuhin ang inyong iskedyul sa paraang arawan o lingguhan. Ang kailangan lamang ay 2 oras sa isang araw o 15 oras sa isang linggo upang makapag-auxiliary pioneer. Tingnan ang mga halimbawang iskedyul, at taglay ang lapis, tingnan kung ano ang magagawa ninyo hinggil sa personal na iskedyul na aangkop sa inyo at sa inyong pamilya.
17 Ang mainam na pagtugon at ekstrang suporta na ipinakita ng kongregasyon sa ministeryo noong nakaraang taon ay nagpasigla sa isang regular pioneer na sumulat: “Maraming salamat sa inyong maibiging pagpapasigla na gumawa ng ekstrang pagsisikap na suportahan ang pag-o-auxiliary pioneer. . . . Ang inyong mga iminungkahing iskedyul ay nakatulong sa maraming hindi pa nakapagpapayunir kailanman na makitang kaya nilang gawin iyon. . . . Kay ligaya ko na maging bahagi ng organisasyon ni Jehova at sundin ang maibiging pag-akay ng tapat at maingat na alipin.”
18 Ang Kawikaan 21:5 ay tumitiyak sa atin: “Ang mga plano ng masipag ay tiyak na pakikinabangan.” Ang Kawikaan 16:3 ay nagpapatibay-loob sa atin: “Iukol mo kay Jehova ang iyong mga gawa at ang iyong mga plano ay matatatag.” Oo, kung may pananalanging inilalakip si Jehova sa ating desisyon at matibay na nananalig sa kaniya upang tulungan tayong magtagumpay, maaari tayong maging positibo sa ating mga plano na makapag-auxiliary pioneer. Maaaring pagkatapos makita na ang ating iskedyul ay nagtatagumpay sa loob ng isa o dalawang buwan ng pag-o-auxiliary pioneer, malalagyan natin ng marka ang kahon sa aplikasyon ng auxiliary pioneer na kababasahan ng: “Check here if you wish to serve continuously as auxiliary pioneer until further notice.” Kung gayon ay makaaasa tayo sa hinaharap upang muling makapag-auxiliary pioneer sa Agosto, yamang mayroon itong limang buong dulong sanlinggo. Sa pagtatapos natin sa taon ng paglilingkod sa Agosto, isang sama-samang pagsisikap ang isasagawa upang makabahagi nang lubusan ang lahat sa ministeryo hangga’t maaari.
19 Inihula ni Jesus: “Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, ang isa ring iyon ay gagawa ng mga gawa na aking ginagawa; at siya ay gagawa ng mga gawa na mas dakila kaysa sa mga ito.” (Juan 14:12) Isang nakagagalak na pribilehiyo para sa atin na maglingkod bilang mga kamanggagawa ng Diyos sa panahong nagkakaroon ng malaking katuparan ang hulang ito. Ito na ang panahon upang maipangaral ang mabuting balita sa pinakamatinding paraan higit kailanman, na binibili ang naaangkop na panahon upang isagawa ang gawaing ito. (1 Cor. 3:9; Col. 4:5) Ang madalas na pakikibahagi hangga’t maaari sa paglilingkod bilang auxiliary pioneer ang pinakamabuting paraan upang gawin ang ating bahagi bilang mga tagapaghayag ng Kaharian. Tayo ay buong pananabik na naghihintay na makita kung gaano kalakas ang awit ng papuri mula sa mga auxiliary pioneer sa panahong ito ng Memoryal. (Awit 27:6) Sa paggunita sa nakaraang resulta noong tag-araw, tayo ay nag-iisip, ‘Magagawa ba natin uli iyon?’ May pananalig kaming magagawa natin!
[Kahon sa pahina 3]
Kayo ba’y Makapag-o-Auxiliary Pioneer?
“Anuman ang inyong personal na kalagayan sa buhay, kung kayo’y nabautismuhan na, may mabuting pag-uugali, makapagsasaayos na abutin ang kahilingan na 60 oras isang buwan sa ministeryo sa larangan at naniniwala na makapaglilingkod kayo ng isa o higit pang mga buwan bilang isang auxiliary pioneer, malulugod ang matatanda sa kongregasyon na isaalang-alang ang inyong aplikasyon para sa pribilehiyong ito ng paglilingkod.”—Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo, pahina 114.
[Kahon sa pahina 6]
Mga Iskedyul ng Auxiliary Pioneer
Mga Halimbawa sa Paggawa ng Iskedyul ng 15 Oras na Paglilingkod sa Larangan Bawat Linggo
Mga Umaga—Lunes hanggang Sabado
Ang Linggo ay maaaring ipalit sa anumang araw
Araw Yugto Oras
Lunes Umaga 2 1⁄2
Martes Umaga 2 1⁄2
Miyerkules Umaga 2 1⁄2
Huwebes Umaga 2 1⁄2
Biyernes Umaga 2 1⁄2
Sabado Umaga 2 1⁄2
Kabuuang Oras: 15
Dalawang Buong Araw
Alinmang dalawang araw ng sanlinggo ay maaaring piliin
Araw Yugto Oras
Miyerkules Buong Araw 7 1⁄2
Sabado Buong Araw 7 1⁄2
Kabuuang Oras: 15
Dalawang Gabi at ang Dulong Sanlinggo
Alinmang dalawang gabi sa simpleng araw ay maaaring piliin
Araw Yugto Oras
Lunes Gabi 1 1⁄2
Miyerkules Gabi 1 1⁄2
Sabado Buong Araw 8
Linggo Kalahating Araw 4
Kabuuang Oras: 15
Mga Hapon ng Simpleng Araw at Sabado
Ang Linggo ay maaaring ipalit sa anumang araw
Araw Yugto Oras
Lunes Hapon 2
Martes Hapon 2
Miyerkules Hapon 2
Huwebes Hapon 2
Biyernes Hapon 2
Sabado Buong Araw 5
Kabuuang Oras: 15
Aking Personal na Iskedyul sa Paglilingkod
Magpasiya hinggil sa dami ng oras para sa bawat yugto
Araw Yugto Oras
Lunes
Martes
Miyerkules
Huwebes
Biyernes
Sabado
Linggo
Kabuuang Oras: 15