Pumili ng mga Artikulo Para Pukawin ang Pantanging Interes ng mga Tao
1 Gaya ng mga mámamanà na maingat na isinisipat ang kanilang palaso, maraming mamamahayag at payunir ng kongregasyon ang nagtatamasa ng napakainam na tagumpay sa paggamit ng piniling mga isyu ng Ang Bantayan at Gumising! upang makuha ang pantanging interes ng mga tao sa kanilang teritoryo. Pinag-aaralan nila kung sino ang malamang na magnanais na bumasa ng partikular na mga isyu ng mga magasin. Paano nila ginagawa ito?
2 Una, binabasa nila nang buo ang bawat isyu. Pagkatapos, itinatanong nila sa kanilang sarili, Anong uri ng tao ang maaakit ng bawat artikulo? Pagkatapos ay pinagsisikapang dalawin ang mga indibiduwal na malamang na magiging interesado sa pagbabasa ng isyung iyon ng mga magasin. Kapag inaasahang magugustuhan ng marami sa kanilang teritoryo ang isang partikular na isyu, sila’y pumipidido ng ekstrang suplay.
3 Ang Ating mga Magasin ay Lubos na Pinahahalagahan: Ang isa sa ating suskritor na nagtatrabaho sa isang internasyonal na magasin sa Nigeria na may pinakamaraming mambabasa ay nagkomento hinggil sa Gumising!: “Maligayang bati sa pinakamagaling na magasing pampubliko sa buong daigdig.” Isang napakahilig magbasa ng ating magasin ang nagsabi: “Kamangha-manghang hiyas ng walang-kasinghalagang karunungan! Halos bawat paksang kapana-panabik sa akin ay tinatalakay sa isa sa mga pahina ng [mga babasahing] ito.”
4 Malawak ang paksang tinatalakay ng mga magasin, lakip na ang Bibliya, mga pangyayari sa daigdig, mga nauukol sa pamilya, mga suliranin sa lipunan, kasaysayan, siyensiya, buhay ng hayop at halaman, upang bumanggit lamang ng ilan. Walang pagsalang higit na babasahin ng isang tao ang isang bagay na may kaugnayan sa kaniyang mga pangangailangan, mga kalagayan, o propesyon. Yamang tayo ay nakikipag-usap sa iba’t ibang indibiduwal, na may kani-kaniyang partikular na kagustuhan at mga suliranin, ang pagpili ng mga artikulong makaaakit sa mga taong ating nasusumpungan ay napakabisa.
5 Pansinin kung ano ang nangyari nang ialok ng dalawang Saksi ang Setyembre 8, 1996, isyu ng Gumising! sa isang kolumnista ng pahayagan. Siya’y sumulat: “Bago ako nagkaroon ng pagkakataong magsabing hindi ako interesado, ang isa sa kanila ay nagsabi: ‘May artikulo diyan tungkol sa mga Amerikanong Indian. Alam naming marami kayong isinusulat tungkol sa paksang ito.’ ” Kinuha niya ang magasin at, samantalang nag-aalmusal, binasa ang materyal tungkol sa mga Indian, at pagkatapos ay inamin niya na “ito’y napakahusay” at “napakatapat.”
6 Ano ang Nagugustuhan ng mga Tao sa Inyong Teritoryo? Ano ang inyong nakita sa mga magasin nitong nakaraang mga buwan na maaaring magustuhan ng mga nagtitinda at ng mga taong propesyonal sa inyong teritoryo o ng inyong mga kapitbahay, kamanggagawa, at mga kaklase? Ano ang partikular na pupukaw ng interes sa mga abogado, edukador, mga tagapayo sa pamilya at paaralan, mga tagapayo sa kabataan, mga nagbibigay ng panlipunang paglilingkod, at mga nangangalaga sa kalusugan? Ang pag-iisip hinggil sa mga taong inyong pinangangaralan habang sinusuri ang bawat isyu ay magbibigay sa inyo ng pagkaiinam na paraan upang mapalaganap ang salita ng katotohanan.
7 Kapag nakasumpong ka ng isang tao na nagpakita ng pantanging interes sa isang partikular na artikulo sa Bantayan o Gumising! at tumanggap ng magasin, maaari mong sabihin: “Kapag may isang artikulo sa susunod na labas na sa palagay ko’y magiging interesado ka, magagalak akong dalhan ka ng isang kopya.” Maaaring idagdag ninyo ang taong ito sa inyong ruta ng magasin, anupat malimit na binabalikan siya taglay ang pinakabagong mga magasin. Ganito rin ang ginagawa kapag humihiling na malayang makabalik muli sa mga taong nagpakita ng pantanging interes sa ilang artikulo na lumabas sa ating mga magasin.
8 Magkaroon ng Espirituwal na Tunguhin: Ilang taon na ang nakararaan, isang lalaking mahilig sa propesyon ang nakatanggap ng magasing Gumising! na may paksang pumukaw ng kaniyang interes. Gayunman, binasa rin ng relihiyosong taong ito ang kasamang isyu na Ang Bantayan, na naglalaman ng isang artikulong umantig sa kaniya upang suriin ang kaniyang nakagisnang paniniwala sa Trinidad. Pagkatapos ng anim na buwan siya’y nabautismuhan! Kaya, huwag mag-atubiling makipag-usap tungkol sa maka-Kasulatang bagay sa mga mambabasa ng ating mga magasin. Maaari ninyong iharap ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? at mag-alok na talakayin nang ilang minuto lamang ang isang aralin sa tuwing dadalaw kayo taglay ang mga bagong magasin.
9 Tiyaking mabuti kung sino sa inyong mga dinadalaw-muli at mga pinakikitunguhan sa negosyo ang malamang na magnais na magkaroon ng mga bagong isyu ng Ang Bantayan at Gumising! Pagkatapos ay gumawa ng taimtim na pagsisikap upang puntahan sila. Makipag-ugnayan sa marami sa kanila hangga’t magagawa ninyo taglay ang mahahalagang babasahing ito. At huwag kailanman kalilimutan na habang sinisikap ninyong tulungan ang higit pang tao na bumasa ng ating mga magasin, kayo ay “naghahasik ng inyong tinapay sa ibabaw ng tubig.” Sa takdang panahon, magtatagumpay kayo na makasumpong ng mga magiging kapananampalataya sa hinaharap.—Ecles. 11:1, 6.