Pagtulong ng mga Payunir sa Iba
1 Sinabi ni Jesus: “Ang pag-aani, tunay nga, ay malaki, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Samakatuwid magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” Palibhasa’y kakaunti ang bilang ng mga mang-aani noong unang siglo at malaki ang teritoryong kanilang kukubrehan, maaari sanang magtagubilin sa kanila si Jesus na ipaabot ang mabuting balita sa marami hangga’t maaari sa pamamagitan ng pagsusugo sa kanila nang isahan. Sa halip, kaniyang “isinugo sila nang dala-dalawa.” (Luc. 10:1, 2) Bakit dala-dalawa?
2 Ang mga alagad na yaon ay mga baguhan at walang karanasan. Sa paggawang magkakasama maaari silang matuto at magpatibayan sa isa’t isa. Gaya ng pagkasabi ni Solomon, ang “dalawa ay maigi kaysa isa.” (Ecles. 4:9, 10) Kahit na pagkatapos ibuhos ang banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E., si Pablo, si Bernabe, at ang iba pa ay sumama sa mga kapananampalataya sa ministeryo. (Gawa 15:35) Kay inam na pribilehiyo para sa ilan na masanay nang personal ng gayong may-kakayahang mga lalaki!
3 Isang Mainam na Programa ng Pagsasanay: Kagaya ng katumbas nito noong unang siglo, ang makabagong kongregasyong Kristiyano ay isang organisasyon para sa pangangaral. Ito ay naglalaan din sa atin ng pagsasanay. Bilang mga indibiduwal, dapat na ang maging taos-puso nating hangarin ay maiharap ang mabuting balita nang mabisa hangga’t maaari. Upang ang mas maraming mamamahayag ay maging higit pang mabisa, may tulong na inilaan.
4 Sa Kingdom Ministry School na idinaos kamakailan, ipinatalastas ng Samahan ang isang programa para matulungan ng mga payunir ang iba pa sa ministeryo sa larangan. May pangangailangan ba para dito? Oo, mayroon. Mahigit sa isang milyong mamamahayag ang nabautismuhan sa nakaraang tatlong taon, at marami sa mga ito ang nangangailangan ng tulong upang maging higit na mabisa sa gawaing pangangaral. Sino ang maaaring gamitin upang matugunan ang pangangailangang ito?
5 Ang buong-panahong mga payunir ay makatutulong. Sila’y binibigyan ng organisasyon ni Jehova ng maraming payo at pagsasanay. Ang mga payunir ay tumatanggap ng tagubiling angkop sa kanilang pangangailangan sa dalawang linggong Pioneer Service School. Sila’y nakikinabang din sa mga pulong na kasama ang mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito, at sa patnubay ng matatanda. Bagaman hindi lahat ng payunir ay makaranasan gaya nina Pablo at Bernabe, sila’y tumanggap ng mahahalagang pagsasanay, na may kagalakan nilang ibinabahagi sa iba.
6 Sino ang Makikinabang? Ang pakikibahagi ba sa programang ito ay para lamang sa mga baguhang mamamahayag o sa mga bagong nabautismuhan? Tunay na hindi! May mga kabataan at matatanda na ilang taon nang nakaalam ng katotohanan subalit nagagalak na matulungan sa ilang bahagi ng ministeryo. Ang ilan ay napakahusay sa pagpapasakamay ng literatura subalit nahihirapan sa paggawa ng mga pagdalaw-muli o sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Ang iba naman ay madaling makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya subalit napapansin na ang kanilang mga estudyante ay hindi sumusulong. Ano ang nakapipigil sa kanila? Ang makaranasang mga payunir ay maaaring hilingan ng tulong sa mga larangang ito. Ang ilang payunir ay mabisa sa paglinang ng interes, sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya, at sa pag-akay sa mga bagong estudyante tungo sa organisasyon. Ang kanilang karanasan ay makatutulong sa bagong programang ito.
7 Nasusumpungan ba ninyo na ang inyong iskedyul ay hindi nagpapahintulot sa inyo na masuportahan ang regular na mga pagtitipon ng kongregasyon bago maglingkod kagaya ng nais ninyo? Ang isang payunir ay maaaring makasama ninyo sa mga panahong hindi puwede ang ibang mamamahayag.
8 Ang Mabuting Pagtutulungan ay Kailangan: Dalawang ulit sa isang taon, ang matatanda ay gagawa ng mga kaayusan para ang mga mamamahayag na nagnanais ng personal na tulong ay makabahagi sa programang Pagtulong ng mga Payunir sa Iba. Kung sang-ayon kayong tumanggap ng gayong tulong, makipag-usap sa payunir na mamamahayag na inatasang tumulong sa inyo, gumawa ng isang praktikal na iskedyul sa paglilingkuran, at sundin iyon. Tuparin ang bawat tipanan. Habang kayo ay gumagawang magkasama, pansinin ang mabibisang paraan ng paghaharap ng mabuting balita. Suriin kung bakit ang ilang paglapit ay mabibisa. Isaalang-alang ang mga posibleng maimumungkahi ng payunir na mamamahayag para mapasulong ang inyong presentasyon. Habang inyong ikinakapit ang mga bagay na natututuhan, ang inyong pagsulong sa ministeryo ay mahahayag, kapuwa sa inyo at sa iba. (Tingnan ang 1 Timoteo 4:15.) Gumawang magkasama nang madalas hangga’t maaari, na nakikibahagi sa lahat ng gawain sa ministeryo, lakip na ang di-pormal na pagpapatotoo subalit nagtutuon ng pansin sa anumang partikular na bahagi kung saan kayo nangangailangan ng personal na tulong.
9 Ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay interesado sa pagsulong na maisasagawa. Sa pana-panahon, aalamin niya mula sa konduktor ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat kung paano kayo nakikinabang mula sa programa. Tutulungan din kayo ng tagapangasiwa ng sirkito kapag siya’y dumadalaw sa kongregasyon.
10 Nais ni Jehova na ang kaniyang bayan ay masanay at ‘masangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.’ (2 Tim. 3:17) Malasin ang kaayusan ng Pagtulong ng mga Payunir sa Iba bilang isang mainam na probisyon upang matulungan ang mga nagnanais na mapasulong ang kanilang kakayahan sa pangangaral ng salita. Kung pribilehiyo ninyong makibahagi rito, gawin iyon taglay ang pasasalamat, pagpapakumbaba, at kagalakan.