Mga Nangungunang Tagapangasiwa—Ang Konduktor sa Pag-aaral ng Bantayan
1 Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova ang siyang pangunahing probisyon ng “tapat at maingat na alipin” sa pagbibigay sa atin ng espirituwal na pagkain “sa tamang panahon.” (Mat. 24:45) Ang matanda na nangangasiwa sa Pag-aaral ng Bantayan ay may mahalagang pananagutan bilang isang may-kakayahang guro na nagpapakita ng isang mainam na halimbawa sa Kristiyanong pamumuhay.—Roma 12:7; Sant. 3:1.
2 Upang mabisang makapagturo, ang konduktor sa Pag-aaral ng Bantayan ay dapat na gumawa ng taimtim na pagsisikap upang makapaghanda bawat linggo. Ginagawa niya ito nang may pananalangin at buong pag-iingat. Ang kaniyang masidhing interes sa kongregasyon ay nakikita sa tunay na pagsisikap na abutin ang ating mga puso sa pamamagitan ng pinag-aaralang materyal. Ipinapako niya ang pansin sa mga pangunahing punto ng leksiyon at tinutulungan tayong makita ang kaugnayan ng mga ito sa tema ng artikulo.
3 Kalakip sa lubos na paghahanda ng kaniyang bahagi ang patiunang pagbasa sa mga kasulatan upang malaman kung paano kumakapit ang mga ito. Pinatitingkad niya ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapasigla sa kongregasyon na gamitin ang Bibliya sa panahon ng pag-aaral. Kapag ang isang mahalagang punto ay hindi nasaklaw sa mga komento ng kongregasyon o kapag hindi nagawa ang pagkakapit ng isang susing kasulatan, siya’y naghaharap ng karagdagang espesipikong tanong upang mapalabas ang impormasyon. Sa ganitong paraan, tinutulungan niya tayong sumapit sa tamang konklusyon at upang malaman kung paano ikakapit ang ating natututuhan sa ating buhay.
4 Ang konduktor sa Pag-aaral ng Bantayan ay progresibong nagsisikap na mapasulong ang kaniyang sariling kakayahan sa pagtuturo. Hindi siya masyadong nagkokomento kundi pinasisigla tayong magkomento—sa sarili nating pangungusap, nang maikli, at tuwiran sa punto. Maaari niyang paalalahanan tayo sa pana-panahon na ang unang magkokomento sa parapo ay dapat na magbigay ng maikli, tuwirang sagot sa nakalimbag na tanong. Ang karagdagang mga komento mula sa tagapakinig ay maaaring umakay ng pansin sa pagkakapit ng kasulatan, sumusuhay na mga argumento, o praktikal na pagkakapit ng materyal. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng personal at pampamilyang paghahanda, pinasisigla ng konduktor sa Pag-aaral ng Bantayan ang hangarin ng bawat isa na makibahagi.
5 Bilang “mga taong naturuan ni Jehova,” pinahahalagahan natin ang “kaloob na mga tao,” gaya ng mga konduktor sa Pag-aaral ng Bantayan, na “gumagawa nang masikap sa . . . pagtuturo.”—Isa. 54:13; Efe. 4:8, 11; 1 Tim. 5:17.