Kaayusan sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat
Bahagi 1—Pananagutan ng Konduktor sa Pag-aaral
1 Ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay may mahalagang papel sa espirituwal na pagsulong ng bayan ni Jehova. Sa mga buwang darating, ating susuriin ang iba’t ibang bahagi ng kaayusang ito at isasaalang-alang kung papaano tayo makikinabang. Sa isyung ito, ating itutuon kung papaano gagawin ng konduktor na ang pag-aaral ay nakapagpapasigla at nakapagpapatibay ng pananampalataya.
2 Upang maging mabisa sa pagtuturo, dapat na maghandang mabuti ang konduktor. Hindi lamang niya kailangang malaman ang sagot sa bawat tanong kundi nauunawaan din kung bakit ang sagot ay tama. Dapat pagsikapan niyang tulungan ang lahat sa pag-aaral na malaman ang mga dahilan para sa mga kasagutan. (1 Ped. 3:15) Ito’y magpapalalim sa kanilang pagpapahalaga sa materyal.
MGA TUNGUHIN SA PANGANGASIWA SA PAG-AARAL
3 Ang isang tunguhin ng konduktor ay ang patibayin ang pananampalataya ng lahat ng dumadalo at pasiglahin sila na lubusang gawin ang kalooban ng Diyos. (Awit 110:3; 2 Tes. 1:3-5) Upang maisagawa ito, dapat siyang huminto sumandali sa angkop na mga lugar upang ‘ikintal’ ang mga punto na nagpapatibay ng pananalig kay Jehova, sa kaniyang Salita, at sa kaniyang organisasyon. (Gal. 6:6) Maaaring gamitin ang mga tanong na magpapalitaw sa mga detalyeng ito habang ipinahihintulot ng panahon.
4 Ang isa pang tunguhin ay ang tulungan ang lahat na gamitin ang materyal sa praktikal na paraan. Papaano nila magagamit iyon sa ministeryo sa larangan? Sa pagpapasigla sa mga kapatid at gayundin sa mga baguhan? Sa pagpapatibay sa kanilang pamilya? Sa paghahanda ng mga konduktor sa bawat leksiyon, dapat nilang alamin ang praktikal na pagkakapit ng mga espesipikong punto sa pag-aaral.
5 Ang ilang impormasyon ay maaaring gamitin sa pagtulong sa di kapananampalatayang mga kamag-anak, mga kamag-aral, o kamanggagawa. Ang ibang materyal ay maaaring makatulong sa mga nababahaging sambahayan. Maaaring matulungan sila ng konduktor na gumawa ng praktikal na pagkakapit ng materyal. Dapat niyang ingatang kapanapanabik ang pag-aaral, hindi basta lamang pagsaklaw sa pamamagitan ng tanong-sagot.—Ihambing ang 1 Corinto 14:9, 19.
IPAKITA ANG PERSONAL NA INTERES
6 Sa pamamagitan ng pagpapakita ng personal na interes sa bawat isa, ang konduktor ay makapagpapasigla sa lubusang pakikibahagi. Ang mga kimi ay maaaring atasan nang patiuna na bumasa ng mga kasulatan, o patiunang atasan ng katanungan upang mapaghandaan nilang sagutin. Ang lahat ay dapat na magsikap na magkomento sa kanilang sariling mga salita. Sa pamamagitan ng maingat na pakikinig sa mga komento, makikita ng konduktor kung ang ilan ay nangangailangan ng personal na tulong.
7 Ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na makipagtipon sa maliliit na grupo at tumanggap nang higit na personal na atensiyon. Hindi natin dapat malasin kailanman na ito’y di gaanong mahalaga kung ihahambing sa ibang mga pulong. Ginagamit ng inyong konduktor ang pag-aaral upang patibayin ang inyong pananampalataya at pagpapahalaga sa mga paglalaan ng Diyos.