Manghawakang Mahigpit sa Pangmadlang Pagpapahayag ng Inyong Pag-asa Nang Walang Pag-uurong-Sulong
1 Ang Pag-aaral sa Bantayan ang pangunahing paraan na ang “pagkain sa tamang panahon” ay nailalaan sa bayan ng Diyos ngayon. (Mat. 24:45) Tayo’y dumadalo taglay ang dalawang pangunahing tunguhin: Upang mapatibay sa espirituwal, at upang gumawa ng pangmadlang pagpapahayag ng ating pag-asa sa iba.—Heb. 10:23-25.
2 Pakikinabang sa Ganang Sarili: Tinataya na sa maraming kongregasyon, ikatlong bahagi lamang ng tagapakinig ang patiunang nag-aaral ng leksiyon. Halos gayon ding bilang ang nagkokomento. Ang matigas na pagkaing espirituwal sa Pag-aaral ng Bantayan ay hindi lubusang matutunaw sa pulong mismo. Kailangan ninyo na maglaan ng panahon upang pag-aralan nang patiuna ang materyal.
3 Kapag naghahanda para sa pag-aaral, makabubuting basahin muna ang mga tanong sa kahon sa katapusan ng artikulo. Ang mga ito ay maaaring magtuon ng inyong pansin sa mga pangunahing punto na isasaalang-alang sa leksiyon.
4 Sa panahon ng pag-aaral matamang makinig sa sinasabi. Bigyang pansin ang pambungad na pangungusap ng konduktor. Maaaring siya’y magbangon ng tatlo o apat na mga katanungan na sasagutin, o maaaring repasuhin niya ang mga tampok na bahagi sa leksiyon noong nakaraang linggo. Kung mayroon pagbabago sa ating pang-unawa sa isang hula ng Bibliya o simulain sa Kasulatan, babanggitin niya ito. Sabihin pa, ang mga komento ng konduktor ay dapat na maikli, yamang ang isang dahilan ng pag-aaral ay upang bigyan ng pagkakataon ang kongregasyon na ipahayag ang kanilang pag-asa.
5 Ipahayag ang Inyong Pag-asa: Palagian ba kayong nagkokomento sa pag-aaral? Ang maikli, tuwirang pananalita ay mas mainam. (Ihambing ang Lucas 21:1-4.) Ang payak na komentong mula sa puso ay pinahahalagahan ng lahat. Kadalasan ang unang komento sa isang katanungan ay dapat na maikli at tuwiran. Ito’y nagpapahintulot sa iba na bumanggit ng isang kasulatan o umakay ng pansin sa isang punto sa parapo. Sa ganitong paraan marami ang maaaring makagawa ng pangmadlang pagpapahayag ng kanilang pag-asa. Ang mga komento ay dapat na laging positibo at nakapagpapatibay.
6 Kung kayo’y nagpapasimula pa lamang ng pagdalo o kinakabahan sa pagkokomento, nanaisin ninyong hilingin ang tulong ng konduktor. Hilingin sa kaniyang abangan ang inyong kamay kapag tinatalakay ang isang partikular na parapo. Marahil ay makapagbubulontaryo kayong bumasa ng isang kasulatan o ikapit ang kahulugan nito. Maglagay ng ilang nota sa gilid upang tumulong sa inyong maalaala kung ano ang nais ninyong sabihin. Kung kayo’y kabataan, tandaan na ang inyong mga komento ay pinahahalagahan.—Mat. 21:16.
7 Mahalaga na ipahayag ang ating pananampalataya, at ang Pag-aaral ng Bantayan ay naglalaan ng isang mainam na pagkakataon upang gawin iyon. Ang aklat na Karapatdapat na Maging mga Ministro ay nagsabi ng ganito: “Anuman ang suliranin, iyon ay daigin ninyo at pagbigyan ninyo ang inyong sarili ng kahit man lamang isang kasagutan. Kayo ay makapagbibigay ng bahagi sa pulong, at magiginhawahan kayo nang higit dahil doon.” (Pahina 105) Kaya bakit hindi magplano na magbigay ng kahit na isa man lamang komento sa susunod na Pag-aaral ng Bantayan?—Kaw. 15:23.