Makinabang Mula sa Programa ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro sa 1999
1 Si Jesus ang isang Dalubhasang Guro. Ang mga tao “ay namangha nang lubha sa kaniyang paraan ng pagtuturo.” (Mar. 1:22) Bagaman wala sa atin ang makapagsasalita at makapagtuturo kagaya ng ginawa ni Jesus, maaari tayong magsikap na matularan siya. (Gawa 4:13) Upang matamo ito, ang ating pakikibahagi sa programa ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay tutulong sa atin na patuloy na pasulungin ang ating kakayahan sa pagsasalita at pagtuturo.
2 Sa 1999, ang Atas Blg. 1 ay ibabatay sa kalakhang bahagi sa mga artikulong mula sa magasing Bantayan at Gumising! ng 1997. Ang ating pagkaunawa sa espirituwal na mga bagay ay susulong nang malaki kung ating babasahin ang impormasyon nang patiuna at pagkatapos ay pakikinggan iyon sa programa ng paaralan. Yaong mga naatasang magbigay ng mga pahayag na ito na nagtuturo ay dapat na gumawa ng praktikal na pagkakapit ng materyal, na inihaharap ito sa isang kapana-panabik at masiglang paraan. Ang Atas Blg. 3 ay ibabatay sa aklat na Kaligayahan sa Pamilya, at ang Atas Blg. 4, ay sa isang tauhan ng Bibliya, bagaman ang pagkukunang materyal ay maaaring magkapalit para sa mga atas na ito. Dapat na isaalang-alang na mabuti ng tagapangasiwa sa paaralan ang materyal bago iatas ang mga bahagi. Ang lahat ng estudyanteng aatasang magharap ng materyal mula sa aklat na Kaligayahan sa Pamilya ay dapat na maging huwaran sa kanila mismong buhay pampamilya.
3 Ikapit ang Payo, at Maghandang Mabuti: Bawat isa ay makagagawa ng higit na pagsulong sa sining ng pagsasalita at pagtuturo. (1 Tim. 4:13) Kaya, tayo’y dapat humingi ng payo at huwag itong malasin kailanman bilang isang bagay na nararapat iwasan. (Kaw. 12:15; 19:20) Ang mabisang paghaharap ng katotohanan sa mga pulong at sa ministeryo sa larangan ay higit pa sa basta lamang paglalahad ng katotohanan o nakaugaliang pagbabasa ng mga kasulatan. Kailangan nating abutin ang puso at ganyakin ang mga nakikinig sa atin. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan mula sa ating puso sa nakakukumbinsing paraan. (Ihambing ang Gawa 2:37.) Ang payong ating natatanggap sa paaralan ay makatutulong sa atin na maisagawa ito.
4 Sa oras na matanggap ninyo ang isang atas, isipin ang mga katangian sa pagsasalita na dapat ninyong mapasulong gaya ng ipinaliwanag sa Giya sa Paaralan. Isaalang-alang kung ano ang kailangan ninyong gawin upang maikapit ang dating payo na inyong natanggap. Bulay-bulayin ang inyong tema, ang tagpo na inyong gagamitin kung hinihiling ito, at kung paano ninyo ikakapit ang mga kasulatan na nakapaloob sa inyong atas na materyal. Pag-isipan kung paano magagamit sa pinakamabuting paraan ang impormasyon upang magturo at magpakilos.—1 Tim. 4:15, 16.
5 Kung kayo ay nag-aatubiling magpatala sa paaralan, ipanalangin ito at pagkatapos ay ipakipag-usap ang inyong nadarama sa tagapangasiwa sa paaralan. Ang bawat isa ay makikinabang sa pamamagitan ng lubos na pagsasamantala sa programa na ihaharap sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro sa 1999.