Gamiting Mabuti ang Mas Matatandang Aklat
1 Itinabi ng tao ang milyun-milyong matatandang aklat sa mga aklatan sa bawat sulok ng lupa. Gayunman, anong namamalaging pakinabang ang naidulot ng mga ito sa lahi ng tao? (Ecles. 12:12) Makapupong higit ang halaga ng mga publikasyon na nagtutuon ng pansin sa Kaharian ng Diyos at sa gagawin nito sa sangkatauhan. Marami sa mga kongregasyon ang may istak ng gayong iba’t ibang aklat na inilathala bago ang 1985. Sa Enero, iaalok natin sa madla ang mas matatandang aklat na ito, na pantanging itatampok ang aklat na Nagkakaisa sa Pagsamba at ang maliit na edisyon ng aklat na Mabuhay Magpakailanman.
2 Tunay na Mahalaga ang mga Ito: Bagaman ang ilan sa atin ay baka nakadarama na hindi na napapanahon ang mga aklat na ito kung ihahambing sa ating mas bagong mga publikasyon, dapat nating tandaan na naglalaman ang mga ito ng maka-Kasulatang katotohanan. Ang mensahe ng Kaharian na ipinaliliwanag ng mga ito ay mahalaga pa rin sa ngayon at, kung pakikinggan, ay makapagliligtas ng buhay. (Juan 17:3) Kaya naman, dapat na higit tayong magsikap na gamiting mabuti ang mas matatandang aklat na ito.
3 Ang karanasan ng isang babaing nagmana ng ilang mas matatandang publikasyon ng Watch Tower mula sa kaniyang lola ay nagdiriin sa halaga ng mga ito. Itinanong ng isang Saksi kung may ideya ang babae tungkol sa tunay na halaga ng mga publikasyon. Sumagot ang babae: “Hindi ko alam ang halaga ng mga ito, pero paano ko malalaman?” Ang babae ay tumanggap ng isang pag-aaral sa Bibliya, napasakatotohanan, at mula noon ay lubusang pinahalagahan ang aklatan ng kaniyang lola. Tunay na naging napakahalagang mana ang koleksiyon ng mas matatandang aklat na iyon!
4 Ipamahagi ang mga Ito: Bukod sa pag-aalok ng mas matatandang aklat sa bahay-bahay, tiyakin na ialok ang mga ito kapag dumadalaw-muli sa mga tao na alam ninyong nasisiyahan sa pagbabasa ng ating mga publikasyon, kasali na yaong mga sumuskribe ng Ang Bantayan at Gumising! at yaong nasa inyong ruta ng magasin. Para sa mga nakikipag-aral ng Bibliya sa inyo, ang mga piniling mas matatandang aklat ay makapaglalaan ng karagdagang kaalaman na magpapalawak sa kanilang unawa sa katotohanan. Huwag kaligtaan na kumuha ng alinman sa mas matatandang aklat na wala sa inyong personal na koleksiyon, lalo na ang mga aklat na Nagkakaisa sa Pagsamba at Mabuhay Magpakailanman. Sa ganitong paraan, makapagtitipon kayo ng mahalagang teokratikong aklatan, na maaaring magamit upang mapasigla ang mga panahon ng inyong personal na pag-aaral.
5 Sa halip na itago ang ating mas matatandang aklat, gamitin nating mabuti ang mga ito upang pasiglahin ang mga tao na ating nakakausap na ‘matakot sa tunay na Diyos at tuparin ang kaniyang mga utos.’—Ecles. 12:13.