Pagpapasimula ng mga Pag-aaral sa Brosyur na Hinihiling
1 Ang mga ulat mula sa palibot ng daigdig ay nagpapakita na ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? ay isang mabisang kasangkapan upang maituro ang katotohanan sa mga tao. Libu-libong pag-aaral sa Bibliya ang napasisimulan sa bawat linggo sa brosyur na ito. Naging matagumpay ba kayo sa pagpapasimula at pagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya sa brosyur na Hinihiling?
2 Bagaman nasusumpungan ng marami na madaling ipasakamay ang brosyur, nahihirapan naman ang ilan kung ano ang sasabihin upang makapagpasimula ng pag-aaral. Anong pamamaraan ang nasumpungan ng iba na mabisa sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya na ginagamit ang brosyur na Hinihiling? Ang sumusunod na mga mungkahi ay inaasahang makatutulong.
3 Mag-alok na Itanghal ang Pag-aaral: Kapag gumagawa ng unang pagdalaw o ng pagdalaw-muli, sa halip na basta mag-alok ng isang pag-aaral sa Bibliya sa maybahay, maaari nating itanghal kung paano idinaraos ang kurso ng pag-aaral sa Bibliya. Papawiin nito ang misteryo at ang kasunod na pag-aalala na iniuugnay ng maraming maybahay sa salitang “pag-aaral.” Minsang matutuhan nating itanghal ito, masusumpungan natin na sa isang simpleng pambungad, makapagpapasimula agad tayo ng pag-aaral.
4 Ang Susi ay ang Paghahanda: Ang ating sigla sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya ay tuwirang kaugnay ng kung gaano kahusay ang ating paghahanda. Ang patiunang paghahanda ay makatutulong sa atin na mapanagumpayan ang anumang pag-aatubili na madarama natin sa pakikibahagi sa gawaing pag-aaral ng Bibliya. Sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagsasanay sa ating presentasyon, mas magiging natural ang ating pakikipag-usap, anupat naipahahayag ang ating sarili sa likas na paraan at sa sariling mga pananalita. Hindi lamang ito makatutulong sa atin na maging panatag kundi pangyayarihin din nitong maging palagay ang loob ng maybahay.
5 Kapag nagsasanay, makatutulong kung oorasan ninyo ang inyong presentasyon upang maipabatid ninyo sa maybahay kung gaano katagal maitatanghal ang pag-aaral. Matapos magpakilala, ganito ang sinasabi ng isang kapatid: “Dumalaw ako upang ipakita sa inyo ang aming walang-bayad na programa sa pag-aaral ng Bibliya. Gugugol lamang ng limang minuto para itanghal ito. Puwede ba kayo sa loob ng limang minuto?” Ang Aralin 1 ng brosyur na Hinihiling ay maitatanghal sa loob ng mga limang minuto. Sabihin pa, mga piniling kasulatan lamang ang mababasa sa ganito kaikling panahon, subalit sa pamamagitan ng pagtapos sa unang aralin sa loob ng ilang minuto, mararanasan ng maybahay ang kaniyang unang pag-aaral. Pagkatapos ay ipabatid sa kaniya na kapag nagbalik kayo para pag-aralan ang Aralin 2, gugugol lamang kayo ng 15 minuto.
6 Ang sumusunod na presentasyon ay napatunayang mabisa:
◼ “Nais kong itanghal sa inyo ang isang napakasimple ngunit mabilis na kurso ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya na ginagamit ang brosyur na ito na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Marami ang nakasumpong na sa loob lamang ng 15 minuto bawat linggo na gugugol ng 16 na sanlinggo, makasusumpong sila ng kasiya-siyang maka-Kasulatang mga sagot sa mahahalagang tanong na ito sa Bibliya.” Ipakita sa maikli ang talaan ng mga nilalaman. Sa pagbaling sa Aralin 1, sabihin ang ganito: “Kung mabibigyan ninyo kami ng limang minuto, nais naming ipakita sa inyo kung paano ito ginagawa. Ang Aralin 1 ay pinamagatang ‘Kung Papaano Mo Malalaman ang Hinihiling ng Diyos.’ ” Pagkatapos ay basahin ang tatlong tanong, at ipaliwanag ang mga bilang na nasa panaklong. Basahin ang parapo 1, at ipakita sa maybahay kung paano hahanapin ang sagot. Maaaring hilingin sa maybahay na basahin ang parapo 2. Pagkatapos ay sabihin: “Salig sa impormasyong ito, paano ninyo sasagutin ang tanong na ito? [Basahin muli ang tanong, at hayaang magkomento ang maybahay.] Mapapansin ninyo na may mga kasulatan na kasali sa bawat parapo. Itinutuon ng mga ito ang ating pansin sa sagot ng Bibliya sa mga tanong na ito. Halimbawa, basahin natin ang 2 Timoteo 3:16, 17 at tingnan kung sinusuhayan nito ang sagot na ibinigay ninyo may kinalaman sa may-akda ng Bibliya.” Matapos basahin ang parapo 3, na isinasaalang-alang ang tanong, at ang Juan 17:3, pukawin ang pansin ng maybahay sa kaalaman na natamo niya sa pamamagitan ng pagrerepaso sa Aralin 1. Sa puntong ito ay maaari na kayong bumaling sa Aralin 2 at basahin ang huling tanong, “Sa anong dalawang paraan matututo tayo tungkol sa Diyos?” Pagkatapos ay itanong: “Kailan kayo magkakaroon ng mga 15 minuto para matalakay natin ang Aralin 2 at masagot ang tanong?”
7 Mahalaga na panatilihing simple ang pagtalakay at papurihan ang maybahay hangga’t maaari. Kapag isinasaayos ang susunod na pagdalaw, sa halip na itanong kung gusto niyang magpatuloy, pasiglahin na lamang siya na sundin ang gayunding pamamaraan sa susunod na aralin. Ipaalam sa kaniya na umaasa kayong makabalik. Iniaalok ng ilang mamamahayag na talakayin ang aralin sa telepono kung ang paggawa ng iskedyul ay mahirap. Mapasisigla rin ninyo ang estudyante na itabi ang brosyur sa isang ligtas at malapit na lugar upang madali itong makuha sa susunod ninyong pagdalaw.
8 Maging Determinado: Bagaman ang paghahanda ay susi sa tagumpay, dapat tayong maging determinado na pagbutihin ito. Ang pagtuturo ng isang aralin sa loob ng ilang minuto ay maaaring isang hamon, kaya maging determinadong magsanay ng presentasyon nang maraming beses hangga’t kinakailangan upang maging matatas kapag itinatanghal ang pag-aaral. Sikaping itanghal ang pag-aaral sa sinumang makausap ninyo sa pintuan, sa di-pormal na paraan, at sa pagpapatotoo sa telepono. Kung nahihirapan kayong magpasimula ng pag-aaral sa Bibliya, huwag masiraan ng loob. Ang tagumpay sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya ay nangangailangan ng determinasyon at isang taimtim na hangaring ibahagi ang katotohanan sa iba.—Gal. 6:9.
9 Sa pamamagitan ng pagkakapit sa mga mungkahing ito, kayo rin ay magkakapribilehiyong makatulong sa isang tao na tumahak sa landas ng buhay, sa pamamagitan ng pagpapasimula at pagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya sa brosyur na Hinihiling.—Mat. 7:14.