Pagtuturo Gamit ang Brosyur na Magandang Balita
1. Paano dinisenyo ang brosyur na Magandang Balita?
1 Gaya ng tinalakay sa Ating Ministeryo sa Kaharian noong Hulyo, ang isang mahalagang kasangkapan sa ating toolbox sa pagtuturo ay ang brosyur na Magandang Balita Mula sa Diyos! Hindi sinipi ang mga tekstong binanggit para ang mga may-bahay ay matuto mula mismo sa Bibliya. Bagaman marami sa publikasyon natin sa pag-aaral ang isinulat sa paraang matututo ang mambabasa kahit walang magturo sa kaniya, ang publikasyong ito ay dinisenyo para talakayin kasama ng isang tagapagturo. Kaya kapag iniaalok natin ito, ipakita sa may-bahay kung paano ito pag-aaralan para masabik siyang matuto tungkol sa mabuting balita mula sa Bibliya.—Mat. 13:44.
2. Paano natin magagamit ang brosyur na Magandang Balita sa unang pagdalaw?
2 Sa Unang Pagdalaw: Puwede mong sabihin: “Naparito ako dahil marami ang nababahala kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Sa palagay mo, bubuti pa kaya ang kalagayan natin sa ngayon? [Hayaang sumagot.] May magandang balita dito sa Bibliya na magbibigay sa atin ng pag-asa. Narito ang ilang tanong na sinasagot ng Bibliya.” Iabot sa may-bahay ang brosyur, at papiliin siya ng isang tanong mula sa pabalat sa likod. Saka ipakita kung paano isasagawa ang pag-aaral gamit ang unang parapo ng araling iyon. Puwede mo rin siyang tanungin ng isang nakatatawag-pansing tanong mula sa araling napili mo, at saka ipakita kung paano makatutulong sa kaniya ang brosyur para malaman ang sagot ng Bibliya. Kung ang araling iyon ay may kaugnay na video sa jw.org/tl, ipine-play ito ng ilang mamamahayag.
3. Ipaliwanag kung paano magdaraos ng pag-aaral gamit ang brosyur na Magandang Balita.
3 Kung Paano Magdaraos ng Pag-aaral: (1) Basahin ang naka-bold na tanong para tulungan ang may-bahay na magpokus sa pangunahing punto. (2) Basahin ang kasunod na parapo. (3) Basahin ang nakaitalikong mga teksto, at gumamit ng pinag-isipang mga tanong para makita ng may-bahay kung paano sinasagot ng mga teksto ang tanong. (4) Kung may isa pang parapo sa ilalim ng tanong, ulitin ang ginawa sa 2 at 3. Kung may babagay na video sa tanong at hindi pa ito napapanood ng may-bahay, ipapanood ito sa kaniya. (5) Pinakahuli, hilingan ang may-bahay na sagutin ang tanong para makatiyak na nakuha niya ang punto.
4. Ano ang makatutulong sa atin para magamit ang mahalagang kasangkapang ito nang may kasanayan?
4 Maging pamilyar sa mahalagang kasangkapang ito. Gamitin ito sa bawat angkop na pagkakataon. Bago idaos ang pag-aaral, isipin ang pinakamagandang paraan ng pagpapaliwanag sa iyong estudyante, gamit ang mga teksto sa aralin. (Kaw. 15:28; Gawa 17:2, 3) Habang nasasanay ka at nagiging makaranasan, baka maging paborito mo nang kasangkapan ang brosyur na ito sa pagtuturo ng katotohanan sa mga tao!