Bagong Programa ng Pantanging Araw ng Asamblea
Ang programa ng pantanging araw ng asamblea pasimula sa Pebrero 2000 ay may temang: “Pagsasaliksik sa Malalalim na Bagay ng Diyos.” (1 Cor. 2:10) Anong mahahalagang bagay ang ating matututuhan?
Sa kanilang paghahanap ng kaalaman, maraming tao ang hindi nagiginhawahan sa kanilang nasusumpungan. Binibigyang-lakas tayo ng Bibliya, gaya ng ipakikita ng tagapangasiwa ng sirkito sa kaniyang bahagi na pinamagatang “Ang Pagsasaliksik sa Salita ng Diyos ay Nagdudulot ng Kaginhawahan.” Ang dumadalaw na tagapagsalita ang magpapakita sa kaugnayan ng pagsasaliksik sa malalalim na bagay ng Diyos at ng pangangaral ng mabuting balita habang binibigyan niya ng pansin ang tanong na “Paano Ninyo Minamalas ang Pangangaral ng Kaharian?”
Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na higit na magsuri sa Salita ng Diyos? Ilalaan ang praktikal na mga mungkahi sa bahaging “Ikintal ang Salita ng Diyos sa Inyong mga Anak.” Ang mga kabataang Kristiyano ay naiimpluwensiyahan sa mabuting paraan sa pamamagitan ng pakikipagsamahan sa mga maygulang sa espirituwal sa loob ng kongregasyon. Ang mga halimbawa kung paano sila naaapektuhan sa ikabubuti ay itatampok sa bahaging “Mga Kabataan na Natututo Mula sa mga Nakatatanda.”
Bakit dapat tayong magsikap sa paghanap ng nakatagong espirituwal na kayamanan sa panahong ito? Si Jehova ay Tagapagsiwalat ng mga lihim. Ang dumadalaw na tagapagsalita ay magpapaliwanag kung ano ang isiniwalat ni Jehova sa sinauna at modernong mga panahon sa pahayag na “Pasulong na Isinisiwalat ni Jehova ang Malalalim na Bagay.” Ito ay magpapatibay sa ating kapasiyahan na patuloy na “saliksikin ang malalalim na bagay ng Diyos.”
Magplano na ngayon upang makadalo. Yaong nagnanais na sagisagan ang kanilang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo ay dapat na magbigay alam sa punong tagapangasiwa karaka-raka hangga’t maaari. Ang ating marubdob na pagnanais na pakasaliksikin ang Salita ng Diyos ay mapatitibay ng ating mapakikinggan. Kaya huwag palampasin ang pantanging araw na ito ng espirituwal na pagtuturo!